Monday, June 6, 2011

Si Yahweh Ang Aking Pastol (Ika-4 na Bahagi)

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang...
...At sang-ayon sa pangakong Kanyang binitawan
Sa matuwid na landasi'y doon ako inaakay." (Awit 23:1, 3)

Kabilang sa pangangailangan ng mga tupa ng pagkain, inumin, kapahingahan, panibagong lakas at buhay, napakalaki ring pangangailangan ng mga ito na sila'y akayin doon sa mga landas na matuwid. Sa mga landas na pabalik sa kanilang tunay na tahanan at hindi palayo.

Likas kasi sa mga tupa ang pagiging napakadaling maligaw ng landas. Di tulad ng aso, pusa, kalapati, at iba pang mga hayop na may kakayahang matunton ang tamang landas pauwi sa kanilang tahanan, ang tupa kapag naligaw ay walang kakayahang mahanap ang pabalik sa kanyang tahanan. Kailangang hanapin siya ng kanyang pastol upang maiuwi, pagkat tiyak na kapahamakan ang sasapitin niya malibang siya'y mahanap ng kanyang pastol.

GAYA NG TUPANG NALIGAW

Ito ang dahilan kung bakit ang tao sa kalagayan ng kasalanan ay madalas na itinutulad sa tupang naligaw sa Banal na Kasulatan.

Ganito ang sabi ni propeta Isaias: "Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa Kaniya (kay Cristo) ng Panginoon ang kasamaan nating lahat" (53:6)

Pansinin ang ilang pangunahing katotohanang sinasabi ng talatang ito.

1. Ang Kalagayang ito ng Pagkaligaw ay Totoo sa Lahat ng Tao: "Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw".

Napakahalagang makita natin na hindi sinabi ni propeta Isaias na "Kayong lahat" na ipinipuwera ang sarili niya, kundi ang aktuwal niyang sinabi ay "Tayong lahat" na ibig sabihi'y kabilang ang sarili niya.

Kung ang isang propeta mismo na gaya ni Isaias ay kabilang sa mga tupang naligaw, paano tayong makapagmamalaki na hindi tayo kasali sa tinutukoy ditong "gaya ng mga tupang naligaw"?

Sa Gawa 14:16 ay inihayag ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo "na nang mga panahong nakaraan ay pinabayaan" ng Dios "ang lahat ng mga bansa ay magsilakad sa kanilang mga sariling daan" (TOVB).

Sa mga panahong pinabayaan ng Dios na Makapangyarihan sa lahat na ang lahat ng mga bansa ay magkanya-kanya ng lakad sa kani-kanilang mga sariling daan ay diyan kinatha ng mga tao at ng mga bansa ang nagsasalungatang mga relihiyon, mga pilosopiya, mga tradisyon, mga pamahiin, mga walang kabuluhang inimbentong rituwal, mga huwad na kaalaman, mga sari-saring alamat at kathang-isip na lalo lamang naglayo sa kanila sa Dios at sa katotohanan.

"Sapagkat nasusulat, 'Sisirain Ko ang karunungan ng marurunong, at pawawalang-kabuluhan ang katalinuhan ng matatalino.' Ano ang kabuluhan ngayon ng marurunong, ng mga eskriba, ng mahuhusay na dibatista sa daigdig na ito?

"Ipinakilala ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan. Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi Niya itinulot na Siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng sanlibutang ito.

"Sa halip, minarapat Niyang ang mga nananalig sa Kanya'y iligtas sa pamamagitan ng Mabuting Balita na aming ipinangangaral ngunit ipinalalagay naman ng sanlibutan na isang kahangalan." (1 Corinto 1:19-21, TPV)

"May daang matuwid sa tingin ng tao,
Ngunit kamatayan ang dulo nito." (Kawikaan 14:12)

"Ayon sa nasusulat: 'Walang matuwid, wala kahit isa;
Walang nakauunawa, walang humahanap sa Diyos.
Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama;
Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.' " (Roma 3:10-12)

2. Ang Tao ang Nagligaw sa Sarili Niya Sa Pamamagitan ng Pagrerebelde sa Dios na Lumikha sa Kaniya: "Tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan" (Isaias 53:6)

Nang ang unang taong si Adan at si Eva ay magpasiyang lumabag sa utos ng Dios ay doon din nila ipinasiyang mamuhay nang hiwalay sa Dios at hiwalay sa Kaniyang kalooban. Mas pinili nila ang sundin ang sariling kagustuhan sa halip na magpasakop sa kalooban ng Dios. Mas pinili nilang bigyang-lugod ang kanilang sarili kaysa bigyang-lugod ang kanilang dakilang Manglilikha.

Ang pagkaligaw ng sangkatauhan ay doon pa nagsimula sa pagrerebeldeng iyon ng unang tao. "Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao (ni Adan) ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa paraang ito'y ang kamatayan ay naipasa sa lahat ng mga tao, na rito (sa pamamagitan ng kamatayang naipasa) ang lahat ay nagkasala" (Roma 5:12, Literal na Salin base sa Kasulatang Griego)

Ang kamatayang ipinasa ni Adan sa kanyang mga supling at lahi ang nagpaging mortal sa lahat ng tao. Ang pagkalason ng ugat ay nagresulta rin sa pagkalason ng mga sanga at mga bunga. Ang pagiging mortal na ito naman ang nagpapaging inutil sa bawa't taong isinisilang sa mundo, na resulta ng espirituwal na pagkainutil na ito ay isinisilang ang bawa't isa sa kalagayan ng pagkaligaw.

"Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata: Sila'y naliligaw pagkapanganak sa kanila, na nagsasalita ng mga kasinungalingan." (Awit 58:3, TOVB)

Gaya ni Jacob na "tinawag na mananalangsang mula [pa] sa bahay-bata" (48:8) bawa't tao sa bahay-bata pa man ng ina ay ipinaglihi na sa kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni David: "Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan; At sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina." (Awit 51:5)

Ang problema ng tao kung gayon ay hindi lamang sa pinaka ibabaw ng kanyang pagkatao, kaugnay ng kanyang panglabas na mga asal at pag-uugali. Hindi! Ang suliranin ng bawa't isa sa atin ay higit pa rito.

Ang pinsalang idinulot ng kasalanan ay hindi lamang sa panglabas na kilos at pananalita natin nakaapekto. Ang kabulukang nasasaksihan natin ngayon sa mundong ito, sa buhay ng mga taong nakapaligid sa atin, at sa mismong sarili natin ay panglabas na ekspresyon lamang ng mas malalim na problemang nasa pinakaloob ng ating pagkatao.

Narito ang importanteng pagsisiwalat ng Panginoong Jesu-Cristo sa tunay na kalagayan ng bawa't tao:

' "Makinig kayong lahat, at unawain ang Aking sasabihin! Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya. Ang may pakinig ay makinig.

'Iniwan ni Jesus ang mga tao; at nang makapasok na sa bahay, Siya'y tinanong ng Kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. "Kayo man ba'y wala ring pang-unawa?" tugon ni Jesus.

' "Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya, sapagkat hindi naman pumapasok iyon sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi." (Sa pagsasabi nito'y para nang ipinahayag ni Jesus na maaaring kanin ang lahat ng pagkain.)

'Nagpatuloy Siya ng pagsasalita: "Ang lumalabas mula sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Sapagkat sa loob -- sa puso ng tao -- nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.

' "Ang lahat ng ito'y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya." (Marcos 7:14-23)

Ang problema ng tao kung gayon ay panloob na problema na nakaugat sa puso mismo niya na naging bukal ng kasalanan, at hindi panlabas lamang kaugnay ng kanyang pang-ibabaw na ugali at pananalita.

Ang napakalubhang espirituwal na kalagayang ito ng tao sa kasalanan ay hindi nga maaaring malunasan ng mga panglabas na remedyo ng laman gaya ng pagpapabautismo sa tubig, o pagmimiyembro sa isang bagong kulto o "church", o pagbibihis ng bagong estilo ng pananamit o estilo ng gupit ng buhok.

Maging ang pag-aangkin ng panibagong doktrinang pangrelihiyon, o pagpapalit ng paniniwala, o kaya'y ang pagrereforma sa panlabas na ugali't asal (gaya halimbawa ng paghinto sa bisyo ng paninigarilyo, pagsusugal, paglalasing, atbp.), ay hindi makasasapat upang mangyari ang kinakailangang radikal na pagbabagong pangloob.

Ang katulad nito ay talamak na sakit sa puso na ang pangunahing mga ugat ay barado na at nagsasara. Ang ganyang malubhang kondisyon ay hindi na madadala pa sa panlabas na pagtatapal-tapal lamang ng mga dahon.

Isang agarang operasyon sa mismong puso na isasagawa ng isang dalubhasang seruhano't doktor sa puso ang tanging pag-asa ng ganyang may napakalubhang karamdaman.

Ang pagtatangkang lunasan ang malubhang sakit sa puso ng mga paraang panlabas (gaya ng pagtatapal-tapal ng dahon ng isang albularyo) na hindi naman nakababago at nakapagpapabuti sa kalagayan ng mismong may diperensiyang puso ay lalo lamang nakapagpapalubha rito. Ang patuloy na pagkaantala ng paglalapat ng tamang panloob na lunas sa puso ay napaka mapanganib!

Gaano ngang higit na mapanganib ang pagtatangkang lunasan ang espirituwal na problema ng kasalanan sa puso ng tao sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang rituwal at hokus-pokus na itinatakda ng mga sekta at relihiyon!

'Sinagot sila ni Jesus, "Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:

' " 'Paggalang na handog sa 'kin ng bayan Ko'y paimbabaw lamang,
Sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.

' " 'Pagpuri't pagsambang ginagawa nila'y walang kabuluhan,
Ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.

' "Niwawalang kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y ang turo ng tao.

'Sinabi pa ni Jesus, "Kay husay ng paraan ninyo sa pagpapawalang-bisa sa utos ng Diyos masunod lamang ninyo ang mga turong minana ninyo!" ' (Marcos 7:6-9)

Ang panloob na problema ng tao - ang kasalanang nasa puso - ay hindi puwedeng malunasan ng panlabas lamang na remedyo at pagbabago: "Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwa't sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan.

"Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis naman ang labas.

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa't sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumal-dumal.

"Gayon din naman kayo, sa labas ay nangag-aanyong matuwid sa mga tao, datapuwa't sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan." (Mateo 23:25-28)

Ang anopamang panlabas na pagbabago lamang o reforma ay laging mauuwi sa pagkabigo gaya ng kung paanong "nagbabalik na muli ang aso sa kaniyang sariling suka, at sa paglulubalob sa pusali ang babaing baboy na nahugasan." (2 Pedro 2:22)

Ang tunay na pagbabago at kaligtasan ay sa loob nagsisimula. Ang dakilang Panginoon na Siyang nag-iisang nakatatarok ng puso ang Siya lamang ding may kapangyarihang magbukas nito, gaya ng dalubhasang doktor, upang maganap ang tunay na pagbabagong kinakailangan: "At isang babaing nagngangalang Lidia, na mangangalakal ng kayong kulay-ube, na taga bayan ng Tiatira, isang masipag sa kabanalan, ay nakinig sa amin: na binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang unawain ang mga bagay na sinalita ni Pablo." (Gawa 16:14)

Pansining sa kabila na si Lidia ay babaing "masipag sa kabanalan (o relihiyosa)" ay hindi ito sapat upang makaunawa siya sa salita ng Dios. Kailangan ang pagbubukas ng puso niya upang maunawaan niya ang ipinangangaral ni apostol Pablo.

Pansining hindi rin si Lidia ang nagbukas ng kanyang sariling puso, kundi ang Panginoon mismo.

Kung paanong sa pisikal ay hindi maaaring ang isang may malubhang sakit sa puso ang mag-opera sa sarili niya upang ang sarili'y gumaling, kundi mangangailangan talaga siya ng doktor na mag-oopera sa kanya, gayon din naman sa espirituwal ay hindi magagawa ng sinomang makasalanan na mabuksan ang sariling puso para tunay na maunawaan ang katotohanan ng Dios at maligtas!

Tanging ang Panginoon lamang ang makapagbubukas ng sarado at tigib ng kasalanang puso ng tao gaya ng ginawa Niya kay Lidia.

Kaibigan, hindi mo kayang tunay na baguhin ang sarili mong puso't isipan. Maaari kang magbago sa panlabas, gaya ng pagbabago ng estilo ng damit, ng gupit ng buhok, at iba pang gaya nito, ngunit hindi mo makakayang tunay na baguhin ang iyong sariling puso't kalooban.

Ngunit may Dios na Makapangyarihan sa lahat na Siyang lumikha at nagmamay-ari sa iyo. Kaya ka Niyang baguhin. Kaya ka Niyang pabanalin. Kaya ka Niyang bigyan ng bagong puso, bagong buhay, at bagong pagkatao!

"Kaya't kung sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas; narito, sila'y pawang naging mga bago." (2 Corinto 5:17)

DIOS LAMANG ANG MAKAPAGLILIGTAS SA IYO

"Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan Mo ng buhay...
Para akong isang tupa na nawala at nawalay,
Hanapin Mo ang lingkod Mo, ako ngayon ay lapitan..."
(Awit 119:175, 176)

'Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito:
"Kung ang sinuman sa inyo ay may 100 tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan, hindi ba?

' "Kapag nasumpungan na'y masaya niyang papasanin ito. Pagdating ng bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, 'Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang tupa kong nawawala!'

' "Sinasabi Ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi't tumatalikod sa kanyang kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na hindi nangangailangang magsisi." '
(Lucas 15:3-7)

Sa talinghaga ng Panginoong Jesu-Cristo sa Lucas 15, ang pagkawala ay kasing-kahulugan ng pagkamatay, at ang pagkasumpong naman sa nawala ay kasing-kahulugan ng muling pagkabuhay (versiculo 24 at 32).

Malinaw kung gayon na ang pagkahulog ng tao sa kasalanan at ang resultang pagkaligaw niya -- ipinaglilihi siya sa kasalanan at ipinapanganak na isa nang makasalanan -- ay isang kalagayan ng kamatayan na kinaroroonan ng bawa't isa sa atin na mga anak ni Adan.

Ang kalagayang ito ng kamatayan ang idinadaing ni Pablo ng sabihin niya: "Kahabag-habag ang kalagayan ko! Sino ang magliligtas sa akin sa katawang ito na nagdudulot sa akin ng kamatayan? Ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa Kanya!" (Roma 7:24, 25)

Pansinin ang mga mahahalagang katotohanang nakapaloob sa pahayag na ito ng apostol:

Una'y: Ang Paghahayag Ng Apostol Ng Kanyang Kawalang-kaya Sa Sarili Niya: "Kahabag-habag ang kalagayan ko!"

Naibulalas ng apostol ang ganyang salita matapos niyang maranasan ng paulit-ulit ang kabiguan na pagtagumpayan sa sarili niyang lakas at kakayahan ang puwersa ng kasalanang nananahan sa kanya.

Ang ganitong pagkaunawa o realisasyon sa kawalang-kaya sa sarili bilang isang makasalanan ay hindi isang bagong bagay, pagkat kahit ang mga naunang mga lingkod at propeta ng Dios ay nakadama din ng ganitong bagay.

Narito halimbawa ang patotoo ni propeta Isaias: 'Sinabi ko, "Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako'y isang makasalanang nakakita kay Yahweh, ang Makapangyarihang Hari." ' (Isaias 6:5, TPV)

Sa tagpong ito ay hindi lamang naunawaan ng propeta ang kanyang pagkamakasalanan, kundi ipinaunawa rin sa kanya ang dakilang pagliligtas ng Dios sa pamamagitan ng sakripisyo ni Cristo. Ganito ang pagpapatuloy ng Kasulatan:

'Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga sa dambana, at lumipad na patungo sa akin. Ang baga ay idiniit sa aking mga labi, at sinabi: "Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo." ' (6:6-7)

Alam ng propeta na bilang makasalanan ay karapat-dapat siya sa kapahamakan -- "mapapahamak ako pagkat ako'y isang makasalanan". Lalo pa nga't dahil nakita niya ang Panginoon na nakaluklok sa trono.

Hindi inaasahan ang sumunod na pangyayari na kung saan isang baga galing sa altar na pinag-aalayan ng sakripisyong (baka, tupa, o kambing -- Levitico 1:1-13) ay kinuha ng serapin ng pang-ipit at idiniit sa labi ng propeta.

Ang altar na nabanggit at ang sinusunog na handog doon ay anino o tipo ng sakripisyo ni Cristo sa krus: "At magsilakad kayo sa pag-ibig, gaya rin naman ng pag-ibig ni Cristo sa inyo, na ibinigay dahil sa atin ang Kaniyang sarili, na hain at handog sa Dios upang maging samyo ng masarap na amoy." (Efeso 5:2 ihambing sa Levitico 1:9, 13, 17, TOVB)

Ang pagdadaiti ng bagang galing sa altar sa labi ng propeta kung gayon ay tumutukoy sa pag-aaplay ng pagtubos ni Cristo sa kaluluwa ng propeta. Kaya't matapos na maiaplay ang nabanggit na gawa ng pagtubos ay sinabi sa propeta: "Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo."

Gaya rin ng mga taong tinawag ng Dios sa panahong ito ng Bagong Tipan, ang mga tinawag noon sa panahon ng Matandang Tipan ay sa pamamagitan din ni Cristo naligtas. May iisang Tagapagligtas at Manunubos lamang na ibinigay ang Dios: ang Anak Niyang si Jesu-Cristo.

Ang mga mananampalataya sa panahon nating ito ng Bagong Tipan ay lumilingon, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa natapos nang gawa ni Cristo sa krus ng Calvario, samantalang iyon namang mga naligtas noong panahon ng Matandang Tipan, gaya ni Isaias, ay tumatanaw noon sa paparating na Cristo bilang kanila ring kaligtasan.

"Kay Jesu-Cristo lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat sa silong ng langit ang Kanyang pangalan lamang ang ibinigay ng Diyos sa ikaliligtas ng tao." (Gawa 4:12, TPV)

"Ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang abo ng dumalagang baka ay iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi. Sa gayon, sila'y nagiging malinis ayon sa Kautusan.

"Ngunit higit na di-hamak ang magagawa ng dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay Niya sa Diyos ang Kanyang sarili na walang kapintasan. Ang Kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso't isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay.

"Si Cristo ang Tagapamagitan ng bagong tipan sapagkat sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa nang unang tipan. Dahil dito, kakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na Kanyang ipinangako." (Hebreo 9:13-15)

Pansinin na hindi lamang ang mga kasalanan natin na mga nasa ilalim na ng Bagong Tipan ang sinasakop ng pagtubos ni Cristo kundi "sa pamamagitan" din "ng Kanyang kamatayan ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa nang unang tipan (Matandang Tipan)."

Ikalawa'y: Ang Paghahayag Ng Apostol ng Pangangailangan Niya Ng Tagapagligtas: "Sino ang magliligtas sa akin sa katawang ito na nagdudulot sa akin ng kamatayan?"

Kaibigan, nakarating ka na ba sa punto ng buhay mo na ipinaunawa ng Dios sa iyo ang iyong ganap na kawalang-kaya na kumawala sa tanikala ng kasalanan? Sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo: "Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan." (Juan 8:34)

Tulad ni apostol Pablo ay nasabi mo na ba sa kaibuturan ng puso mo: "Kahabag-habag ang kalagayan ko"?

O ang katulad mo ba'y iyon pa ring Pariseong mapagmatuwid at mapagmalaki sa sarili na nagsabing: "O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba -- mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya -- o kaya'y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanglinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinikita"? (Lucas 18:11-12)

Nangyari na ba sa buhay mong gaya ni propeta Isaias ay iminulat ng Dios ang iyong paningin at iyong nakita ang walang hanggang kapangyarihan at kataasan ng Dios bilang Hari ng mga hari, at resulta nito'y nakita mo naman ang iyong kaliitan at kawalang-kabuluhan sa harapan Niya?

Tulad ba ni Isaias ay nakita mo na ang sakdal at walang kapantay na kabanalan ng Dios, na resulta nito'y nagawa mo ang ganitong pag-amin sa harap ng Dios: "Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako'y isang makasalanan..."?

O hanggang ngayon ba'y kasama ka pa rin ng mga nagmamataas na kaaway ng Panginoon at lumibak sa Kanya? 'Ang mga tao'y nakatayo roon at nanonood; nililibak naman Siya ng mga pinuno ng bayan, Anila, "Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesias, ang hinirang ng Diyos!"

'Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, "Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili...

'Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, "Hindi ba ikaw ang Mesias? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!" '(Lucas 23:35-37, 39)

Pansining ang isa sa salaring nabibitin ay nagsabi sa Panginoon: "Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami." Ngunit ang sinabi niyang ito ay hindi kahilingan ng isang nagpapakumbaba at nagsisising makasalanan, kundi salita ito ng pagtuya at paghamon sa Panginoon -- "Hindi ba ikaw ang Mesias? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami" -- wika't tanong niya, na nagpapakitang nag-aalinlangan siya at hindi talaga nananampalataya.

Gaya rin siya ng iba pang mga kaaway ng Panginoon, maniniwala lang sila kung mapayuyuko nila ang Panginoon sa kanilang sariling kagustuhan: "Iniligtas ang iba ngunit ang sarili'y di mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumaba lang siya ngayon sa krus, maniniwala kami sa kanya!" (Mateo 27:42)

Huwag mong kalimutan ang sabi ng Kasulatan: "Ang Diyos ay laban sa mga palalo, ngunit tumutulong sa mga mapagpakumbaba." (Santiago 4:6)

Ikatlo'y: Ang Pagkaunawang Tanging Dios Lamang Ang Makapagliligtas Sa Kanya Sa Pamamagitan Ni Cristo: "Sino ang magliligtas sa akin...? Ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa Kanya!"

Giliw na mambabasa, gaya ba ni apostol Pablo'y binigyan ka na rin ba ng banal na Espiritu ng pagkaunawa na ang Dios lamang ang tanging makapagliligtas sa iyo ngayon, bukas at magpakailan man?

O baka naman hanggang ngayo'y nasa tao pa rin ang pananalig mo? 'Ganito ang sabi ng Panginoon: "Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kaniyang bisig (sandigan), at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon." ' (Jeremias 17:5)

"Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo (pinuno), Ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo. Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kanyang pagkalupa; Sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pag-iisip." (Awit 146:3-4)

Isa ngang malaking kasalanan at kahibangan ang manangan at manalig tayo sa ating kapuwa tao na laman ding tulad natin at gaya rin nati'y may kamatayan at pagkasira. Paano ngang maiaasa natin sa kanila ang ating pangwalang-hanggang kaligtasan?

Paano kang maililigtas ng mga pangulo, ng mga pari, 'leaders' ng mga relihiyon, maging ng 'santo papa' sa Roma, ng mga 'guru' at 'yogi' sa India, at ng iba pang tulad nila na sila'y gaya mo ring mortal, may-kamatayan, at pawang kakainin ng mga uod pag sila'y namatay gaya rin naman ng lahat ng tao?

"Layuan ninyo ang tao, na ang hinga ay nasa kaniyang ilong, sapagkat ano siya para pahalagahan?" (Isaias 2:22, Ang Bagong Ang Biblia)

"Mapalad ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pag-asa ay ang Panginoon." (Jeremias 17:7, TOVB)

Pansinin mo ring ang pinasalamatan ni apostol Pablo sa kanyang natamong kaligtasan ay ang Dios: "Salamat sa Kanya!" aniya.

Ang tunay na kaligtasan na galing sa Dios ay laging nauuwi sa pagpapasalamat at pagpupuri tangi sa Dios lamang na pinagmulan ng lahat.

Naranasan mo na ba ang ganyang makalangit na kaligtasan na pumupuno sa puso ng walang patid na pasasalamat at pagpupuri sa Dios. "Aking pupurihin ang Panginoon sa buong panahon: Ang pagpuri sa Kaniya ay laging sasa aking bibig...Aking hinanap ang Panginoon, at sinagot Niya ako, at iniligtas Niya ako sa lahat ng aking mga katakutan." (Awit 34:1-4, TOVB)

Dapat mong pag-alinlanganan, mahal na kaibigan, ang anomang tinatawag na kaligtasan na ang resulta ay pagbibigay-luwalhati sa laman at sa gawa ng tao sa halip na sa Dios at sa Kaniyang gawa.

Kung huwad na kaligtasan ang natanggap ninoman ay tiyak na katulad nito ang sasabihin niya: "Salamat na lang kay Brother ******. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi ako makaaalam ng katotohanan!"

O kaya naman ay: "Salamat na lang at nagpamiyembro ako sa aming iglesia (o 'fellowship'). Sana'y wala pa rin akong pag-asang maligtas kung di dahil sa aming iglesia!"

O kaya'y: "Ang gagaling talaga ng mga pastor (o mga ministro) namin. Talagang sugo sila ng Diyos! Laging panalo kami sa debate!"

Ang iba nama'y: "Salamat na lang at nagpasiya akong tanggapin si Cristo sa puso ko. Kung hindi dahil sa 'free will' ko nang ako'y lumapit sa Panginoon sa 'altar call' siguro hanggang ngayon ay wala pa rin akong pag-asang mapunta sa langit!"

Ganap na salungat sa lahat ng mga iyan ang sabi naman ni apostol Pablo: "Huwag nawang mangyari sa akin ang gayon. Ang krus lamang ng ating Panginoong Jesu-Cristo ang siya kong ipagmamapuri. Sapagkat sa pamamagitan ng kanyang krus, ang sanlibuta'y patay na para sa akin at ako'y patay na para sa sanlibutan." (Galacia 6:14, TPV)

"Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan nang kayo'y tawagin ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang sa paningin ng sanlibutan ay marunong, makapangyarihan at maharlika.

"Subalit pinili ng Diyos ang sa palagay ng sanlibutan ay kahangalan upang hiyain ang marurunong, at ang mahihina sa turing ng sanlibutan upang hiyain ang malalakas. Pinili Niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalang halaga ang itinuturing na dakila sa sanlibutan.

"Kaya't walang maaaring magmalaki sa harapan ng Diyos. Sa Kanya mula ang ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, na ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan Niya, tayo'y pinawalang-sala ng Diyos, pinapaging-banal at iniligtas.

"Kaya nga, tulad ng nasasabi sa Kasulatan, 'Ang Panginoon ang dapat ipagmalaki ng may ibig magmalaki." (1 Corinto 1:26-31, TPV)

"Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko: At lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan.

"Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, At huwag mong kalimutan ang lahat Niyang mabubuting gawa. Na Siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; Na Siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;

"Na Siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: Na Siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan:

"Na Siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay; Na anopa't ang iyong kabataan ay nababagong parang agila." (Awit 103:1-5, TOVB)

Nakikilala mo ba ang Dios na lumikha sa iyo at nagkakaloob sa iyo ng buhay, pagkilos, at pagkatao? Alam mo bang Siya lamang ang tanging makapagliligtas sa iyo at makapagpapatawad sa lahat mong mga kasalanan?

Nakikilala mo ba ang Anak ng Dios na si Jesu-Cristo na namatay sa krus, inilibing, at sa ikatlong araw ay muling nabuhay ng dahil sa ating mga kasalanan?

Pinagsisihan mo na ba ang iyong mga kasalanan sa Dios  at nanampalataya ka na ba sa Panginoong Jesu-Cristo?

Paano mong malalaman na ikaw ay nagsisi na nga't tunay na nanampalataya?

Natutuhan mo na bang tunay na pasalamatan, sambahin, at purihin ang Dios?

(Itutuloy)

Sunday, June 5, 2011

Si Yahweh Ang Aking Pastol (Ika-3 Bahagi)

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang...
Binibigyan Niya ako niyong bagong kalakasan.
At sang-ayon sa pangako na Kanyang binitawan
Sa matuwid na landasi'y doon ako inaakay." (Awit 23:1, 3, TPV)

Hindi lamang pagkain, inumin, at kapahingahan ang kailangan ng mga tupa. Kailangan din nila ang kalusugan at kalakasan.

ANG PAGKAHULOG NG TAO SA KASALANAN

Mula nang mahulog ang tao sa kasalanan sa pamamagitan ng pagsuway ni Adan sa utos sa kanya ng Panginoong Dios, ang tao ay nagsimulang masakop ng kawalang-kabuluhan at ng kabulukan (Roma 8:20). Lahat ng kanyang pagsisikap at pagpapagal sa bandang huli ay nauuwi lahat sa wala.

Ang pagiging mortal o pagiging may-kamatayan ay naging parte na ng kanyang pagkatao. Nawala ang kakayahan niyang magbigay-lugod sa Dios na lumikha sa kanya. Nagsimulang iwasan niya ang liwanag ng presensiya ng Dios kung paanong ang mga paniki at kuwago ay nagkukubli at umiiwas sa pagsapit ng bukang-liwayway:

"At narinig nila ang tinig ng Panginoong Dios na lumalakad sa halamanan sa kulimlim ng araw: at nagtago ang lalake at ang kaniyang asawa sa harapan ng Panginoong Dios sa pagitan ng mga punong kahoy sa halamanan." (Genesis 3:8, TOVB)

"Sapagka't ang bawa't isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa." (Juan 3:20)

Mula nang mahulog ang tao sa kasalanan ang lahat ng bahagi ng kanyang pagkatao -- isipan, damdamin, kalooban, at puso -- ay pawang inalipin at nadungisan ng kasalanan. "Nakita ni Yahweh na labis na ang kasamaan ng tao, at wala na itong iniisip na mabuti." (Genesis 6:5, TPV)

"Sapagkat ayaw nilang kumilala sa Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa kanilang masamang pag-iisip at sa mga di tumpak na asal. Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, kasakiman, masasamang isip. Napuno sila ng pagkainggit, pagtatalo, at pagdaraya.

"Sila'y masisitsit, mapanirang-puri, napopoot sa Diyos, walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, mga suwail sa magulang, mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di marunong lumingap sa kapwa.

"Nalalaman nila ang utos ng Diyos na dapat mamatay ang mga gumagawa nito. Gayunman, patuloy sila sa paggawa nito at natutuwa pang makita na ang iba'y gumagawa ng gayon." (Roma 1:28-32)

ANG PANGANGAILANGAN SA BIYAYA NG DIOS

Sa kalagayang ito ay hindi kayang mailigtas ng tao ang sarili. Maging ang Kautusan, na di mabigyang katuparan ng tao ng sakdal na pagtupad, ay walang magawa upang mahango ang tao sa kanyang kaaba-abang kalagayan.

"Ginawa ng Diyos ang hindi nagawa ng Kautusan dahil sa likas na kahinaan ng tao. Sinugo Niya ang Kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang maging handog para sa kasalanan, at sa anyong iyo'y hinatulan Niya ang kasalanan." (Roma 8:3, TPV)

Ang pagsusugo ng Dios kay Jesu-Cristo na Siyang mabuting Pastol ang naging solusyon upang ang tao ay mabigyan Niya ng panibagong buhay at lakas: "Sapagka't noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan." (5:6)

Ang panibagong buhay at lakas na ito ay ipinagkakaloob ng Dios sa pamamagitan ng muling kapanganakan (Juan 3:3, 5). Hindi ito dahil sa ating mabubuting gawa at hindi rin ito sa kagagawan ng tao.

"Ngunit nang mahayag ang kagandahang-loob at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, tayo'y iniligtas Niya. Natamo natin ito hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi sa Kanyang habag sa atin. Naligtas tayo at ipinanganak na muli sa Espiritu Santo na Siyang luminis at nagbigay ng bagong buhay sa atin." (Tito 3:4-5)

"Sila nga'y naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan, ni sa pita ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos." (Juan 1:13)

DALAWANG KAPANGANAKAN: PISIKAL AT ESPIRITUWAL

Sa Juan 3:6 ay sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo: "Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga." (TOVB)

Ang maipanganak sa buhay na ito sa pamamagitan ng ating magulang ay isang biyaya at pagpapala ng dakilang Lumikha. Ang unang kapanganakang ito sa pisikal ang tinutukoy ng mga salita ng Panginoon: "Ang ipinanganak ng laman ay laman nga..."

Ang unang kapanganakang ito sa pisikal ay hindi resulta ng desisyon ng sinoman sa atin na ipinanganak sa mundong ito. Mababasa natin sa Genesis 30:1-2 ang ganitong tagpo:

"Nanaghili si Raquel sa kanyang kapatid sapagkat hindi siya magkaanak. Sinabi niya kay Jacob, 'Mamamatay ako kapag hindi pa tayo nagkaanak.'

"Nagalit si Jacob at sinabi kay Raquel, 'Nasa akin ba iyon? Hindi ko maaaring pangunahan ang Diyos! Siya, at hindi ako ang pumipigil sa iyo upang hindi ka magkaanak.' "

Maliwanag kung gayon na ang soberanong kalooban ng Dios ang pumipigil at humahadlang kung bakit hindi magkaanak si Raquel kay Jacob kahit na gustong-gusto na niyang magkaanak. Nasa kapasyahan kung gayon ng dakilang Manglilikha ang paglilihi at pagsisilang sa atin dito sa mundo.

"Sa wakas, nahabag din ang Diyos kay Raquel at dininig ang kanyang dalangin. Nagdalang tao siya at nagkaanak ng isang lalaki. Kaya't sinabi niya, 'Tinubos din ako ng Diyos sa aking kadustaan at niloob na ako'y magkaanak.' " (30:22-23)

Nagkaanak din sa wakas si Raquel na matagal na niyang pangarap. Ang dahilan? Ito'y dahil sa nahabag na ang Dios sa kanya at niloob ng Dios na sa wakas ay bigyan siya ng hinihiling niyang anak. Ang makapangyarihang kalooban pa rin ng Dios ang binabalikang sanhi ng lahat.

Kung ito ay totoo sa kapanganakang pisikal ay napakahalagang maunawaan natin na ito ay totoo rin sa kapanganakang espirituwal. Sa Santiago 1:18 ay mababasa natin ang ganito:

"Sa Kaniyang sariling kalooban ay Kaniya tayong ipinanganak sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga pangunahing bunga ng Kaniyang mga nilalang." (TOVB)

Kalooban ng Dios at hindi kalooban ng tao ang nagpapasiya kung kanino at kung kailan mangyayari ang muling kapanganakan. "Humihihip ang hangin kung saan (kanino) niya ibig...gayon ang bawa't ipinanganak ng Espiritu." (Juan 3:8)

Isa ngang napakalaking pagkakamali na akalain ng sinoman na ang kapanganakang muli ay maaaring mangyari resulta ng desisyon ng tao na magpabautismo, o umanib sa isang sekta (o samahang pangrelihiyon), magpa-doktrina at magmiyembro sa isang "iglesia" o "church" ("fellowship").

"Ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga..." Ang nagsasagawa at nagkakaloob ng espirituwal na kapanganakan (o muling kapanganakan) ay hindi tao kundi ang Espiritu mismo ng Dios!

Huwag kang maniwala sa kasinungalingan na ang kapanganakang espirituwal ay kayang isagawa ng isang ministro, pari, o pastor ng isang simbahan. "Ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga..."

Giliw na mambabasa, ang espirituwal na kapanganakang iyan ay hindi pwedeng maipagkaloob sa iyo ng laman! "Ang ipinanganak ng laman ay laman nga..."

Ang kayang mailuwal ng laman ay laman lang din! Ang mga sekta, relihiyon ng tao, iglesia, mga rituwal, binyag, kumpil, pagtutuli, at iba pang mga bagay ng laman ay hindi nga makapagsisilang sa iyo sa bagong buhay espirituwal. "Ang ipinanganak ng laman ay laman nga..."

Espiritu lamang ng Dios ang maaaring makapagluwal ng espiritu! "Ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu nga..."

SI CRISTO ANG KAILANGAN MO AT HINDI ANG ALINMANG SEKTA
O PAGPAPASAKOP SA RITUWAL!

"Natamo natin ito hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi sa Kanyang habag sa atin. Naligtas tayo at ipinanganak na muli sa Espiritu Santo na Siyang luminis at nagbigay ng bagong buhay sa atin. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, ibinuhos sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo upang tayo'y pabanalin ng Kanyang pag-ibig at kamtan natin ang buhay na ating inaasahan." (Tito 3:5-7)

Pansinin na ang pagkatamo ng kaligtasan ay HINDI ITO DAHIL SA ATING MABUBUTING GAWA. Bakit? Sapagka't anomang gawa ang isipin, salitain, o gawin ng tao sa kalagayan ng kasalanan ay laging may dungis ng kasalanan sa esensiya at motibo nito.

"Sapagka't kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin." (Isaias 64:6)

"Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa; Walang nakatatalastas, Walang humahanap sa Dios; Silang lahat ay nagsilihis, magkakasamang nawalan ng kasaysayan; Walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa:" (Roma 3:10-12)

"Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios." (3:23)

Pansinin ding ang kaligtasan ay RESULTA ITO NG SOBERANONG HABAG NG DIOS SA ATIN (Tito 3:5) "Kaya kinahahabagan nga ng Diyos ang sinumang ibig Niyang kahabagan, at pinatitigas Niya ang ulo ng ibig Niyang pagmatigasin." (Roma 9:18)

Wala nga tayong pwedeng ipagmalaki sa harap ng Dios. Ang katotohanang iyan na ang kaligtasan ay resulta ng Kaniyang habag ay dapat na magtulak sa atin sa pagpapakumbaba sa harapan Niya.

Gaya ng isang pulubing walang anomang maipagmamalaki sa harap ng kaniyang hari, at dumudulog ng may pagmamakaawa, ay gayon tayo na dapat na lumapit sa ating dakilang Manglilikha na walang ibang basehan ng paglapit kundi ang pagkabatid ng Kanyang walang sukat na kahabagan na tanging katugunan naman sa ating kaaba-abang kalagayan bilang makasalanan.

Binanggit din sa Tito 3:5 na ang ESPIRITU SANTO ANG MAY KAPANGYARIHANG LUMINIS AT MAGBIGAY NG BAGONG BUHAY SA ATIN. Isang napakalaking pagkakamali kung gayon na akalain nating ang ating mga pag-aabuloy, pagpipenetensiya, pananalangin, pag-aayuno, pagsisimba, pagpapadoktrina, pagmimiyembro sa isang sekta (o relihiyon), at iba pang tulad nito ay nakalilinis sa ating puso at nakapagbibigay ng bagong buhay sa atin.

Lahat ng mga bagay na tulad niyan ay pawang mga bagay ng laman pa rin! "Ang ipinanganak ng laman ay laman nga..."

Walang kakayahan ang laman na makapagkaloob ng bagong buhay. "Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman..." (Juan 6:63)

Itakwil at talikuran mo nga, kaibigan, ang mga bagay ng laman na walang anomang pakinabang, at bumaling ka sa Panginoong Dios na tanging makalilinis sa iyo at makapagkakaloob ng bagong buhay sa pamamagitan ng Kanyang banal na Espiritu.

Sa Tito 3:6-7 ay binigyang diin din ang katotohanang SI JESU-CRISTO ANG TAGAPAGLIGTAS na sa pamamagitan Niya'y ibinuhos ng Dios ng Kanyang Espiritu Santo at sa Kaniya'y inaaring-ganap tayo at pinagkakalooban ng buhay na walang hanggan.

Hindi ba't si Jesu-Cristo nga ang kumpletong katugunan ng Dios sa lahat nating pangangailangan upang tayo'y maging katanggap-tanggap sa paningin ng Dios? "At (kay Cristo) kayo'y napuspos [kinompleto] na Siyang pangulo ng lahat na pamunuan at kapangyarihan" (Colosas 2:10, TOVB)

"Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sangbahayan." (Gawa 16:31)

 (Itutuloy)

Friday, June 3, 2011

Si Yahweh Ang Aking Pastol (Ika-2 Bahagi)

"Dumarating si Yahweh na Makapangyarihan
Taglay ang gantimpala sa mga hinirang;
at tulad ng pastol,
Yaong kawan Niya ay kakalingain,
Sa sariling bisig
Yaong mga tupa'y Kanyang titipunin;
Sa Kanyang kandungan ay pagyayamanin,
At papatnubayan ang tupang may supling." (Isaias 40:10-11, TPV)

Ang isa sa pangunahing pangangailangan ng kawan ng mga tupa ay ang pagkalinga. Ang pastol ay isa na itinalaga sa napakahirap na tungkulin at gawaing ito na pangalagaan at protektahan ang mga tupa. Layunin ng pastol na laging tugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga tupa.

Sa Awit kapitulo 23 ay inihayag ang ilan sa mga ginagawa ng Panginoon, gaya ng pastol, upang punuan ang lahat ng mga pangangailangan ni David bilang siya namang tupa ng Panginoon. Ang pagkalingang ito ay karanasan hindi lamang ni David kundi maging ng lahat ng may ganap na pananalig sa Panginoon.

ANG PANGANGAILANGAN NG PAGKAIN AT NG INUMIN

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang. Ako'y pinahihimlay sa mainam na pastulan, at inaakay Niya ako sa tahimik na batisan." (Awit 23:1-2)

Inilalarawan dito ni David ang isang malawak at luntiang pastulan na rito'y malayang nakapanginginain ang mga tupa sa ganap na ikabubusog at ikasisiya ng kanilang mga puso.

Ito ay isang "mainam na pastulan" na hindi lamang kinaroroonan ng saganang pagkain, kundi lugar din ng kapahingahan para sa mga tupa na kung saan sila'y makahihimlay ng ligtas, panatag at payapa.

Maaaring sa ibang mga lugar sa mundo ay mayron ng tagtuyot at tagsalat at wala nang halos makain, nguni't sa lugar na ito ng mabuting Pastol na "lihim na dako ng Kataastaasan" (91:1) ay walang kasalatan at wala ring tagtuyot pagka't ang Panginoon ang mismong kumakalinga rito sa lahat ng mga araw ng bawa't taon:

"Umuulan sa lupain, ganito Mo kinalinga, Umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa; Patuloy na umaagos ang bigay Mong mga batis, Sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig; Ganito ang ginawa Mo na hindi Mo ikinait.

"Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana, Ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa; Sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa, Kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.

"Nag-aani nang marami sa tulong Mong ginagawa, At saanman magpunta Ka'y masaganang-masagana.

"Ang pastula'y punong-puno ng matabang mga kawan, Naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan; Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan, At hitik na hitik mandin ang trigo sa kapatagan; Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!" (65:9-13, TPV)

Ang malinis at tahimik na inumang batis ay isa rin sa pangunahing pangangailangan ng mga tupa. Likas kasing takot ang tupa sa tubig na maingay at maagos. Kaya't ang pastol ang umaakay sa tupa patungo roon sa bahagi ng batis na tahimik at walang marahas na pag-agos upang ang tupa ay makainom ng panatag, walang balisa at walang takot.

Hindi ba't inilalarawan sa figura at metaporang ito ang katotohanan na nalalamang lubos ng Panginoon ang lahat nating mga kinatatakutan at ikinababalisa? Ang lahat nating mga kabagabagan ay nababatid Niyang lahat kaya't sinabi Niya:

"...huwag kayong mabagabag tungkol sa pagkain [at inumin] na kailangan ninyo upang mabuhay, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit?

"Masdan ninyo ang mga ibon: hindi sila naghahasik ni nag-aani o kaya'y nagtitipon sa bangan. Gayunman, pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makapagpapahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

"At bakit kayo nababagabag tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagpapagal ni humahabi man. Nguni't ito ang sasabihin ko sa inyo: maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasing-ganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagamat napakariringal ng mga damit niya.

"Kung ang mga damo sa kabukiran, na buhay ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, ay dinaramtan ng Diyos, kayo pa kaya? Kay liit ng pananalig ninyo sa Kanya! Kaya't huwag kayong mabalisa tungkol sa kakanin, iinumin, o daramtin. Sapagka't ang mga bagay na ito ang kinahuhumalingan ng mga taong wala pang pananalig sa Diyos.

"Alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa Kanyang kalooban, at ipagkakaloob Niya ang lahat ng kailangan ninyo.

"Kaya, huwag ninyong ikabahala ang para sa araw ng bukas; saka na ninyo harapin kapag ito'y dumating. Sapat na sa bawat araw ang kanyang mga suliranin." (Mateo 6:25-34, TPV)

HIGIT PA SA PAGKAIN AT INUMIN

Gaya ng pastol, nalalaman ng Panginoon ang lahat ng mga pangangailangan ng Kaniyang mga tupa. Ngunit higit pa sa pangangailangan sa pagkain at inumin ay napakalaki ng pangangailangan nating makilala ang Panginoon mismo.

"Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon at ng asno ang nag-aalaga sa kanya, Ngunit hindi ako nakilala ng Israel; hindi ako naunawaan ng Aking bayan. Bansang makasalanan, bayang mahilig sa kasamaan, Itinakwil mo si Yahweh, Dinusta mo ang Banal ng Israel at Siya'y iyong tinalikdan!" (Isaias 1:3-4)

Madalas na intresado lamang tayo sa mga kaloob ng Panginoon, ngunit wala tayong pagnanais na makilala Siya na nagkakaloob ng lahat. Hinahanap lamang natin ang Kanyang mga regalo, nguni't wala tayong hangaring hanapin at kilalanin Siya na nagreregalo!

Mabuti pa ang baka at ang asno na nakakikilala sa kanilang panginoon at tagapag-alaga, nguni't tayo, gaya ng mapaghimagsik na bayan ng Israel noong una, ay wala ring pagkilala at pagtanaw ng utang-na-loob sa Panginoon na lumikha sa atin, nagkakaloob ng ating buhay, hininga, at ng lahat ng mga bagay.

"Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa Kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat." (53:6, TOVB)

Sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo: "Ako ang mabuting Pastol. Iniaalay ng mabuting Pastol ang Kanyang buhay para sa mga tupa." (Juan 10:11, TOVB)

Ganito naman ang paliwanag ni apostol Pedro patungkol sa ginawa ng Panginoong Jesu-Cristo para sa atin: "Sa Kanyang pagkamatay sa krus, dinala Niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tuluyan na nating iwan ang pagkakasala at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo'y gumaling sa pamamagitan ng Kanyang mga sugat. Sapagka't nagkawatak-watak kayo gaya ng mga tupang naligaw, ngunit tinipon kayong muli ng Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa." (1 Pedro 2:24-25, TPV)

Kilala mo ba ang Panginoong Dios na lumikha sa iyo at nagbibigay sa iyo ng buhay, kalakasan, hininga, pagkilos, at maging ng iyong pagkatao?

Hinahanap mo ba Siya, gaya ng mga Judio noong una, dahil lamang sa ikaw ay nakakain ng kaloob Niyang tinapay at nabusog ka (Juan 6:26-27)? Hinahanap mo ba Siyang totoo? O interasado ka lamang sa maaari mong makuha sa Kaniya?

Mahalaga ba sa iyo ang Panginoon na nagkakaloob ng lahat? O mas mahalaga sa iyo ang mga kaloob Niyang natatanggap mo? Siya ba na pinagmumulan ng mga regalo ang mahalaga sa paningin mo? O sa mga regalo lang nakatuon ang puso mo?

Saan ka nakatingin? Sa kamay ba Niya na nagkakaloob sa iyo ng lahat? O sa mga kaloob na hawak Niya? Saan ka nakatingin ngayon, kaibigan? Saan naroon ang puso mo?

"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan." (Mateo 6:24, TPV)

(Itutuloy)

Thursday, June 2, 2011

Si Yahweh Ang Aking Pastol

Ang relasyon sa Dios na Lumikha ng bayang Israel (sa partikular) at ng mga mananampalataya (sa kalahatan) ay madalas na inilalarawan sa iba't ibang figura (tayutay) at pamamaraan upang bigyang diin ang malalalim na kaisipang kung sa pangkaraniwan ay napakahirap bigyang ekspresyon sa pananalita ng tao.

Isa sa pinakamagandang paglalarawan ng relasyong ito sa Dios na puno ng kulay at kahulugan ay isinulat ni David sa Awit 23. Narito ang nabanggit na kinasihang salmo sa Saling Tagalog Popular Version (TPV):

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako'y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
At inaakay Niya ako sa tahimik na batisan,
Binibigyan Niya ako niyong bagong kalakasan.

"At sang-ayon sa pangako na Kaniyang binitawan
Sa matuwid na landasi'y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo'y tumatahak sa karimlan,
Hindi ako matatakot pagkat Ikaw'y kaagapay;
Ang tungkod Mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

"Sa harapan ng lingkod mo, Ikaw ay may handang dulang,
Ito'y Iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
Nalulugod Ka sa akin na ulo ko ay langisan
At pati na ang saro ko ay Iyong pinaaapaw.

"Tunay na ang pag-ibig Mo at ang Iyong kabutihan,
Sasaaki't tataglayin habang ako'y nabubuhay;
Doon ako sa templo Mo lalagi at mananahan."

Ang unang bahagi ng versiculo 1 ng Awit na ito na naghahayag - "Si Yahweh ang aking Pastol" - ang pinaka pundasyong saligan ng lahat ng iba pang mga kapahayagan sa mga sumunod na versiculo. Mabuti ngang itanong natin


SINO BA SI YAHWEH?


Ang Yahweh (o Jehovah sa ibang mga Salin) ay kumakatawan sa itinuturing na pinaka banal na pangalan ng Dios ng Israel. "Ako si Yahweh; na siyang Aking pangalan: at ang Aking kaluwalhatian ay hindi Ko ibibigay sa iba, o ang Akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan." (Isaias 42:8 pakitingnan din ang Exodo 6:2-3)

Dalawang pangunahing kaisipan at diwa ang nakapaloob sa pangalang ito ng Dios. Una'y inihahayag ng pangalang ito ang katotohanan ng pagiging walang simula at walang hanggan ng Dios. "Sinabi ng Diyos, 'Ako'y si Ako Nga. Sabihin mong sinugo ka ni Ako Nga, ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ng Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa Akin magpakailanman.' " (Exodo 3:14-15, TPV)

"Panginoon naming Diyos, Ikaw ang aming tahanan, Simula pa sa simulang lumitaw ang aming angkan; Wala pa ang mga bundok, hindi Mo pa nilalalang, Hindi Mo pa nililikha itong buong daigdigan, Ikaw noon ay Diyos na, pagka't Ikaw'y walang hanggan." (Awit 90:1-2, TPV)

Wala pa ang kalawakan, ang kalupaan, ang karagatan, at ang anomang bagay, ay dati nang ang Dios ay Dios! Wala Siyang pinagmulan. Bagkus sa Kaniya nga nagmula ang lahat. Walang lumikha sa Kaniya. Sa halip ay Siya ang lumikha sa lahat ng bagay.

Wala pa ikaw o ako o ang sinomang tao o anghel, ang Dios ay umiiral na nang walang simula at walang katapusang pag-iral, sapagka't Siya lamang ang walang hanggan at likas na walang kamatayan.

Siya lamang ang nabubuhay nang ganap na malaya at walang inaasahan kundi ang sarili lamang Niya. Hindi Niya kailangan ang tubig o pagkain o hangin, pagkat di Siya gaya ng tao na nasasaklaw ng mga pisikal na limitasyon, pagkat  Siya ay walang hanggang Espiritu sa Kaniyang pinaka esensiya!

"Ni hindi rin naman pinaglilingkuran Siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang Siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang Siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay;" (Gawa 17:25)

Nakapaloob din sa pangalang "Yahweh" (o "Jehovah") ang katotohanang Siya ang Alpha at ang Omega, ang Una at ang Huli, ang Pasimula at ang Wakas, ang Dios na Makapangyarihan sa lahat, "Dios sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating" (Apocalipsis o Pahayag 1:8; 22:12-13)

Ang di maaabot na katayugan ng ating Manglilikha bilang walang hanggang Dios at kasabay nito'y ang Kaniyang pagpapakababa sa limitasyon ng mga panahon at ng nilikhang kalawakan upang abutin tayo sa ating kaaba-abang kalagayan ay inilalarawan at ipinahihiwatig ng pangalan Niyang "Yahweh".

"Sapagka't ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal; Ako'y tumatahan sa mataas at banal na dako na kasama rin niya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob, upang bumuhay ng loob ng nagpapakumbaba, at upang bumuhay ng puso ng nagsisisi." (Isaias 57:15)

Pagsisisi at pagpapakumbabang-loob - ito ang kinakailangan natin upang ang pagpapatawad at kahabagan ng Dios na Lumikha sa atin ay ating maranasan sa ating buhay. "Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba." (Santiago 4:6)

Ano ngang laking biyaya ang makilala natin ang Dios bilang ating Manglilikha, Tagapagligtas at Pastol.

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang." (Awit 23:1)

Mayron pa bang kailangan ang isang kordero o tupa kung may isa itong mabuting pastol na mapagmahal at mapagkalinga?


ANG KASAPATAN NG PANGINOON


Nauunawaan mo ba, giliw na mambabasa, ang nais ipahiwatig ng Espiritu ng Dios sa mga salitang iyon na ipinasulat Niya kay David? "Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang".

Narito uli ang nabanggit na versiculo sa Salin namang "Ang Biblia" (TOVB): "Ang Panginoon ay aking Pastor; hindi ako mangangailangan." (Awit 23:1)

Kung ang Panginoong Dios na Lumikha ng lahat ng mga bagay at May-ari ng lahat ng mga bagay ang ating Pastol, mayron pa ba tayong ibang tunay na kailangan?

Maaari bang magkulang ang isang katulad ni David na ang Panginoon mismo ang Pastol na kumukupkop at nag-aaruga sa kaniya?

Sino ang pastol mo, kaibigan? Ang magulang mo ba? Ang katrabaho mo? O baka ang boss mo? O ang kamag-aral mo? Ang kabarkada mo? Ang ministro o pari sa inyong simbahan? O ang isang paboritong libro? O siguro'y ang sarili mo?

Kung sila ang mga pastol mo ay hindi nga kataka-takang hindi matapos-tapos ang pangangailangan mo? At napakarami ring kulang lagi sa'yo.

Trabaho ka namang lagi ng trabaho, ngunit kulang ka lagi sa pera. Lagi ka namang nakatingin sa relo at nagsisikap maging maagap ngunit kulang ka lagi sa panahon. Natutulog ka rin naman ngunit kulang ka sa pahinga at laging pagod.

Laging napakarami ng kulang na nadarama mo sa buhay. Marami ka namang kakilala, kamag-anak, at kabarkada ngunit bakit kulang pa rin sa kaibigan? Laging nasa mataong lugar ngunit bakit laging nadarama mong nag-iisa ka pa rin, nagsosolo, walang kasama?

Lagi ring sinisikap mong tumawa (gaya ng sabi ni Freddie Aguilar - "tawanan mo ang iyong problema...") ngunit bakit lumuluha ka pa ring patago sa kaibuturan ng iyong puso't kaluluwa? Ano ang kulang? Mayron bang kulang sa'yo? Ano? O Sino?

"Si Yahweh..."

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang"

(Itutuloy)

Saturday, December 18, 2010

Ang Katotohanan Tungkol sa 'Impierno' (Ikatlong Bahagi)

Sa Genesis 3:1-5 ay mababasa ang ganito: "Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios. At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?

At sinabi ng babae sa ahas, Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami: Datapuwa't sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo'y mamatay.

At sinabi ng ahas sa babae, Tunay na hindi kayo mamamatay: sapagka't talastas ng Dios na sa araw na kayo'y kumain niyaon ay madidilat ang inyong mga mata, at kayo'y magiging parang Dios, na nakakakilala ng mabuti at masama."

Pansining ang pinakaunang natalang pangungusap ng ahas (o ng diablo) sa Banal na Kasulatan ay may layong maghasik ng pag-aalinlangan sa salita ng Dios. Wika ng ahas: "Tunay bang sinabi ng Dios...?" (v.1)

Ito'y hindi isang tanong na humihingi ng impormasyon, kundi tanong na kumukuwestiyon sa katotohanan ng sinabi ng Dios!

ANG PANGUNAHING AKTIBIDAD NG DIABLO

Madalas na inaakala ng marami na ang diablo ay aktibo sa mga gawaing naguudyok sa tao sa paggawa ng mga krimen, pagpapakasugapa sa droga, kalasingan, kahalayan, at iba pang tulad nito.

Pinaniniwalaan ding aktibo ang diablo sa mga lugar ng bahay-aliwan, sugalan, 'hideouts' ng mga kriminal, at iba pang masasamang elemento ng lipunan na gaya nito.

Hindi ganap na totoo ang mga ganyang akala at paniniwala! Hindi ang diablo ang pinagmumulan ng ganyang mga kasalanang isinasabuhay ng tao.

Ayon sa Panginoong Jesu-Cristo, hindi ang nasa labas ang nakapagpaparumi sa tao, kundi 'yong nasa loob ng tao: "Sapagka't mula sa loob," - hindi sinabing mula sa diablo - "mula sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, ang mga pakikiapid, ang mga pagnanakaw, ang mga pagpatay sa kapuwa-tao, ang mga pangangalunya, ang mga kasakiman, ang mga kasamaan, ang pagdaraya, ang kalibugan, ang matang masama, ang kapusungan, ang kapalaluan, ang kamangmangan: ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagsisipanggaling, at nangakakahawa (nakapagpaparumi) sa tao." (Marcos 7:21-23)

Malinaw na sa puso ng tao, at hindi sa diablo, nanggagaling ang lahat ng kasamaang iniisip o ginagawa ng tao.

Isang bagay na dapat mong itanim sa iyong isip na pangunahing gawain ng diablo ay ang pag-alinlanganin ang tao sa salita ng Dios! (Genesis 3:1) "Ang binhi ay ang salita ng Dios. At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo'y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas." (Lucas 8:11-12)

Ang diablo ay aktibo kung gayon sa mga pulpito, mga paaralan, at mga institusyong ang layunin ay pag-alinlanganin ang mga mag-aaral at mga tao sa salita ng Dios!

Gawain ng diablo ang ilayo ang salita ng Dios sa tao upang pagkatapos ay maibaling niya ang paniniwala ng tao sa walang kabuluhang mga Tradisyon, mga pilosopiya, mga haka-haka at mga pamahiin!

PINAKA PANGUNAHING DOKTRINA NG DIABLO

Matapos magpunla ng pag-aalinlangan sa isip ni Eva ay idinugtong naman ng diablo ang makamandag niyang turo: "Tunay na hindi kayo mamamatay..." (Genesis 3:4)

Ibig sabihi'y kahit labagin ng tao ang utos ng Dios, o kahit na magkasala ang tao, ay hindi mamamatay ang tao.

Ito ang doktrina o aral ng pagiging likas na imortal ng kaluluwa ng tao (Inggles 'inherent immortality of the soul').

Ang aral na ito ng diablo ay ganap na salungat sa aral ng Dios na nagsasabing ang tao ay nilalang ng Dios bilang "kaluluwang may buhay" ('living soul') at hindi bilang kaluluwang walang kamatayan (o 'immortal soul") (Genesis 2:7).

Sa Ezekiel 18:4 ay sinabi ng Panginoong Dios: "Narito, lahat ng kaluluwa ay Akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay."

Ang kaluluwa kung gayon ay puwedeng mamatay. Hindi likas na imortal ang kaluluwa. Isang malaking kasinungalingan ang sinabi ng diablo, "Tunay na hindi kayo mamamatay."

Ang Dios ang tahasang nagsabi kay Adan na sa araw na kainin niya ang ipinagbabawal na bunga ng punong-kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama "ay walang pagsalang mamamatay ka" (Genesis 2:17).

"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan..." (Roma 6:23)

NAKALALASONG BUKAL NG MGA BULAANG ARAL AT KATURUAN

Ganito ang sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo tungkol sa diablo: "...Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa ng una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito." (Juan 8:44)

Ang diablo ang ama ng kasinungalingan, ayon sa Panginoong Jesu-Cristo. Hindi kataka-taka na sa diablo nanggaling ang pinaka mapandayang aral ng likas na pagiging imortal ng kaluluwa ng tao. Ang diablo ang dumadaya sa buong sanglibutan (Apocalipsis 12:9).

Sa bulaang aral na iyan ng diablo -- ang 'natural immortality of the soul' -- nakabase ang iba pang mapanlinlang na mga aral gaya ng:

  • Reenkarnasyon ('Reincarnation' sa Inggles). Ito ang paniniwalang namamatay ng paulit-ulit ang tao at nagpapalipat-lipat ang kaluluwa niya sa iba't ibang katawan (maaring sa tao uli, o kaya'y sa hayop, o sa halaman) komporme sa kanyang naging buhay sa lupa. Ito raw ay nangyayari daan, libo, milyon, o bilyon-bilyong ulit komporme sa merito o kakulangan ng merito ng tao. Nguni't salungat ito sa Banal na Kasulatan na nagsasabing "itinakda sa mga tao na mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom" (Hebreo 9:27). Pansinin na ang kamatayan ay nakatakdang minsang mangyari sa tao -- hindi paminsan-minsan (o paulit-ulit) -- kundi minsan lang, at pagkatapos ng kamatayan ay -- hindi sinabing reenkarnasyon kundi -- ang paghuhukom.
  • Pananalangin at pagsamba sa mga ninunong namatay na (o 'ancestor worship').
  • Pananalangin at pagsamba sa tinaguriang 'mga Santo' o 'mga Santa'. Labag sa utos ng Dios ang ganitong pagsamba. Kaya't mababasa natin sa isang pangyayari sa Kasulatan: "At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba. Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin." (Gawa 10:25-26)
  • Paniniwala sa mga multo at mga maligno na mga kaluluwa raw ng mga namatay na pinaniniwalaang nananatiling may kamalayan pa rin kahit patay na!
  • Paniniwala sa purgatoryo, limbo, at walang katapusang pagpapahirap sa kung tawagi'y impierno.
  • Pananalangin, pagpapamisa, at indulhensiya para sa kaligtasan ng mga kaluluwang namatay na.
  • Espiritismo o ang pagsangguni sa mga patay, na ang mga kaluluwa ay pinaniniwalaang buhay at may kamalayan pa rin, kahit sila'y mga patay na. Labag sa kautusan ng Dios ang ganitong gawain. "At pagka kanilang sasabihin sa inyo, Hanapin ninyo silang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu at mga manghuhula, na nagsisihuni at nagsisibulong; hindi ba marapat na sanggunian ng bayan ang kanilang Dios? dahil baga sa mga buhay ay sasangguni sila sa mga patay? Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila." (Isaias 8:19-20 tingnan din ang Deuteronomio 18:10-12)
  • at maraming iba pang gaya nito na pawang nakabase sa bulag na paniniwala ('blind faith') at mga pamahiin ('superstitions').
Ang mga ganyang aral at paniniwala ay walang anopamang batayan sa katotohanan. Ang kasinungalingan ng diablo na nagsabi -- "Tunay na hindi kayo mamamatay" -- ang binabalikang basehan ng lahat ng kamaliang nabanggit.

SI CRISTO LAMANG ANG WALANG KAMATAYAN

Isinulat ni Apostol Pablo ang sumusunod kay Timoteo: "Na tuparin mo ang utos, na walang dungis, walang kapintasan hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong JesuCristo: na sa Kaniyang kapanahunan ay ipahahayag Siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon;

Na Siya lamang ang walang kamatayan [sa Inggles Who alone has immortality], na nananahan sa liwanag na di malapitan; na di nakita ng sinomang tao, o makikita man: suma Kaniya nawa ang kapurihan at paghaharing walang hanggan (literal panghabang panahon). Siya nawa." (1 Timoteo 6:14-16)

"Na nalalaman nating si Cristo na nabuhay na mag-uli sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamataya'y hindi naghahari sa Kaniya." (Roma 6:9)

Mula ng magbangon ang Panginoong Jesu-Cristo mula sa mga patay ay pumasok ang Panginoong Jesu-Cristo sa kalagayan ng pagiging walang kamatayan ('immortality'). Siya lamang sa ngayon ang may ganyan nang kalagayan ng pagiging imortal -- "Na Siya lamang ang walang kamatayan". (1 Timoteo 6:16)

Sa liwanag ng nabanggit na kapahayagan ay isa ngang napakalaking pagkakamali ang ipalagay nating tayo man ay may kawalang kamatayan ('immortality') na rin ngayon.

Ang kalagayan ng pagiging walang kamatayan ay mapapasa mga mananampalataya rin, nguni't ito'y sa hinaharap pa sa pagparito ng Panginoong Jesu-Cristo (1 Corinto 15:51-54).

Hindi kung gayon isang likas o 'natural' na bagay ang pagiging imortal. Ito ay kaloob ng Dios. Gaya ng sinabi ni Pablo: "Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan (panghabang panahon) kay Cristo Jesus na Panginoon natin." (Roma 6:23)

ANG ARAL NG WALANG KATAPUSANG IMPIERNO AY ARAL NG DIABLO

 Sa Genesis 2:16-17 ay malinaw ang mga salitang sinabi ng Dios sa unang tao: "Sa lahat ng punong-kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain;" - Bakit? - "sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon" - ay mabubulid ka sa walang katapusang paghihirap sa apoy ng impierno!! Iyan ba ang sinabi ng Dios??? Malaking HINDI!!!

Ang sinabi ng Dios na dahilan kung bakit hindi dapat kumain ang tao ay ito: "sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka." (v.17)

Kamatayan, at hindi walang katapusang paghihirap sa impierno, ang sinabi ng Dios na magiging konsikwensiya ng pagkakasala. 

Sa konteksto ay mababasa rin ang ganitong dagdag na detalye tungkol sa kahulugan ng kamatayan ayon pa rin sa pagpapaliwanag ng Dios: "At kay Adam ay sinabi, Sapagka't iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon;" - pansinin ang pagbabalik-tanaw dito sa nauna nang utos ng Dios na nilabag ni Adam, at ang karugtong --

"sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang;

"sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, HANGGANG sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi." (Genesis 3:17-19)

Ang pag-uwi o pagbabalik ng tao sa lupang pinanggalingan ang magiging wakas ng pansamantalang buhay niya dito sa mundo. Ito ang kabayaran ng kasalanan, ayon mismo sa Dios, at hindi ang sinasabi ng Tradisyon na walang katapusang impierno!

 "Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala..." (Roma 5:12)

"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan..." (Roma 6:23)

Sino kung gayon ang paniniwalaan mo? Ang salita ng Dios na nagsasabing kamatayan ang kabayaran ng kasalanan? o ang diablo na nagsasabi (sa pamamagitan ng Tradisyon) na hindi raw mamamatay ang makasalanang tao kundi maghihirap ng walang katapusan sa kung tawagi'y impierno!!

Wika ng Panginoong Jesu-Cristo: "Kung kayo'y magsisipanatili sa Aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad Ko; at makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo." (Juan 8:31-32)

Walang pag-aalinlangan kung gayon na kung tayo'y mga tunay na alagad ng Panginoong Jesu-Cristo kung kaninong salita ang ating paniniwalaan at pananatilihan.

Sinabi naman ng Panginoong Jesu-Cristo sa mga Judiong ayaw maniwala sa Kanya: "Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito." (Juan 8:44)

"Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios." (Juan 8:47)

"SA ARAW NA IKAW AY KUMAIN NIYAON
AY WALANG PAGSALANG MAMAMATAY KA"

May mga nagtatanong: Bakit hindi namatay si Adam nang mismong araw na nagkasala siya? Hindi ba sabi ng Dios, "sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka"? Bakit nabuhay pa si Adam ng 930 taon (Genesis 5:5)?

Naitanong mo na ba ang ganyang mga tanong? Maging 'Oo' man ang sagot mo o 'Hindi' ay mabuting makita natin sa Banal na Kasulatan ang kasagutan sa ganyang mga katanungan.

Una sa lahat, itinuturo ng Kasulatan na ang Dios ay may kaalamang nakasasakop sa lahat ng pangyayari - nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap - mula sa simula hanggang sa wakas. Ganito ang sabi ng Panginoon: "Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't Ako'y Dios, at walang iba liban sa Akin; Ako'y Dios, at walang gaya Ko; na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo Ko ay mananayo, at gagawin Ko ang Aking buong kaligayahan" (Isaias 46:9-10)

Hindi pa nilalalang ng Dios si Adam ay alam na Niyang ito'y lalabag sa Kanyang utos! Alam na ng Dios na ang kasalanan ay makapapasok sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagsuway ni Adam bago pa man Niya ito lalangin!

Alam din ng Dios na sa pamamagitan ng kasalanan ni Adam ang kamatayan ay makapapasok din sa sanglibutan. Hindi lamang si Adam ang mapipinsala sa kanyang kasalanan kundi pati rin lahat ng kanyang mga supling. Ang buong sangkatauhan ay kasama ni Adam na masasadlak sa kasalanan at kamatayan. (Roma 5:12)

TAKDANG PASIYA AT PAUNANG KAALAMAN NG DIOS

Alam ng Dios ang lahat ng mangyayari - bago pa man mangyari ang mga ito - mula simula hanggang wakas, nguni't paano at bakit?

Sa Apocalipsis 13:8 ay tinukoy ang Panginoong Jesu-Cristo bilang ang "Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan".


Isinulat naman ni Apostol Pedro ang ganito: "Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, samakatuwid baga'y ang dugo ni Cristo: na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, ngunit inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo" (1 Pedro 1:18-20).

[Nota: Ang terminong isinalin na "itatag" ay KATABOLE sa orihinal na Kasulatang Griego. Bibigyan namin ng bukod na detalyadong pagtalakay ito sa ibang mga artikulo ng 'blog' na ito kung loloobin ng Panginoon. Abangan!]

Pansinin na sa dalawang huling sitas na nabanggit ay malinaw na inihahayag na ang kamatayan ng Panginoong Jesu-Cristo sa krus ng Calvario, bilang Cordero ng Dios, ay hindi isang aksidente!!!

Sa isipan at layunin ng Dios ay Siya na noon pa man ang "Cordero na pinatay" -- buhat pa kailan ito? Pansinin, hindi 'buhat nang siya'y hatulan ni Poncio Pilato', hindi rin 'buhat nang Siya'y ipako sa krus' o 'buhat nang Siya'y malagutan ng hininga', kundi -- "BUHAT NANG ITATAG ANG SANGLIBUTAN"!!! (Apocalipsis 13:8)

Siya ang "CORDERO NA PINATAY BUHAT NANG ITATAG ANG SANGLIBUTAN". 

Kailan ba iyong  "buhat nang itatag ang sanglibutan"???

Kaibigan, tumutukoy iyan doon sa sandaling hindi pa nilalalang ang kasalukuyang langit at lupa!! Tumutukoy iyan doon sa sandaling hindi pa nilalalang ang unang taong si Adam!!!

Ibig sabihi'y wala pa si Adam at wala pa ang problema ng kasalanan na dadalhin niya sa atin at sa sanglibutan ay nauna na sa isipan at layunin ng Dios na Makapangyarihan sa lahat ang solusyon -- ang kamatayan ni Cristo - ang Cordero ng Dios - sa krus!!!

Hindi pa dumarating ang problema ay nasa harapan na ng Dios na Marunong sa lahat ang solusyon!!! Ang solusyon na iyan ay si Cristo na Kaniyang Anak ng pag-ibig!!!

Iyan din ang sinasabi ni Apostol Pedro kaya nga isinulat niya na si Cristo, bilang Corderong walang kapintasan at walang dungis ay "nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan" (1 Pedro 1:19-20).

"Siya, na ibinigay sa TAKDANG PASIYA at PAUNANG KAALAMAN ng Dios, kayo" -- tumutukoy sa mga Judio na kausap ni Pedro noong araw ng Pentecostes -- "sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tampalasan ay inyong ipinako sa krus at pinatay" (Gawa 2:23) 

Pansining ang takdang pasiya ng Dios ay naunang binanggit ng apostol bago ang paunang kaalaman ng Dios. Napakahalaga nito sapagka't dito'y ipinakikita na ang pagkapako at pagkamatay ng Panginoong Jesu-Cristo sa krus ay hindi isang aksidente, kundi takdang pasiya mismo ng Dios, gaya ng Kaniyang nilayon at pinlano bago pa itinatag ang sanglibutan!!!

Balikan natin ngayon ang ating naunang katanungan --

HINDI NGA BA NAMATAY SI ADAM 
NANG MISMONG ARAW NA SIYA'Y MAGKASALA?

Para sa kasagutan ay muli nating tingnan ang sinasabi ng Banal na Kasulatan. Matapos magkasala si Adam at si Eva ay mababasa natin: "At nadilat kapuwa ang kanilang mga mata, at kanilang nakilalang sila'y mga hubad; at sila'y tumahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panapi." (Genesis 3:7)


Ito ang pagtatangka ng taong nahulog sa kasalanan na solusyonan ang kaniyang problema sa pamamagitan ng sarili niyang inimbentong pamamaraan.


Ang kanilang naranasang hubad na kalagayan matapos magkasala ay tinangka nilang solusyonan ng sariling damit ng katuwirang ginawa nilang sarili.


Nguni't makasasapat ba ang sarili nilang pamamaraan at sarili nilang mga gawa upang sila'y muling makaharap sa Dios? Makatatakip kaya ang kanilang panaping ginawa sa harap ng Dios na nakasasaliksik maging sa mga saloobin at mga kaisipan ng puso?


"At narinig nila ang tinig ng Panginoong Dios na lumalakad sa halamanan sa kulimlim ng araw: at nagtago ang lalake at ang kaniyang asawa sa harapan ng Panginoong Dios sa pagitan ng mga punong kahoy sa halamanan. At tinawag ng Panginoong Dios ang lalake at sa kaniya'y sinabi, Saan ka naroon?


"At sinabi niya, Narinig ko ang Iyong tinig sa halamanan, at ako'y natakot, sapagka't ako'y hubad; at ako'y nagtago." (Genesis 3:8-10)


Pakiramdam ni Adam ay hubad pa rin siya kahit suot na niya ang panaping gawa ng sariling kamay! Bakit? Ganito ang sabi sa Hebreo 4:13 bilang sagot: "At walang anomang nilalang na hindi nahahayag sa Kaniyang paningin: nguni't ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata Niyaong ating pagsusulitan." Hubad at hayag ang lahat ng nilalang sa paningin ng Dios.


Sa Isaias 59:6 ay mababasa: "Ang kanilang mga bahay gagamba ay hindi magiging mga kasuutan, o magsusuot man sila ng kanilang mga gawa: ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang kilos ng karahasan nasa kanilang mga kamay."


Dito'y itinulad lamang sa 'bahay-gagamba' o mga sapot ang mga gawang nais sana ng taong gamitin upang pagtakpan ang kaniyang kasalanan. Nguni't napakanipis ng mga sapot ng gagamba upang makasapat na gawing kasuutan ng tao. Sapot lang ng gagamba ang katulad ng ipinagmamalaki nating mga gawa sa paningin ng Dios. Paano tayong makaaasa rito upang maging katanggap-tanggap sa paningin Niya?


Hindi kataka-taka na sinabi naman ni propeta Isaias: "Sapagka't kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin." (Isaias 64:6)


Pansinin ang paggamit ni Isaias ng mga panghalip (o pronouns) na "kami", "namin", at "amin". Bagama't isa siyang propeta at lingkod ng Dios ay ibinilang niya ang sarili niya sa paglalarawan sa kalagayan ng tao sa kasalanan. Hindi niya sinabing "silang lahat ay naging parang marumi, atbp.", kundi "kaming lahat" -- kasama ang sarili niya -- "ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi, atbp."


"Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa...Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios" (Roma 3:10, 23).


ANG DAKILANG BIYAYA NG DIOS


Matapos ang bigong pagtatangka ni Adam at ng kaniyang asawa na pagtakpan ang kanilang kasalanan sa harap ng Dios ay ganito ang ginawa ng Dios: "At iginawa ng Panginoong Dios si Adam at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila'y dinamitan." (Genesis 3:21)


Pinalitan ng Dios ang panaping igos na gawa ng tao ng kasuutang yari sa mga balat na ang Dios mismo ang gumawa! Ang hindi kayang ipagkaloob ng makasalanang tao sa sarili niya ay ang Dios ang nagkaloob sa pamamagitan ng Kaniyang dakilang biyaya!


Sa orihinal na Hebreo ang terminong isinaling "mga kasuutang balat" ay tumutukoy sa mga kasuutan o damit na yari sa mga balat ng hayop. Ihambing ang iba pang paglitaw ng salitang "balat" (gohr) sa mga sumusunod -- Genesis 27:16; Exodo 25:5; 26:14; 35:23; Bilang 31:20.


Namatay ba si Adam nang mismong araw na magkasala siya? Ang sagot ay 'Oo' at 'Hindi'!


'Oo', sapagka't sa lugar niya at ng kaniyang asawa ay nabuwis ang mga buhay ng mga sakripisyong hayop na ang mga balat ay nagsilbing kasuutan nila mula sa mga kamay ng Dios! (Isaias 61:10)

Ang bago nilang mga kasuutang yari sa mga balat ng hayop ang ebidensiya ng kamatayang nangyari nang mismong araw ng kanilang pagkakasala...kamatayang hindi sana nangyari sa mga inosenteng sakripisyo kung hindi dahil sa kanilang agarang pangangailan resulta ng kanilang kasalanan.


Ibig sabihin nito'y may ibang namatay para sila ay mabuhay!


Hindi ba't ang prinsipyong ito ay totoo rin sa atin sa araw-araw nating buhay? May ibang namamatay para tayo mabuhay! May ibang isinasakripisyo ang buhay para madugtongan naman ang buhay natin!


Halimbawa, hindi ba't sa bawat butil ng bigas o trigo na ginagawang kanin o tinapay ay may daan o libong uhay ang kinikitil upang ang bunga ay maibigay sa atin? Mahilig ka ba sa 'fried chicken'? O kaya'y sa 'hamburger' o sa iba pang tulad nito? Huwag mong kalimutang may buhay na nabubuwis at nasasakripisyo para ang laman ng mga nabanggit na buhay ay magawang 'fried chicken' o 'humburger' o 'beef steak' o iba pa na nagsisilbing pagkain na pangdugtong sa buhay mo!!

Huwag nga nating pagtakhan na sa walang kapantay na kapangyarihan at karunungan ng Dios ay sinimulan na Niyang ituro ang prinsipyong ito sa simula pa ng kasaysayan ng tao. Ang iba'y kinakailangang mamatay at maisakripisyo para naman ang iba ay mabuhay!

Ito ang kasagutan sa ating katanungan. Si Adam at ang kaniyang asawa ay namatay nang mismong araw na sila'y magkasala sa pamamagitan ng mga sakripisyong naging kahalili nila sa paningin ng Dios na kanilang pinagkasalaan.


Nguni't sa kabilang banda ay totoo rin na nabuhay pa si Adam hanggang umedad siya ng 930 taon. Nadugtungan pa ang buhay niya dahil sa buhay ng iba na ibinuwis ng Dios sa halip ng buhay ni Adam.


Nguni't maging ang mga hayop na isinakripisyo mula pa roon sa Eden (Genesis 3:21) at ipinagpatuloy na isakripisyo sa panahon ni Abel (4:4) at ng iba pang mananampalataya sa salita ng Dios, lahat ng mga sakripisyong tupa at mga hayop na ito ay malabong anino lamang ng tunay na nasa layunin ng Dios para sa ganap na katugunan sa pangangailangan ng tao: si Jesu-Cristo.


Ito ang ibig sabihin na ang Panginoong Jesu-Cristo ang Cordero na pinatay buhat ng itatag ang sanglibutan (Apocalipsis 13:8). Doon pa man sa paggawa ng Dios ng mga kasuutang balat na ibinihis Niya sa nagkasalang unang tao ay inilalarawan na Niya ang mangyayaring pag-aalay ng buhay ng Kaniyang Anak na si Jesu-Cristo para sa ating mga kasalanan.


Ang Panginoong Jesu-Cristo nga ang Cordero ng Dios na nag-aalis ng kasalanan ng sanglibutan (Juan 1:29)!!!

"Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang Kaniyang pag-ibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin." (Roma 5:8)

"Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas" -- Sino-sino? Ang mga relihiyoso ba? o Ang mga banal? o Ang mga miyembro ng 'iglesia' o ganong 'church' o 'fellowship'? o Ang mga matuwid? o Ang masipag sa pag-iikapu at pagka-kawanggawa? MALI LAHAT ang ganyang sagot!!!


Ito ang aktuwal na nakasulat sa Banal na Aklat: "Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangulo sa mga ito" (1 Timoteo 1:15)

Sa liwanag ng kinasihang salita ng Dios at ng Kaniyang walang hanggang pag-ibig na inihayag Niya sa pamamagitan ni Cristo ay panahon na upang ibasura natin ang paniniwala sa dogma ng walang katapusang impierno! Ang doktrinang iyan na niluto ng diablo ay malaking paglibak sa pangalan ng Dios.


MGA MALING PANINIWALA

May mga naniniwala na ang 'dios' ay makapangyarihan gaya ng isang di matitinag na hari, nguni't pinili niyang ibigin at paboran ang ilan lang sa mga paborito niya, habang ang nakararami ay nilampasan niya at itinalaga niyang mapahamak sa walang katapusang impierno. Walang hanggan daw ang kapangyarihan ng 'dios' pero limitado lang ang pag-ibig niya sa mga hinirang (elect). Ito ang tradisyonal na paniniwala ng Augustiniasmo, Calvinismo, at iba pang sistema ng makalamang teolohiya.

Ang nabanggit ang dahilan kaya marami ang naniniwala na ang 'dios' ay malupit, 'biased', may paboritismo, at masahol pa kay Hitler sa pagka-sadista. Ang ganyang 'dios' nga ng Tradisyon ay karapat-dapat itakuwil. Iyan ang 'dios' na niluto sa sindak at pamahiin. Ang 'dios' ng nakararaming mga bulag na Fariseo, mga prayle, mga legalista, at mga moralista. Ang 'dios' ng mga panatiko.

Hindi iyan ang Dios at Ama ng Panginoong Jesu-Cristo na nagkaloob sa atin ng mabuting balita ng Kaniyang biyaya.

May mga naniniwala namang ang 'dios' ay pag-ibig, nguni't ang problema ay limitado naman ang kanyang kapangyarihan. Gusto-gusto niyang iligtas ang sangkatauhan, nguni't wala siyang magawa pag tinanggihan siya ng tao sa paggamit daw ng tao ng malayang kalooban ('free will').

Kaya hahayaan na lang daw ng 'dios' na ito na mabulid ang maraming tao sa walang hanggang impierno sapagka't iyon daw ang gusto ng tao. 'Helpless' ang 'dios' na ito. Talunan ang 'benevolent will' niya ng 'free will' ng tao.

Ito ang 'dios' ng Pelagianismo, Arminianismo, at iba pang ganyang sistema ng paniniwala. Siya ay talo ng mas makapangyarihang 'free will' ng tao. Wala siyang magawa para tutulan ang 'free will' ng tao. Inutil ang ganyang 'dios' at hindi karapat-dapat sa pagsamba at respeto ng sinoman.

Ako ay may tatlong taong gulang na anak. May mga pagkakataong  ang 'free will' ng anak ko ay nagpapasyang gumawa ng mga kapilyuhang makapipinsala sa kaniya. Mga bagay na hindi alam ng musmos kong anak na makasasama sa kanya at maaari pa niyang ikamatay.

Halimbawa ng mga gusto sana niyang gawin ay pagtalon sa mataas na bintana, o pag naliligo sa ilog sa panahon ng outing ay ang kagustuhang lumusong sa malalim na bahagi ng tubig nang solo at walang solbabida!

Gusto niya ring uminom ng mga 'high dose medicine capsules' na nakikita niyang iniinom naming matatanda. Lahat iyan ay nasa 'free will' niyang gawin!

Ngayon pinapayagan ba namin na ang 'free will' niya'y laging masunod kontra sa aming 'parental will'. Aba, hindi aaah!!! Matagal na sana siyang nalumpo, o nabulag, o kaya'y namatay kung hinahayaan naming laging masunod ang 'free will' niya!!!

'Bili mo akong ice cream, Pa!'

Ok, lang yun basta busog siya't may pera. Yes, sa 'free will' niya.

'Pa, gusto ko ubosin buong bottle ng vitamin, sarap eh!'

No, sa 'free will' niya ngayon siyempre. Overdose siya sa vitamin kung hayaan siya sa 'free will' niya. Ang alam lang niya masarap yung vitamin (orange flavor kasi). Pero hindi pa niya unawang lubos na may tamang dosage yun. 1 teaspoon a day lang.

See, mali na ang lahat ng gusto ng 'free will' ay pinapayagan o sinusunod.

"O anong tao sa inyo, ang kung siya'y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay; o kung siya'y hingan ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? Kung kayo nga, bagaman masasama ay marunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa Kaniya?" (Mateo 7:9-11)

Mabubuting bagay lang ang ibinibigay ng Dios. Yung alam Niyang makatutulong at makabubuti sa atin. Marunong din Siyang magsabi ng 'Hindi' kung sa tingin Niya'y hindi makabubuti ang gusto ng ating 'free will'. (tingnan halimbawa ang Exodo 33:20 at ang konteksto)

Maaari Niya tayong hadlaan sa mga mali nating kagustuhan na maaaring makapinsala sa atin (tingnan halimbawa ang istorya ni Jonas (Jonas kapitulo 1-4).

Tingnan din ang istorya ni Saulo na gustong lipulin ang iglesia ng Panginoon, at kung paanong hinadlangan at iniligtas ng Panginoong Jesu-Cristo itong si Saulo sa kaniyang 'free will' na mapangwasak (Gawa 9:1-22).

BALANSENG PANANAW AYON SA SALITA NG DIOS

Ang Dios ang Makapangyarihan sa lahat (Apocalipsis 1:8; Roma 1:20).

Ang Dios ay pag-ibig (1 Juan 4:16).

Parehong totoo ang dalawang nabanggit. Ang pagiging makapangyarihan sa lahat at pagiging pag-ibig ay likas sa Dios, kung paanong ang pagiging banal, matuwid, walang pagkasira, marunong sa lahat, at walang hanggan ay katutubo rin sa esensiya Niya.

Ang mga kakanyahan at mga katangiang ito ng Dios ay iisa gaya ng kung paanong ang liwanag ay iisa. Bagama't totoo na ang iisang liwanag kung padadaanin sa isang prism ay maaaring mahayag bilang iba't ibang kulay ng bahaghari (o rainbow), gayon pa ma'y nananatili itong iisa. Tulad ng liwanag ang Dios ay iisa nguni't sa prism ng Kaniyang salita ay ipinakikilala Siya sa atin sa sari-sari Niyang mga katangian nguni't Siya'y iisa pa ring kataas-taasang Dios!

Wala kung gayong kontrahan ang mga katangian ng iisang Dios kung paanong ang sari-saring kulay ng iisang liwanag na nahahayag sa bahaghari (rainbow) ay walang kontrahan sa isa't isa! Ang asul ay hindi kontra sa pula, hindi rin kontra ang berde sa dilaw, atbp., kundi sila'y nagkakaisang ekspresyon ng bahaghari.

Hindi kung gayon maaaring magkontrahan ang kapangyarihan at pag-ibig ng Dios (at vice versa), pagka't ang mga ito'y parehong walang hanggan kung paanong ang Dios sa Kanyang kalikasan ay walang hanggan.

Sa sistemang Augustinianismo/Calvinismo ay ginawang walang hanggan ang kapangyarihan ng Dios, nguni't limitado naman ang Kaniyang pag-ibig. Ang pananaw na ito ay napakamali at depektibo.

Sa kabilang panig naman ay ang sistemang Pelagianismo/Arminianismo na ginawang walang hanggan ang pag-ibig ng Dios nguni't mahina at talunan naman ng 'free will' ng tao. Ito rin ay paniniwalang napakabaluktot at mali.

Ang tunay na Dios ng mga propeta at mga apostol -- ang Dios ng Banal na Kasulatan -- ay Dios ng walang hanggang pag-ibig at walang hanggang kapangyarihan!!!

Siya ang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan (1 Timoteo 2:3-4), at ito nga'y Kaniyang matagumpay na maisasakatuparan pagka't nasa Kaniya ang sapat na kapangyarihan upang mabigyang kaganapan ang walang sukat na layunin ng Kaniyang pusong nag-uumapaw sa pag-ibig sa bawa't isa sa atin!!!

                                            (Itutuloy)

Friday, July 9, 2010

Ang Katotohanan Tungkol sa 'Impierno' (Ika-2 Bahagi)

Ang tao ay nilalang ng Dios ayon sa Kaniyang wangis at sariling larawan (Genesis 1:26-27). Ang larawang ito sa kaniyang pinaka esensiya ay espirituwal at hindi pisikal (Efeso 4:24; Colosas 3:10), sapagka't "ang Dios ay espiritu" sa Kaniyang kalikasan (Juan 4:24).

Ang detalye ng paglikha ng Dios sa tao ay inilalarawan sa Genesis 2:7: "At nilalang (literal, inanyuan) ng PANGINOONG Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay."

Pansinin na ang tao mismo ay direktang binigyang-anyo ng Panginoong Dios sa alabok ng lupa. Ang salitang isinaling "nilalang" ay "inanyuan" ang literal na kahulugan sa orihinal na Hebreo. Ang Dios ay inilalarawan ng naturang salita gaya ng isang magpapalyok na Siyang nagbigay-anyo sa tao: "Nguni't ngayon, Oh Panginoon, Ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik (luwad), at Ikaw ay Magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng Iyong kamay." (Isaias 64:8)

Ang pisikal na katawan, na yari sa alabok ng lupa, kung gayon ay hindi isang pandagdag lamang na sangkap ng tao. Ang kayarian ng tao, bagama't nakasalig sa espirituwal na sangkap niya na nilalang sa larawan ng Dios, ay hindi maaaring ihiwalay sa kaniyang materyal na kayariang mula sa lupa.

Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Abraham: "Narito, ngayo'y nangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang." (Genesis 18:27) Tulad din nito ang sinabi ni Job: "Ang Iyong mga kamay ang siyang lumalang at nagbigay anyo sa akin sa buong palibot...Iyong alalahanin, isinasamo ko sa Iyo, na ako'y Iyong binigyang anyo na gaya ng putik (luwad); at iuuwi Mo ba ako uli sa pagkaalabok?" (Job 10:8-9) Inihayag din ni David ang ganito: "Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa Kaniya. Sapagka't nalalaman Niya ang ating anyo; Kaniyang inaalaala na tayo'y alabok." (Awit 103:13-14)

KALULUWANG MAY BUHAY

Malinaw sa Genesis 2:7 na ang tao ay binubuo ng dalawang pangunahing sangkap. Ang tao mismo ay mula sa alabok ng lupa (unang sangkap). Pagkatapos ay hiningahan ng Panginoong Dios ang taong hinugis mula sa alabok ng lupa ng hininga ng buhay (ikalawang sangkap), ayon pa rin sa Genesis 2:7. Ang resulta ng pagsasama ng dalawang sangkap na ito - ng alabok at ng hininga ng buhay - ay ito: "at ang tao ay naging kaluluwang may buhay."

Pansinin ang mga sumusunod na napakahalagang katotohanan:

Una sa lahat, bigyang pansin na hindi sinabing 'ang tao ay nagkaroon ng kaluluwang may buhay,' kundi ang nakasulat ay 'ang tao (mismo) ay naging kaluluwang may buhay.' Ang tao kung gayon ay hindi lamang may kaluluwa, kundi siya mismo ay kaluluwa o 'nephesh' sa orihinal na Hebreo. Ibig sabihi'y may buhay at may kamalayang nilalang ('a living and conscious being' sa Inggles).

Ikalawa, pansinin din na hindi sinabing 'ang tao ay naging kaluluwang imortal', kundi ang aktuwal na sinabi ng Biblia ay 'ang tao ay naging kaluluwang may buhay'. Sa Inggles: hindi 'immortal soul' kundi ayon sa Kasulatan ay 'living soul'.

Ikatlo, hindi rin sinabing 'at ang tao ay dati nang kaluluwang may buhay,' kundi ang aktuwal na inihayag ng Kasulatan ay 'at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.' Malinaw kung gayon na ang tao matapos hugisin ng Dios mula sa alabok ay wala pang buhay sa simula. Ang tao ay naging kaluluwang may buhay lamang matapos na hingahan ng Dios ng hininga ng buhay. Ang buhay kung gayon ay direktang kaloob ng biyaya ng Dios sa tao. "Yamang Siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay." (Gawa 17:25)

ANG KABAYARAN NG KASALANAN AY KAMATAYAN

Matapos na lalangin ng Panginoong Dios ang unang tao at mailagay sa inihandang tahanan doon sa Eden ay iniutos Niya sa tao ang ganito: "Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka." (Genesis 2:16-17)

Ano raw ang magiging parusa pagka nilabag ng tao ang utos ng Panginoong Dios? Sinabi ba ng Dios na 'sa araw na ikaw ay kumain niyaon (ng ipinagbabawal na prutas) ay walang pagsalang mabubulid ka sa walang hanggang impiyerno'? Sinabi ba Niya sa unang tao na 'sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang pahihirapan ka ng walang katapusang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno'? May nabanggit ba ang Dios kay Adan na impiyernong walang hanggan o kaya'y purgatoryo?

Ano ang aktuwal na nakasulat sa Banal na Kasulatan? Ulitin nating muli ang pagsipi: "Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka ng may kalayaan: datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka." (Genesis 2:16-17)

Hindi ba't malinaw, ayon na mismo sa mga salita ng Panginoong Dios, na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan - "walang pagsalang mamamatay ka." Malinaw kung gayon na ang dogma at doktrina ng Tradisyon tungkol sa impiyernong walang katapusan ay isang guni-guni lamang na walang anomang batayan sa aktuwal na mga salita ng Dios. Di kataka-taka na sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo sa mga eskriba't Fariseo: "Dahil sa inyong minanang turo (tradisyon), niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Dios." (Mateo 15:6, TPV)


Nguni't maaaring itanong ng iba, ano ba ang ibig sabihin ng Dios ng wikain Niya kay Adan - "sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka"? Ano ba sa pakahulugan ng Dios ang kamatayan?

Hayaan nating ang Panginoong Dios mismo ang magpaliwanag sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang aktuwal na mga salita. Ganito ang naging pahayag ng Dios matapos na magkasala si Adan: "Sapagka't iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi." (Genesis 3:17-19)

Di ba't malinaw na sa mismong paliwanag ng Panginoong Dios ay pag-uwi sa alabok ang kahulugan ng kamatayan at hindi ang kahirapang walang katapusan sa kung tawagi'y impiyerno ng Tradisyon?

Narito ang iba pang ebidensiya mula sa kinasihang Kasulatan: "Kung Kaniyang ilagak ang Kaniyang puso sa tao, kung Kaniyang pisanin sa Kaniyang sarili ang kaniyang espiritu at ang kaniyang hininga; tanang laman ay mamamatay, at ang tao ay mababalik uli sa alabok." (Job 34:14-15)

"Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo. Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pag-iisip." (Awit 146:3-4) Pamuli ang kamatayan sa sitas na ito ay nangangahulugan, hindi ng walang katapusang paghihirap sa impiyerno ng Tradisyon, kundi ng panunumbalik ng tao sa pagkalupa. Pansinin ding sa araw ding yaon - o sa araw ng kamatayan - ay nawawala ang pag-iisip ng taong namamatay. Ang pagkawala na ito ng pag-iisip ay tumutukoy sa pagpasok ng namatay sa kalagayan ng kawalang malay ('unconsciousness').

Sa dahilang ito ay sinabi rin sa itaas: "Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo..." Sa Dios lamang na makapangyarihan sa lahat at Siyang tanging walang kamatayan matatagpuan ang tunay na saklolo! Sa mortal na tao, maging siya ma'y prinsipe o isang pinuno, ay walang tunay na saklolo, pagka't lahat ay namamatay din sa bandang huli. Ang kataas-taasang Dios lamang ang tanging walang kamatayan!

"At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang diwa (espiritu) ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya." (Ecclesiastes 12:7)

ANG PATOTOO NG KASULATANG GRIEGO (O 'BAGONG TIPAN')

Tulad din niyan ang turo ng Panginoong Jesu-Cristo: "Nang panahon ding ngang yaon ay nangaroon ang ilan, na nagsipagsabi sa Kaniya tungkol sa mga Galileo, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa mga hain nila. At Siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Inaakala baga ninyo na ang mga Galileong ito ay higit ang pagkamakasalanan kay sa lahat ng mga Galileo, dahil sa sila'y nangagbata ng mga bagay na ito? Sinasabi Ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan. O yaong labingwalo, na nalagpakan ng moog sa Siloe, at nangamatay, ay inaakala baga ninyo na sila'y lalong salarin kay sa lahat ng taong nangananahan sa Jerusalem? Sinasabi Ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan." (Lucas 13:1-5)

Dalawang trahedya ang binanggit dito ng Panginoon. Una ay ang walang awang pagpatay ('massacre') na ginawa ni Pilato sa mga Galileo ng panahong iyon. Inihalo pa ni Pilato ang kanilang mga dugo sa dugo ng kanilang mga hain.

Ang ikalawang trahedya ay patungkol naman sa labingwalong katao na nalagpakan ng moong sa Siloe at nangamatay. Ayon na rin sa Panginoon ay huwag iisipin ng mga taga-Jerusalem na kaya sinapit ng mga nabanggit ang ganyang kakila-kilabot na kamatayan ay dahil sa kanilang labis na pagkamakasalanan. Malibang kayo'y mangagsisi, dagdag pang sabi ng Panginoon, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.

Malaki nga namang pagkakamali at kapalaluan na isipin natin, pagka may ganyang mga malagim na kamatayan, na kaya sinasapit ng iba ang ganyang paraan ng kamatayan ay dahil sa mas higit ang pagkamakasalanan nila kaysa atin. HINDI, sabi ng Panginoon, malibang kayo'y magsisi ay ganyang uri ng kamatayan din ang inyong sasapitin. Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23).

"Muli ngang sinabi Niya sa kanila, Yayaon Ako, at Ako'y inyong hahanapin, at mangamamatay kayo sa inyong kasalanan: sa Aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon...Sinabi Ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na Ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan." (Juan 8:21, 24) Malinaw na kasalanan ang sanhi ng kamatayan ng tao. Gayon pa ma'y isang malaking pagkakamali naman na dagdagan ninoman ang salita ng Dios, at sabihing 'impiernong walang katapusan ang kaparusahan sa kasalanan'.

"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan..." (Roma 6:23) Pansinin na hindi rito sinabi ng apostol Pablo, 'sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kahirapan sa impiyernong walang katapusan,' kundi ang aktuwal niyang isinulat ay "sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan," gaya rin ng sinabi ng Dios doon sa Genesis kay Adan.

Kung kamatayan ang malinaw na sinasabi ng salita ng Dios na kabayaran ng kasalanan ay bakit sinasabi naman ng Tradisyon at ng mga sekta na  impiernong walang katapusan ang kabayaran? Saan ba nanggaling ang ideyang ito? May impierno ba talagang walang katapusan? Saan nanggaling ang katuruang ito tungkol sa walang hanggang impierno?

(Itutuloy)