Thursday, June 2, 2011

Si Yahweh Ang Aking Pastol

Ang relasyon sa Dios na Lumikha ng bayang Israel (sa partikular) at ng mga mananampalataya (sa kalahatan) ay madalas na inilalarawan sa iba't ibang figura (tayutay) at pamamaraan upang bigyang diin ang malalalim na kaisipang kung sa pangkaraniwan ay napakahirap bigyang ekspresyon sa pananalita ng tao.

Isa sa pinakamagandang paglalarawan ng relasyong ito sa Dios na puno ng kulay at kahulugan ay isinulat ni David sa Awit 23. Narito ang nabanggit na kinasihang salmo sa Saling Tagalog Popular Version (TPV):

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako'y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
At inaakay Niya ako sa tahimik na batisan,
Binibigyan Niya ako niyong bagong kalakasan.

"At sang-ayon sa pangako na Kaniyang binitawan
Sa matuwid na landasi'y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo'y tumatahak sa karimlan,
Hindi ako matatakot pagkat Ikaw'y kaagapay;
Ang tungkod Mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

"Sa harapan ng lingkod mo, Ikaw ay may handang dulang,
Ito'y Iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
Nalulugod Ka sa akin na ulo ko ay langisan
At pati na ang saro ko ay Iyong pinaaapaw.

"Tunay na ang pag-ibig Mo at ang Iyong kabutihan,
Sasaaki't tataglayin habang ako'y nabubuhay;
Doon ako sa templo Mo lalagi at mananahan."

Ang unang bahagi ng versiculo 1 ng Awit na ito na naghahayag - "Si Yahweh ang aking Pastol" - ang pinaka pundasyong saligan ng lahat ng iba pang mga kapahayagan sa mga sumunod na versiculo. Mabuti ngang itanong natin


SINO BA SI YAHWEH?


Ang Yahweh (o Jehovah sa ibang mga Salin) ay kumakatawan sa itinuturing na pinaka banal na pangalan ng Dios ng Israel. "Ako si Yahweh; na siyang Aking pangalan: at ang Aking kaluwalhatian ay hindi Ko ibibigay sa iba, o ang Akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan." (Isaias 42:8 pakitingnan din ang Exodo 6:2-3)

Dalawang pangunahing kaisipan at diwa ang nakapaloob sa pangalang ito ng Dios. Una'y inihahayag ng pangalang ito ang katotohanan ng pagiging walang simula at walang hanggan ng Dios. "Sinabi ng Diyos, 'Ako'y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga, ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa Akin magpakailanman.' " (Exodo 3:14-15, TPV)

"Panginoon naming Diyos, Ikaw ang aming tahanan, Simula pa sa simulang lumitaw ang aming angkan; Wala pa ang mga bundok, hindi Mo pa nilalalang, Hindi Mo pa nililikha itong buong daigdigan, Ikaw noon ay Diyos na, pagka't Ikaw'y walang hanggan." (Awit 90:1-2, TPV)

Wala pa ang kalawakan, ang kalupaan, ang karagatan, at ang anomang bagay, ay dati nang ang Dios ay Dios! Wala Siyang pinagmulan. Bagkus sa Kaniya nga nagmula ang lahat. Walang lumikha sa Kaniya. Sa halip ay Siya ang lumikha sa lahat ng bagay.

Wala pa ikaw o ako o ang sinomang tao o anghel, ang Dios ay umiiral na nang walang simula at walang katapusang pag-iral, sapagka't Siya lamang ang walang hanggan at likas na walang kamatayan.

Siya lamang ang nabubuhay nang ganap na malaya at walang inaasahan kundi ang sarili lamang Niya. Hindi Niya kailangan ang tubig o pagkain o hangin, pagkat di Siya gaya ng tao na nasasaklaw ng mga pisikal na limitasyon, pagkat  Siya ay walang hanggang Espiritu sa Kaniyang pinaka esensiya!

"Ni hindi rin naman pinaglilingkuran Siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang Siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang Siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay;" (Gawa 17:25)

Nakapaloob din sa pangalang "Yahweh" (o "Jehovah") ang katotohanang Siya ang Alpha at ang Omega, ang Una at ang Huli, ang Pasimula at ang Wakas, ang Dios na Makapangyarihan sa lahat, "Dios sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating" (Apocalipsis o Pahayag 1:8; 22:12-13)

Ang di maaabot na katayugan ng ating Manglilikha bilang walang hanggang Dios at kasabay nito'y ang Kaniyang pagpapakababa sa limitasyon ng mga panahon at ng nilikhang kalawakan upang abutin tayo sa ating kaaba-abang kalagayan ay inilalarawan at ipinahihiwatig ng pangalan Niyang "Yahweh".

"Sapagka't ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal; Ako'y tumatahan sa mataas at banal na dako na kasama rin niya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob, upang bumuhay ng loob ng nagpapakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi." (Isaias 57:15)

Pagsisisi at pagpapakumbabang-loob - ito ang kinakailangan natin upang ang pagpapatawad at kahabagan ng Dios na Lumikha sa atin ay ating maranasan sa ating buhay. "Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba." (Santiago 4:6)

Ano ngang laking biyaya ang makilala natin ang Dios bilang ating Manglilikha, Tagapagligtas at Pastol.

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang." (Awit 23:1)

Mayron pa bang kailangan ang isang kordero o tupa kung may isa itong mabuting pastol na mapagmahal at mapagkalinga?


ANG KASAPATAN NG PANGINOON


Nauunawaan mo ba, giliw na mambabasa, ang nais ipahiwatig ng Espiritu ng Dios sa mga salitang iyon na ipinasulat Niya kay David? "Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang".

Narito uli ang nabanggit na versiculo sa Salin namang "Ang Biblia" (TOVB): "Ang Panginoon ay aking Pastor; hindi ako mangangailangan." (Awit 23:1)

Kung ang Panginoong Dios na Lumikha ng lahat ng mga bagay at May-ari ng lahat ng mga bagay ang ating Pastol, mayron pa ba tayong ibang tunay na kailangan?

Maaari bang magkulang ang isang katulad ni David na ang Panginoon mismo ang Pastol na kumukupkop at nag-aaruga sa kaniya?

Sino ang pastol mo, kaibigan? Ang magulang mo ba? Ang katrabaho mo? O baka ang boss mo? O ang kamag-aral mo? Ang kabarkada mo? Ang ministro o pari sa inyong simbahan? O ang isang paboritong libro? O siguro'y ang sarili mo?

Kung sila ang mga pastol mo ay hindi nga kataka-takang hindi matapos-tapos ang pangangailangan mo? At napakarami ring kulang lagi sa'yo.

Trabaho ka namang lagi ng trabaho, ngunit kulang ka lagi sa pera. Lagi ka namang nakatingin sa relo at nagsisikap maging maagap ngunit kulang ka lagi sa panahon. Natutulog ka rin naman ngunit kulang ka sa pahinga at laging pagod.

Laging napakarami ng kulang na nadarama mo sa buhay. Marami ka namang kakilala, kamag-anak, at kabarkada ngunit bakit kulang pa rin sa kaibigan? Laging nasa mataong lugar ngunit bakit laging nadarama mong nag-iisa ka pa rin, nagsosolo, walang kasama?

Lagi ring sinisikap mong tumawa (gaya ng sabi ni Freddie Aguilar - "tawanan mo ang iyong problema...") ngunit bakit lumuluha ka pa ring patago sa kaibuturan ng iyong puso't kaluluwa? Ano ang kulang? Mayron bang kulang sa'yo? Ano? O Sino?

"Si Yahweh..."

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang"

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment