Monday, October 5, 2009

Ang Biblia

Ang aklat na nakilala natin sa katawagang "Biblia" (sa Tagalog) o "Bible" (sa Inggles)ay hindi iisang aklat lamang sa katotohanan. Ito ay binubuo ng 66 na mga aklat. Tatlumpo't siyam na aklat ang bumubuo sa kung tawagi'y "Matandang Tipan" at dalawampu't pitong aklat naman ang "Bagong Tipan".

Ang lahat ng mga aklat na ito ng Banal na Kasulatan ay kinasihan ng Dios (2 Timoteo 3:16). Ito'y nangangahulugan na nasulat sila hindi sa kagustohan ng tao. Ni hindi rin sa kakayahan at pagkatha ng tao. Wala ring kinalaman ang karunungan at kaalaman ng tao kung paguusapan ang pinagmulan ng Kasulatan. Tanging ang Espiritu ng Dios ang dahilan kaya nagawa ng mga propeta at mga lingkod ng Dios na maisulat ang mga aklat ng Kasulatan.

Ang Espiritu ni Cristo na nasa mga propeta, mga apostol, at mga lingkod ng Dios ang nagbigay sa kanila ng kakayahan, kaalaman at karunungan ng Dios upang maisakatuparan nila ang misyon ng pagbibigay ng Kasulatan sa sangkatauhan.

MGA NAGKOKONTRAHANG SEKTA, DENOMINASYON, IGLESIA, AT RELIHIYON

Sa Ikalawang Sulat ni apostol Pedro ay nabanggit niya na ang mga sulat ni apostol Pablo (at gayon din ang iba pang mga Kasulatan)ay "binibigyan ng maling kahulugan [o pinipilipit] ng mga mangmang at mahihina" (2 Pedro 3:15-16, TPV)

Ang sinabing ito ni Pedro ay napakaseryoso, sapagkat ito'y nangangahulugan na ang pagbabasa o pakikinig sa binabasang Kasulatan ay hindi basta magreresulta sa pagkakaroon ng wasto at eksaktong pagkaunawa.

Ang isang mambabasa ng Biblia ay maaaring magkaroon ng ganitong pagkaunawa. At maaari namang ang isa pa ay magkaroon ng ganap na kaibang pagkaunawa kumpara sa una. Sila ay tiyak na magkokontrahan pagkat igigiit ng isa na siya ang tama at ang kaharap ay mali. Di rin naman papayag ang isa na patalo at paninindigan din na siya'y tama at yung isa ang mali!

Ang ganyang nagkakaiba-iba at nagkokontrahang pagkaunawa sa Kasulatan ng karnal na isipan ng tao ang dahilan kung bakit dumami nang dumami ang bilang ng mga sekta, mga denominasyon at salungatang mga paniniwala ng Kristianismo!

At hindi sila titigil ng pagdami habang ang karnal na isipan at rason ng tao ang ginagamit na basehan ng pag-unawa sa Kasulatan. "Anupat ipinahahamak nila ang kanilang sarili" (2 Pedro 3:16, TPV).

ANG TITIK AY PUMAPATAY, DATAPUWAT ANG ESPIRITU'Y NAGBIBIGAY-BUHAY

Ang karnal na isipan ng tao ay walang kakayahang umunawa sa mga espirituwal na bagay at katotohanan. Kahit pa ang isang tao ay nakapag-aral ng kolehiyo. Kahit pa siya'y nakatapos ng seminaryo o kung tawagin ng iba'y "Bible school." Ang pagiging karnal ng kanyang isipan ay hindi mababago.

Ang anopamang kaalaman sa orihinal na lengguwahe ng Kasulatan gaya ng Hebreo at Griego ay hindi rin makapagbubukas ng mga hiwaga at lihim ng Kasulatan. Ang mga eskriba at Pariseo nang unang siglo ay dalubhasa sa kanilang katutubong wikang Hebreo at Arameo pero hindi rin nakatulong ang ganong kaalaman para makilala nila ang Mesias, kahit na Siya'y kaharap na nila, at iya'y sa kabila ng katotohanang araw-gabi nilang binabasa ang Matandang Tipan sa orihinal nitong lengguwahe! Kabilang pa nga sila sa sumigaw na "ipako Siya sa krus, ipako Siya sa krus" sa harap ni Pilato.

Ganito ang sabi ni apostol Pablo: "Sa mga nagtataglay ng Espiritu, ang ipinaliliwanag nami'y mga katotohanang espirituwal; mga pananalitang TURO NG ESPIRITU at HINDI AYON SA KARUNUNGAN NG TAO ANG GINAGAMIT NAMIN. Sapagkat ang taong di nagtataglay ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Dios. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ANG MGA BAGAY NA ESPIRITUWAL AY MAUUNAWAAN LAMANG SA PARAANG ESPIRITUWAL." (1 Corinto 2:13-14,TPV)

Ito'y nangangahulugan na ang Espiritu ng Dios na nagkaloob sa mga apostol (at sa iba pang mga manunulat ng Kasulatan) ng ESPIRITUWAL na karunungan at pagkaunawa para maisulat nila ang Kasulatan, ang Siya ring tanging makapagkakaloob ng ESPIRITUWAL na pagkaunawa sa tunay na kahulugan at mensahe ng banal na Kasulatan sa mga bumabasa nito! Ito lamang ang nag-iisang paraaan upang makarating tayo sa tumpak sa pagkaunawa sa banal na Kasulatan.

KATOTOHANAN O SIMBAHAN? ANO BA TALAGA ANG HINAHANAP MO?

Kung nais mong magtamo ng tunay at wastong pagkaunawa sa banal na Kasulatan ay kinakailangan mong isa-isangtabi ang karnal na isipan at rason mo. Hindi maaari ang pagmamalaki at pagmamagaling sa sariling kaalaman at karunungan sa pag-aaral ng Biblia. Kailangan mo ring isa-isangtabi muna ang interpretasyon ng simbahan o sektang kinabibilangan mo.

Huwag mong ipalagay na tama na kaagad ang interpretasyon nila dahil lamang sa miyembro ka ng kanilang samahan, o kaya'y dahil sa iyan na ang kinagisnan mo! Maaaring isa kang miyembro ng ganito o ganong simbahan, sekta, iglesia, "church," o "fellowship," o iba pang tulad niyan, ngunit dapat mong tandaan na ang Dios na lumikha sa iyo ay hindi pag-aari ng alinmang sekta o relihiyon sa ibabaw ng lupa!

Kung paanong hindi puwedeng angkinin ng alinmang lahi, bansa, sekta, o relihiyon na pag-aari nila ang araw at ang liwanag nito, at sila lang ang may karapatan sa mga ito; gayon din naman na walang sinumang maaaring umangkin sa Lumikha ng araw na Siya'y nasasakop o pag-aari nila!

Ang Dios ang may-ari ng lahat sapagkat Siya ang lumikha ng lahat, ngunit hindi Siya pag-aari ninuman. Ang biyaya, kabutihan at pag-ibig ng Dios ay totoong para sa lahat, gaya ng kung paanong ang sikat ng araw ay para sa lahat. Ngunit walang sinomang indibiduwal o grupo ang may monopolyo sa Dios na Makapangyarihan sa lahat!

Alabok at abo lamang ang tao sa harap ng Dios. "Lahat ng mga bansa ay parang walang anoman sa harap Niya; nangabilang sa Kaniya na kulang kaysa wala, at walang kabuluhan." (Isaias 40:17, TOVB) Kayat walang sinumang makapagrereklamo sa Kaniya. "Ngunit ikaw na tao lang - sino ka upang sumagot ng gayon sa Diyos? Masasabi ba ng tao sa lumikha sa kanya, 'Bakit mo ako ginawang ganito?' Wala bang karapatan ang magpapalayok na gumawa ng isang kasangkapang mamahalin at isa namang kasangkapang mumurahin mula sa isang limpak ng luwad?" (Roma 9:20-21, TPV)

Kaya huwag kang matakot sa mga sekta't relihiyon at maging sa mga pananakot ng mga namumuno sa kanila. Maaaring sabihin nilang manganganib ang kaluluwa mo kung kukuwestiyunin mo ang kanilang mga doktrina at aral. Maaari pang takutin ka na mapupunta ka sa kung tawagin nila'y "impiyerno" pag humiwalay ka sa kanilang samahan. Ngunit tandaan mo na sila lang ay may sabi niyan. HINDI ANG DIOS!

Ang pananakot din ang ginamit ng mga prayle nang unang panahon upang alipinin at abusuhin ang mga walang muwang na tao sa Pilipinas at iba pang mga bansa.

Ngunit hindi ka rin namin nais hikayatin na lumipat sa alinmang iba pang sekta. Di ka rin puwedeng lumipat dito sa amin. KASI WALA KAMING SEKTA NA KINABIBILANGAN! Kami'y KAY CRISTO lamang at KAY CRISTO. SIYA AY SAPAT NA PARA SA AMIN, sapagkat Siya ang Daan, Katotohanan, at Buhay patungo sa Ama (Juan 14:6). Siya ay sapat din sa iyo. Si Cristo lamang ang kailangan mo.

SI CRISTO AY SAPAT NA

Sa Juan 14:6 ay sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo ang ganito: "Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko." (TPV)

Si Cristo ang Daan. "Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa Kaniya ng PANGINOON ang kasamaan nating lahat." (Isaias 53:6, TOVB) Ang mga sekta, denominasyon, at ibat ibang paniniwala ang ginawa ng bawat isa sa atin na daan para tangkaing bumalik sa Dios, ngunit lahat ng sariling gawang daan na inakala nating tama ay daang patungo pala sa kamatayan (Kawikaan 14:12)! Si Cristo lamang ang tunay na Daang patungo sa Dios at walang hanggang buhay!

Si Cristo ang Katotohanan. Ang katotohanan ay hindi isang samahan, o sekta, o iglesia, o pilosopiya, o doktrina. Ang katotohanan ay isang Persona. Ang katotohanan ay si Cristo mismo. Kumpara sa Kaniya, ang Matandang Tipan at ang kautusan, kasama na ang mga seremonya at pag-aalay ng mga dugo ng hayop ay pawang anino lamang na ang katuparan at kaganapan ay si Cristo at ang sakripisyo Niya sa krus ng Calvario. Siya ang katotohanan, sapagkat lahat ng anino at tipo ay Siya ang sustansiya (substance). Sa Kaniya rin nalalantad ang lahat ng daya at kasinungalingan. Sa Kaniyang liwanag ay napangangalat at naglalaho ang kadiliman. Sa Kaniya ka magpaturo na Siyang nag-iisa nating Master, Guro at Tagapagligtas.

Si Cristo ang Buhay. Sa labas ni Cristo ay kamatayan lang ang nandoon. Maaaring ikaw ay nasa "totoong sekta," "totoong iglesia," "totoong relihiyon" o "totoong samahan" ngunit kung hiwalay ka kay Cristo ay kamatayan pa rin ang kinaroroonan mo't tinatahak. Huwag kang padaya sa mga salitang mapanlinlang. Hindi lahat ng kumikinang ay ginto. Hindi lahat ng tinatawag na "totoo" ay totoo nga! Isa lamang ang totoo. Isa lamang katotohanan. Iyan ay si Cristo.

"Ang sinumang nananalig sa Anak ng Diyos ay naniniwala sa patotoong ito. Ngunit ang ayaw maniwala sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya naniniwala sa patotoo nito tungkol sa Kaniyang Anak. At ito ang patotoo: Ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng Kaniyang Anak. Ang pinananahanan ng Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan, ngunit wala nito ang hindi pinananahanan ng Anak ng Diyos...

At nalalaman nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan Niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa Kaniyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan. Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyusan." (1 Juan 5:10-12, 20-21, TPV)

(Itutuloy)

Friday, October 2, 2009

Tungkol sa Anak ng Dios

Ang kahulugan ng salitang "evangelio" sa literal ay "mabuting mensahe" o "mabuting balita". Ito ay 77 ulit na ginamit sa Kasulatang Griego (o Bagong Tipan). Sa tuwing gagamitin ang salitang ito sa Bagong Tipan ay nakasentro itong lagi sa iisang pundasyong katotohanan - si Cristo. Ang tinatawag na "evangelio" o "mabuting balita" ay laging PATUNGKOL KAY JESU-CRISTO NA ANAK NG DIOS (Marcos 1:1; Roma 1:3).

Ang sentrong paksa kung gayon at ibinabalita sa "evangelio ng Dios" ay si Jesu-Cristo at ang Kanyang mga gawa at aral. Ang "mabuting balita" ay HINDI tungkol sa isang iglesia, sekta, kulto o relihiyon. Hindi rin ito tungkol sa isang pilosopiya, sistema ng paniniwala, o kalipunan ng mga patakaran.

Ang kasalukuyang nagkokontrahan at napakagulong kalagayan ng mga sekta at samahan at denominasyong pangrelihiyon sa loob ng Cristianismo ay isang masamang balita. Ang nakararami sa mga sekta at samahan at "iglesia" o kapulungang ito ay tunay na mga "social clubs" lamang na nagbibigay kasiyahan sa laman. Sila'y nagkukubli lamang sa damit-relihiyon kaya't nagmumukhang may anyo ng kabanalan.

Ang pinakamabuting serbisyong nagagawa nila ay bigyan ng pansamantalang pangpakalma ang mga inuusig na budhi at kalooban ng kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng mga pangakong ang basehan ay ang pamantayan pa rin ng laman. Ang pagkaalipin sa kabulukan ng kasalanan ay di talagang nalulunasan ng mga sekta't relihiyong ito. Ang kanilang naaabot lamang ay pawang may kinalaman sa panglabas na ugali at asal. Nguni't ang puso na siyang pinagmumulan ng lahat ng masamang pag-iisip, pananalita, at gawa ay patuloy sa paglala nito sa kalagayan ng rebelyon sa Dios at pagmamatigas.

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, nguni't ang loob nito'y puno ng mga nahuthot ninyo dahil sa kasakiman at pagsasamantala. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang mga nasa loob ng tasa at ng pinggan, at magiging malinis din ang labas nito.

Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, nguni't sa loob ay puno ng kabulukan at buto ng mga patay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti kayo, nguni't ang totoo, punong-puno kayo ng pagpapaimbabaw at kasamaan." (Mateo 23:25-28, TPV)

Maliwanag na ang panlabas na reforma o pagsasapormal ng kilos ay hindi sapat sa pamantayan ng Panginoon. Ang mga eskriba't Pariseo noong unang panahon ay mga pormal at moral sa kanilang panlabas na pag-uugali nguni't kinondena sila ng Panginoon at itinulad sa libingang pinaganda at pinaputi sa labas, nguni't sa loob pala'y nabubulok na bangkay ang iniingatan. Ang tawag sa kanila ng Panginoon ay "mga mapagpaimbabaw."

Ang "mabuting balita" ay hindi patungkol sa anopamang panlabas na remedyo para linising patuloy ang panlabas habang binabale-wala ang panloob na kalagayan na siyang ugat ng problema. Laging panloob ang ugat ng suliranin ng tao. Anopamang pagmumura ng tao o pagsasalita ng masakit sa kapwa ay resulta ng poot na sa puso nag-uugat.

Anopamang kahalayan sa salita o sa gawa ay laging nag-uugat muna sa mga makalaman na pagnanasa ng puso. Gayon din ang pagnanakaw bago pa ito gawin ay nagsisimula na muna sa pagkainggit at pag-iimbot ng mga bagay na hindi sa iyo. Ang pagsamba din sa diyus-diyusan ay nagmumula muna sa pusong nag-iimbot sa mga bagay ng sanlibutan. Dumarating ang punto na ang mga bagay ng sanlibutang ito ay mas higit pang pinahahalagahan ng tao kaysa sa Dios na lumalang sa kanya at nagkaloob sa kanya ng lahat. Ang kalagayang ito ng tao ay tunay ngang masamang balita.

Malinaw nga na kung pag-uusapan ang tao sa kanyang hiwalay na kalagayan sa Dios na pawang masamang balita ang maririnig natin.

Tanging KAY CRISTO lamang may mabuting balita. Siya nga ang sentro at kabuoan ng mabuting balita. Siya ang evangelio o mabuting balita ng Dios para sa ating lahat.

SINO BA SI JESU-CRISTO?

Una sa lahat, si Jesu-Cristo ang Salita ng Dios (Juan 1:1-14). Siya ay naroon na sa simula bago pa malalang ang lahat ng mga bagay. Siya ay kasama na ng Dios nang pasimula. At Siya noon ay Dios na mula pa sa simula.

Siya kung gayon ang orihinal na Salita ng Dios (Pahayag 19:13). Wala pang Banal na Kasulatan na nasa papel at tinta ay mayron ng Salita ng Dios na kasama ng Dios sa pasimula. Siya'y si Jesu-Cristo!

Nguni't hindi pa Siya napakikilala noon bilang Jesu-Cristo. Siya noon ang Salita sa pasimula. Nang magkakatawang-tao na Siya ay doon pa lang Siya sinimulang ipakilala sa pangalang "Jesus" (Jehovah-Tagapagligtas).

Si Jesu-Cristo kung gayon ang Salita ng Dios sa pinakaganap at sukdulang kahulugan. Pag ang Kasulatan ay tinatawag na salita ng Dios, ito ay sa secondaryong pakahulugan lamang, bilang ito ang nagbibigay sa atin ng simulaing patotoo tungkol sa Salita ng Dios o sa Panginoong Jesu-Cristo.

Halimbawa, kung uminom ka ng isang basong tubig galing sa isang bukal ay maaari mong itanong sa iba mong kasama: "Uminom na ba kayo sa bukal?" Maaari mo pang idagdag, "Masarap at napakalamig ng bukal!"

Hindi naman ang ibig sabihin ng mga salitang iyan na ang kabuoan na ng bukal ang ininom mo. Ang totoo'y isang napakaliit na bahagi ng tubig na galing sa bukal lang ang natikman mo't nainom. Pero maaari mo pa ring sabihing, "Wow, ang sarap ng bukal. Napakalamig ng bukal," na ang tinutukoy mo lang ay ang tubig na na-sample-lan mong inumin galing sa bukal.

Ibig sabihin ang tubig na nasa baso (isang bahagi) ay maaari mong tawagin sa pangalang "bukal" (ang kabuoan), sapagka't ang una ay nagmula at isang bahagi ng huli. (Ang tawag dito ay Synecdoche sa Figure of Speech sa Inggles.)

Ito ay maaari lamang bilang figura, nguni't hindi ito nangangahulugan sa LITERAL na ang isang basong tubig at ang pinanggalingan nitong bukal ay may iisang identity o pagkakakilanlan. Ang isang basong tubig ay hindi ang bukal. At ang bukal ay hindi ang isang basong tubig. Magkaiba pa din ang nanggaling doon sa kanyang pinanggalingan!

Katulad nito ang Kasulatan at si Jesu-Cristo (ang Salita). Ang Biblia ay nasulat galing sa pagkasi ng Espiritu ni Cristo sa mga propeta at banal na tao ng Dios na kinasangkapan sa pagsulat nito. Ang Biblia kung gayon ay galing kay Cristo, gaya ng ating ilustrasyon (ang tubig na galing sa bukal).

Si Cristo ang talagang ganap na Salita ng Dios sa pinakasukdulang kahulugan. Nguni't dahil ang Kasulatan (o ang Biblia) ay galing sa Kanya at Siya ang pinapatotohanan nito ay tinatawag din itong salita ng Dios sa secondaryong pakahulugan.

Nguni't ganap na magkaiba pa din ang Cristo at ang Kasulatan. Ang Cristo ay maaaring tawaging "Dios" (Juan 1:1), nguni't hindi natin puwedeng sabihing "ang Biblia ay Dios din." Ito ay magiging bibliolatriya o isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan.

Maaaring sabihing, "Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan Niya (ng Salita o ni Cristo); at alinman sa lahat ng ginawa ay hindi nagawa kung wala Siya." (Juan 1:3)

Nguni't magiging mali na sabihing, "ang lahat ay ginawa sa pamamagitan ng Kasulatan (o ng Biblia); at alinman sa lahat ng ginawa ay hindi nagawa kung wala ang Kasulatan." Sa katotohanan nga'y wala pa ang Biblia sa papel at tinta ay nalalang na ng Salita (o ni Cristo) ang sangsinukob sa Kanyang kapangyarihan.

Wala pa ang Bibliang nasusulat sa papel at tinta ay naroroon nang dati sa pasimula pa ANG SALITA. Kahit ang Biblia ay hindi masusulat kung hindi dahil sa Kanya at sa pamamagitan Niya. ANG SALITA NG DIOS kung gayon ay si Jesu-Cristo talaga, at ang Biblia naman ang nasusulat na patotoo upang ipakilala Siya sa atin na Siyang talagang SALITA NG DIOS!

(Itutuloy)