Friday, July 9, 2010

Ang Katotohanan Tungkol sa 'Impierno' (Ika-2 Bahagi)

Ang tao ay nilalang ng Dios ayon sa Kaniyang wangis at sariling larawan (Genesis 1:26-27). Ang larawang ito sa kaniyang pinaka esensiya ay espirituwal at hindi pisikal (Efeso 4:24; Colosas 3:10), sapagka't "ang Dios ay espiritu" sa Kaniyang kalikasan (Juan 4:24).

Ang detalye ng paglikha ng Dios sa tao ay inilalarawan sa Genesis 2:7: "At nilalang (literal, inanyuan) ng PANGINOONG Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay."

Pansinin na ang tao mismo ay direktang binigyang-anyo ng Panginoong Dios sa alabok ng lupa. Ang salitang isinaling "nilalang" ay "inanyuan" ang literal na kahulugan sa orihinal na Hebreo. Ang Dios ay inilalarawan ng naturang salita gaya ng isang magpapalyok na Siyang nagbigay-anyo sa tao: "Nguni't ngayon, Oh Panginoon, Ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik (luwad), at Ikaw ay Magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng Iyong kamay." (Isaias 64:8)

Ang pisikal na katawan, na yari sa alabok ng lupa, kung gayon ay hindi isang pandagdag lamang na sangkap ng tao. Ang kayarian ng tao, bagama't nakasalig sa espirituwal na sangkap niya na nilalang sa larawan ng Dios, ay hindi maaaring ihiwalay sa kaniyang materyal na kayariang mula sa lupa.

Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Abraham: "Narito, ngayo'y nangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang." (Genesis 18:27) Tulad din nito ang sinabi ni Job: "Ang Iyong mga kamay ang siyang lumalang at nagbigay anyo sa akin sa buong palibot...Iyong alalahanin, isinasamo ko sa Iyo, na ako'y Iyong binigyang anyo na gaya ng putik (luwad); at iuuwi Mo ba ako uli sa pagkaalabok?" (Job 10:8-9) Inihayag din ni David ang ganito: "Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa Kaniya. Sapagka't nalalaman Niya ang ating anyo; Kaniyang inaalaala na tayo'y alabok." (Awit 103:13-14)

KALULUWANG MAY BUHAY

Malinaw sa Genesis 2:7 na ang tao ay binubuo ng dalawang pangunahing sangkap. Ang tao mismo ay mula sa alabok ng lupa (unang sangkap). Pagkatapos ay hiningahan ng Panginoong Dios ang taong hinugis mula sa alabok ng lupa ng hininga ng buhay (ikalawang sangkap), ayon pa rin sa Genesis 2:7. Ang resulta ng pagsasama ng dalawang sangkap na ito - ng alabok at ng hininga ng buhay - ay ito: "at ang tao ay naging kaluluwang may buhay."

Pansinin ang mga sumusunod na napakahalagang katotohanan:

Una sa lahat, bigyang pansin na hindi sinabing 'ang tao ay nagkaroon ng kaluluwang may buhay,' kundi ang nakasulat ay 'ang tao (mismo) ay naging kaluluwang may buhay.' Ang tao kung gayon ay hindi lamang may kaluluwa, kundi siya mismo ay kaluluwa o 'nephesh' sa orihinal na Hebreo. Ibig sabihi'y may buhay at may kamalayang nilalang ('a living and conscious being' sa Inggles).

Ikalawa, pansinin din na hindi sinabing 'ang tao ay naging kaluluwang imortal', kundi ang aktuwal na sinabi ng Biblia ay 'ang tao ay naging kaluluwang may buhay'. Sa Inggles: hindi 'immortal soul' kundi ayon sa Kasulatan ay 'living soul'.

Ikatlo, hindi rin sinabing 'at ang tao ay dati nang kaluluwang may buhay,' kundi ang aktuwal na inihayag ng Kasulatan ay 'at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.' Malinaw kung gayon na ang tao matapos hugisin ng Dios mula sa alabok ay wala pang buhay sa simula. Ang tao ay naging kaluluwang may buhay lamang matapos na hingahan ng Dios ng hininga ng buhay. Ang buhay kung gayon ay direktang kaloob ng biyaya ng Dios sa tao. "Yamang Siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay." (Gawa 17:25)

ANG KABAYARAN NG KASALANAN AY KAMATAYAN

Matapos na lalangin ng Panginoong Dios ang unang tao at mailagay sa inihandang tahanan doon sa Eden ay iniutos Niya sa tao ang ganito: "Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka." (Genesis 2:16-17)

Ano raw ang magiging parusa pagka nilabag ng tao ang utos ng Panginoong Dios? Sinabi ba ng Dios na 'sa araw na ikaw ay kumain niyaon (ng ipinagbabawal na prutas) ay walang pagsalang mabubulid ka sa walang hanggang impiyerno'? Sinabi ba Niya sa unang tao na 'sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang pahihirapan ka ng walang katapusang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno'? May nabanggit ba ang Dios kay Adan na impiyernong walang hanggan o kaya'y purgatoryo?

Ano ang aktuwal na nakasulat sa Banal na Kasulatan? Ulitin nating muli ang pagsipi: "Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka ng may kalayaan: datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka." (Genesis 2:16-17)

Hindi ba't malinaw, ayon na mismo sa mga salita ng Panginoong Dios, na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan - "walang pagsalang mamamatay ka." Malinaw kung gayon na ang dogma at doktrina ng Tradisyon tungkol sa impiyernong walang katapusan ay isang guni-guni lamang na walang anomang batayan sa aktuwal na mga salita ng Dios. Di kataka-taka na sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo sa mga eskriba't Fariseo: "Dahil sa inyong minanang turo (tradisyon), niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Dios." (Mateo 15:6, TPV)


Nguni't maaaring itanong ng iba, ano ba ang ibig sabihin ng Dios ng wikain Niya kay Adan - "sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka"? Ano ba sa pakahulugan ng Dios ang kamatayan?

Hayaan nating ang Panginoong Dios mismo ang magpaliwanag sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang aktuwal na mga salita. Ganito ang naging pahayag ng Dios matapos na magkasala si Adan: "Sapagka't iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi." (Genesis 3:17-19)

Di ba't malinaw na sa mismong paliwanag ng Panginoong Dios ay pag-uwi sa alabok ang kahulugan ng kamatayan at hindi ang kahirapang walang katapusan sa kung tawagi'y impiyerno ng Tradisyon?

Narito ang iba pang ebidensiya mula sa kinasihang Kasulatan: "Kung Kaniyang ilagak ang Kaniyang puso sa tao, kung Kaniyang pisanin sa Kaniyang sarili ang kaniyang espiritu at ang kaniyang hininga; tanang laman ay mamamatay, at ang tao ay mababalik uli sa alabok." (Job 34:14-15)

"Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo. Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pag-iisip." (Awit 146:3-4) Pamuli ang kamatayan sa sitas na ito ay nangangahulugan, hindi ng walang katapusang paghihirap sa impiyerno ng Tradisyon, kundi ng panunumbalik ng tao sa pagkalupa. Pansinin ding sa araw ding yaon - o sa araw ng kamatayan - ay nawawala ang pag-iisip ng taong namamatay. Ang pagkawala na ito ng pag-iisip ay tumutukoy sa pagpasok ng namatay sa kalagayan ng kawalang malay ('unconsciousness').

Sa dahilang ito ay sinabi rin sa itaas: "Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo..." Sa Dios lamang na makapangyarihan sa lahat at Siyang tanging walang kamatayan matatagpuan ang tunay na saklolo! Sa mortal na tao, maging siya ma'y prinsipe o isang pinuno, ay walang tunay na saklolo, pagka't lahat ay namamatay din sa bandang huli. Ang kataas-taasang Dios lamang ang tanging walang kamatayan!

"At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang diwa (espiritu) ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya." (Ecclesiastes 12:7)

ANG PATOTOO NG KASULATANG GRIEGO (O 'BAGONG TIPAN')

Tulad din niyan ang turo ng Panginoong Jesu-Cristo: "Nang panahon ding ngang yaon ay nangaroon ang ilan, na nagsipagsabi sa Kaniya tungkol sa mga Galileo, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa mga hain nila. At Siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Inaakala baga ninyo na ang mga Galileong ito ay higit ang pagkamakasalanan kay sa lahat ng mga Galileo, dahil sa sila'y nangagbata ng mga bagay na ito? Sinasabi Ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan. O yaong labingwalo, na nalagpakan ng moog sa Siloe, at nangamatay, ay inaakala baga ninyo na sila'y lalong salarin kay sa lahat ng taong nangananahan sa Jerusalem? Sinasabi Ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan." (Lucas 13:1-5)

Dalawang trahedya ang binanggit dito ng Panginoon. Una ay ang walang awang pagpatay ('massacre') na ginawa ni Pilato sa mga Galileo ng panahong iyon. Inihalo pa ni Pilato ang kanilang mga dugo sa dugo ng kanilang mga hain.

Ang ikalawang trahedya ay patungkol naman sa labingwalong katao na nalagpakan ng moong sa Siloe at nangamatay. Ayon na rin sa Panginoon ay huwag iisipin ng mga taga-Jerusalem na kaya sinapit ng mga nabanggit ang ganyang kakila-kilabot na kamatayan ay dahil sa kanilang labis na pagkamakasalanan. Malibang kayo'y mangagsisi, dagdag pang sabi ng Panginoon, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.

Malaki nga namang pagkakamali at kapalaluan na isipin natin, pagka may ganyang mga malagim na kamatayan, na kaya sinasapit ng iba ang ganyang paraan ng kamatayan ay dahil sa mas higit ang pagkamakasalanan nila kaysa atin. HINDI, sabi ng Panginoon, malibang kayo'y magsisi ay ganyang uri ng kamatayan din ang inyong sasapitin. Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23).

"Muli ngang sinabi Niya sa kanila, Yayaon Ako, at Ako'y inyong hahanapin, at mangamamatay kayo sa inyong kasalanan: sa Aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon...Sinabi Ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na Ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan." (Juan 8:21, 24) Malinaw na kasalanan ang sanhi ng kamatayan ng tao. Gayon pa ma'y isang malaking pagkakamali naman na dagdagan ninoman ang salita ng Dios, at sabihing 'impiernong walang katapusan ang kaparusahan sa kasalanan'.

"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan..." (Roma 6:23) Pansinin na hindi rito sinabi ng apostol Pablo, 'sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kahirapan sa impiyernong walang katapusan,' kundi ang aktuwal niyang isinulat ay "sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan," gaya rin ng sinabi ng Dios doon sa Genesis kay Adan.

Kung kamatayan ang malinaw na sinasabi ng salita ng Dios na kabayaran ng kasalanan ay bakit sinasabi naman ng Tradisyon at ng mga sekta na  impiernong walang katapusan ang kabayaran? Saan ba nanggaling ang ideyang ito? May impierno ba talagang walang katapusan? Saan nanggaling ang katuruang ito tungkol sa walang hanggang impierno?

(Itutuloy)