Saturday, December 18, 2010

Ang Katotohanan Tungkol sa 'Impierno' (Ikatlong Bahagi)

Sa Genesis 3:1-5 ay mababasa ang ganito: "Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Dios. At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan?

At sinabi ng babae sa ahas, Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami: Datapuwa't sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Dios, Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo'y mamatay.

At sinabi ng ahas sa babae, Tunay na hindi kayo mamamatay: sapagka't talastas ng Dios na sa araw na kayo'y kumain niyaon ay madidilat ang inyong mga mata, at kayo'y magiging parang Dios, na nakakakilala ng mabuti at masama."

Pansining ang pinakaunang natalang pangungusap ng ahas (o ng diablo) sa Banal na Kasulatan ay may layong maghasik ng pag-aalinlangan sa salita ng Dios. Wika ng ahas: "Tunay bang sinabi ng Dios...?" (v.1)

Ito'y hindi isang tanong na humihingi ng impormasyon, kundi tanong na kumukuwestiyon sa katotohanan ng sinabi ng Dios!

ANG PANGUNAHING AKTIBIDAD NG DIABLO

Madalas na inaakala ng marami na ang diablo ay aktibo sa mga gawaing naguudyok sa tao sa paggawa ng mga krimen, pagpapakasugapa sa droga, kalasingan, kahalayan, at iba pang tulad nito.

Pinaniniwalaan ding aktibo ang diablo sa mga lugar ng bahay-aliwan, sugalan, 'hideouts' ng mga kriminal, at iba pang masasamang elemento ng lipunan na gaya nito.

Hindi ganap na totoo ang mga ganyang akala at paniniwala! Hindi ang diablo ang pinagmumulan ng ganyang mga kasalanang isinasabuhay ng tao.

Ayon sa Panginoong Jesu-Cristo, hindi ang nasa labas ang nakapagpaparumi sa tao, kundi 'yong nasa loob ng tao: "Sapagka't mula sa loob," - hindi sinabing mula sa diablo - "mula sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, ang mga pakikiapid, ang mga pagnanakaw, ang mga pagpatay sa kapuwa-tao, ang mga pangangalunya, ang mga kasakiman, ang mga kasamaan, ang pagdaraya, ang kalibugan, ang matang masama, ang kapusungan, ang kapalaluan, ang kamangmangan: ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagsisipanggaling, at nangakakahawa (nakapagpaparumi) sa tao." (Marcos 7:21-23)

Malinaw na sa puso ng tao, at hindi sa diablo, nanggagaling ang lahat ng kasamaang iniisip o ginagawa ng tao.

Isang bagay na dapat mong itanim sa iyong isip na pangunahing gawain ng diablo ay ang pag-alinlanganin ang tao sa salita ng Dios! (Genesis 3:1) "Ang binhi ay ang salita ng Dios. At ang mga sa tabi ng daan, ay ang nangakinig; kung magkagayo'y dumarating ang diablo, at inaalis ang salita sa kanilang puso, upang huwag silang magsisampalataya at mangaligtas." (Lucas 8:11-12)

Ang diablo ay aktibo kung gayon sa mga pulpito, mga paaralan, at mga institusyong ang layunin ay pag-alinlanganin ang mga mag-aaral at mga tao sa salita ng Dios!

Gawain ng diablo ang ilayo ang salita ng Dios sa tao upang pagkatapos ay maibaling niya ang paniniwala ng tao sa walang kabuluhang mga Tradisyon, mga pilosopiya, mga haka-haka at mga pamahiin!

PINAKA PANGUNAHING DOKTRINA NG DIABLO

Matapos magpunla ng pag-aalinlangan sa isip ni Eva ay idinugtong naman ng diablo ang makamandag niyang turo: "Tunay na hindi kayo mamamatay..." (Genesis 3:4)

Ibig sabihi'y kahit labagin ng tao ang utos ng Dios, o kahit na magkasala ang tao, ay hindi mamamatay ang tao.

Ito ang doktrina o aral ng pagiging likas na imortal ng kaluluwa ng tao (Inggles 'inherent immortality of the soul').

Ang aral na ito ng diablo ay ganap na salungat sa aral ng Dios na nagsasabing ang tao ay nilalang ng Dios bilang "kaluluwang may buhay" ('living soul') at hindi bilang kaluluwang walang kamatayan (o 'immortal soul") (Genesis 2:7).

Sa Ezekiel 18:4 ay sinabi ng Panginoong Dios: "Narito, lahat ng kaluluwa ay Akin; kung paano ang kaluluwa ng ama, gayon din ang kaluluwa ng anak ay akin: ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay."

Ang kaluluwa kung gayon ay puwedeng mamatay. Hindi likas na imortal ang kaluluwa. Isang malaking kasinungalingan ang sinabi ng diablo, "Tunay na hindi kayo mamamatay."

Ang Dios ang tahasang nagsabi kay Adan na sa araw na kainin niya ang ipinagbabawal na bunga ng punong-kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama "ay walang pagsalang mamamatay ka" (Genesis 2:17).

"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan..." (Roma 6:23)

NAKALALASONG BUKAL NG MGA BULAANG ARAL AT KATURUAN

Ganito ang sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo tungkol sa diablo: "...Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa ng una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito." (Juan 8:44)

Ang diablo ang ama ng kasinungalingan, ayon sa Panginoong Jesu-Cristo. Hindi kataka-taka na sa diablo nanggaling ang pinaka mapandayang aral ng likas na pagiging imortal ng kaluluwa ng tao. Ang diablo ang dumadaya sa buong sanglibutan (Apocalipsis 12:9).

Sa bulaang aral na iyan ng diablo -- ang 'natural immortality of the soul' -- nakabase ang iba pang mapanlinlang na mga aral gaya ng:

  • Reenkarnasyon ('Reincarnation' sa Inggles). Ito ang paniniwalang namamatay ng paulit-ulit ang tao at nagpapalipat-lipat ang kaluluwa niya sa iba't ibang katawan (maaring sa tao uli, o kaya'y sa hayop, o sa halaman) komporme sa kanyang naging buhay sa lupa. Ito raw ay nangyayari daan, libo, milyon, o bilyon-bilyong ulit komporme sa merito o kakulangan ng merito ng tao. Nguni't salungat ito sa Banal na Kasulatan na nagsasabing "itinakda sa mga tao na mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom" (Hebreo 9:27). Pansinin na ang kamatayan ay nakatakdang minsang mangyari sa tao -- hindi paminsan-minsan (o paulit-ulit) -- kundi minsan lang, at pagkatapos ng kamatayan ay -- hindi sinabing reenkarnasyon kundi -- ang paghuhukom.
  • Pananalangin at pagsamba sa mga ninunong namatay na (o 'ancestor worship').
  • Pananalangin at pagsamba sa tinaguriang 'mga Santo' o 'mga Santa'. Labag sa utos ng Dios ang ganitong pagsamba. Kaya't mababasa natin sa isang pangyayari sa Kasulatan: "At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba. Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin." (Gawa 10:25-26)
  • Paniniwala sa mga multo at mga maligno na mga kaluluwa raw ng mga namatay na pinaniniwalaang nananatiling may kamalayan pa rin kahit patay na!
  • Paniniwala sa purgatoryo, limbo, at walang katapusang pagpapahirap sa kung tawagi'y impierno.
  • Pananalangin, pagpapamisa, at indulhensiya para sa kaligtasan ng mga kaluluwang namatay na.
  • Espiritismo o ang pagsangguni sa mga patay, na ang mga kaluluwa ay pinaniniwalaang buhay at may kamalayan pa rin, kahit sila'y mga patay na. Labag sa kautusan ng Dios ang ganitong gawain. "At pagka kanilang sasabihin sa inyo, Hanapin ninyo silang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu at mga manghuhula, na nagsisihuni at nagsisibulong; hindi ba marapat na sanggunian ng bayan ang kanilang Dios? dahil baga sa mga buhay ay sasangguni sila sa mga patay? Sa kautusan at sa patotoo! kung hindi sila magsalita ayon sa salitang ito, tunay na walang umaga sa kanila." (Isaias 8:19-20 tingnan din ang Deuteronomio 18:10-12)
  • at maraming iba pang gaya nito na pawang nakabase sa bulag na paniniwala ('blind faith') at mga pamahiin ('superstitions').
Ang mga ganyang aral at paniniwala ay walang anopamang batayan sa katotohanan. Ang kasinungalingan ng diablo na nagsabi -- "Tunay na hindi kayo mamamatay" -- ang binabalikang basehan ng lahat ng kamaliang nabanggit.

SI CRISTO LAMANG ANG WALANG KAMATAYAN

Isinulat ni Apostol Pablo ang sumusunod kay Timoteo: "Na tuparin mo ang utos, na walang dungis, walang kapintasan hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong JesuCristo: na sa Kaniyang kapanahunan ay ipahahayag Siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon;

Na Siya lamang ang walang kamatayan [sa Inggles Who alone has immortality], na nananahan sa liwanag na di malapitan; na di nakita ng sinomang tao, o makikita man: suma Kaniya nawa ang kapurihan at paghaharing walang hanggan (literal panghabang panahon). Siya nawa." (1 Timoteo 6:14-16)

"Na nalalaman nating si Cristo na nabuhay na mag-uli sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamataya'y hindi naghahari sa Kaniya." (Roma 6:9)

Mula ng magbangon ang Panginoong Jesu-Cristo mula sa mga patay ay pumasok ang Panginoong Jesu-Cristo sa kalagayan ng pagiging walang kamatayan ('immortality'). Siya lamang sa ngayon ang may ganyan nang kalagayan ng pagiging imortal -- "Na Siya lamang ang walang kamatayan". (1 Timoteo 6:16)

Sa liwanag ng nabanggit na kapahayagan ay isa ngang napakalaking pagkakamali ang ipalagay nating tayo man ay may kawalang kamatayan ('immortality') na rin ngayon.

Ang kalagayan ng pagiging walang kamatayan ay mapapasa mga mananampalataya rin, nguni't ito'y sa hinaharap pa sa pagparito ng Panginoong Jesu-Cristo (1 Corinto 15:51-54).

Hindi kung gayon isang likas o 'natural' na bagay ang pagiging imortal. Ito ay kaloob ng Dios. Gaya ng sinabi ni Pablo: "Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan (panghabang panahon) kay Cristo Jesus na Panginoon natin." (Roma 6:23)

ANG ARAL NG WALANG KATAPUSANG IMPIERNO AY ARAL NG DIABLO

 Sa Genesis 2:16-17 ay malinaw ang mga salitang sinabi ng Dios sa unang tao: "Sa lahat ng punong-kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain;" - Bakit? - "sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon" - ay mabubulid ka sa walang katapusang paghihirap sa apoy ng impierno!! Iyan ba ang sinabi ng Dios??? Malaking HINDI!!!

Ang sinabi ng Dios na dahilan kung bakit hindi dapat kumain ang tao ay ito: "sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka." (v.17)

Kamatayan, at hindi walang katapusang paghihirap sa impierno, ang sinabi ng Dios na magiging konsikwensiya ng pagkakasala. 

Sa konteksto ay mababasa rin ang ganitong dagdag na detalye tungkol sa kahulugan ng kamatayan ayon pa rin sa pagpapaliwanag ng Dios: "At kay Adam ay sinabi, Sapagka't iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon;" - pansinin ang pagbabalik-tanaw dito sa nauna nang utos ng Dios na nilabag ni Adam, at ang karugtong --

"sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng iyong pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang;

"sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, HANGGANG sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi." (Genesis 3:17-19)

Ang pag-uwi o pagbabalik ng tao sa lupang pinanggalingan ang magiging wakas ng pansamantalang buhay niya dito sa mundo. Ito ang kabayaran ng kasalanan, ayon mismo sa Dios, at hindi ang sinasabi ng Tradisyon na walang katapusang impierno!

 "Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala..." (Roma 5:12)

"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan..." (Roma 6:23)

Sino kung gayon ang paniniwalaan mo? Ang salita ng Dios na nagsasabing kamatayan ang kabayaran ng kasalanan? o ang diablo na nagsasabi (sa pamamagitan ng Tradisyon) na hindi raw mamamatay ang makasalanang tao kundi maghihirap ng walang katapusan sa kung tawagi'y impierno!!

Wika ng Panginoong Jesu-Cristo: "Kung kayo'y magsisipanatili sa Aking salita, kung magkagayo'y tunay nga kayong mga alagad Ko; at makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohana'y magpapalaya sa inyo." (Juan 8:31-32)

Walang pag-aalinlangan kung gayon na kung tayo'y mga tunay na alagad ng Panginoong Jesu-Cristo kung kaninong salita ang ating paniniwalaan at pananatilihan.

Sinabi naman ng Panginoong Jesu-Cristo sa mga Judiong ayaw maniwala sa Kanya: "Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito." (Juan 8:44)

"Ang sa Dios ay nakikinig ng mga salita ng Dios: dahil dito'y hindi ninyo dinirinig, sapagka't kayo'y hindi sa Dios." (Juan 8:47)

"SA ARAW NA IKAW AY KUMAIN NIYAON
AY WALANG PAGSALANG MAMAMATAY KA"

May mga nagtatanong: Bakit hindi namatay si Adam nang mismong araw na nagkasala siya? Hindi ba sabi ng Dios, "sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka"? Bakit nabuhay pa si Adam ng 930 taon (Genesis 5:5)?

Naitanong mo na ba ang ganyang mga tanong? Maging 'Oo' man ang sagot mo o 'Hindi' ay mabuting makita natin sa Banal na Kasulatan ang kasagutan sa ganyang mga katanungan.

Una sa lahat, itinuturo ng Kasulatan na ang Dios ay may kaalamang nakasasakop sa lahat ng pangyayari - nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap - mula sa simula hanggang sa wakas. Ganito ang sabi ng Panginoon: "Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't Ako'y Dios, at walang iba liban sa Akin; Ako'y Dios, at walang gaya Ko; na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo Ko ay mananayo, at gagawin Ko ang Aking buong kaligayahan" (Isaias 46:9-10)

Hindi pa nilalalang ng Dios si Adam ay alam na Niyang ito'y lalabag sa Kanyang utos! Alam na ng Dios na ang kasalanan ay makapapasok sa sanglibutan sa pamamagitan ng pagsuway ni Adam bago pa man Niya ito lalangin!

Alam din ng Dios na sa pamamagitan ng kasalanan ni Adam ang kamatayan ay makapapasok din sa sanglibutan. Hindi lamang si Adam ang mapipinsala sa kanyang kasalanan kundi pati rin lahat ng kanyang mga supling. Ang buong sangkatauhan ay kasama ni Adam na masasadlak sa kasalanan at kamatayan. (Roma 5:12)

TAKDANG PASIYA AT PAUNANG KAALAMAN NG DIOS

Alam ng Dios ang lahat ng mangyayari - bago pa man mangyari ang mga ito - mula simula hanggang wakas, nguni't paano at bakit?

Sa Apocalipsis 13:8 ay tinukoy ang Panginoong Jesu-Cristo bilang ang "Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan".


Isinulat naman ni Apostol Pedro ang ganito: "Na inyong nalalamang kayo'y tinubos hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang; kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, samakatuwid baga'y ang dugo ni Cristo: na nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan, ngunit inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo" (1 Pedro 1:18-20).

[Nota: Ang terminong isinalin na "itatag" ay KATABOLE sa orihinal na Kasulatang Griego. Bibigyan namin ng bukod na detalyadong pagtalakay ito sa ibang mga artikulo ng 'blog' na ito kung loloobin ng Panginoon. Abangan!]

Pansinin na sa dalawang huling sitas na nabanggit ay malinaw na inihahayag na ang kamatayan ng Panginoong Jesu-Cristo sa krus ng Calvario, bilang Cordero ng Dios, ay hindi isang aksidente!!!

Sa isipan at layunin ng Dios ay Siya na noon pa man ang "Cordero na pinatay" -- buhat pa kailan ito? Pansinin, hindi 'buhat nang siya'y hatulan ni Poncio Pilato', hindi rin 'buhat nang Siya'y ipako sa krus' o 'buhat nang Siya'y malagutan ng hininga', kundi -- "BUHAT NANG ITATAG ANG SANGLIBUTAN"!!! (Apocalipsis 13:8)

Siya ang "CORDERO NA PINATAY BUHAT NANG ITATAG ANG SANGLIBUTAN". 

Kailan ba iyong  "buhat nang itatag ang sanglibutan"???

Kaibigan, tumutukoy iyan doon sa sandaling hindi pa nilalalang ang kasalukuyang langit at lupa!! Tumutukoy iyan doon sa sandaling hindi pa nilalalang ang unang taong si Adam!!!

Ibig sabihi'y wala pa si Adam at wala pa ang problema ng kasalanan na dadalhin niya sa atin at sa sanglibutan ay nauna na sa isipan at layunin ng Dios na Makapangyarihan sa lahat ang solusyon -- ang kamatayan ni Cristo - ang Cordero ng Dios - sa krus!!!

Hindi pa dumarating ang problema ay nasa harapan na ng Dios na Marunong sa lahat ang solusyon!!! Ang solusyon na iyan ay si Cristo na Kaniyang Anak ng pag-ibig!!!

Iyan din ang sinasabi ni Apostol Pedro kaya nga isinulat niya na si Cristo, bilang Corderong walang kapintasan at walang dungis ay "nakilala nga nang una bago itinatag ang sanglibutan" (1 Pedro 1:19-20).

"Siya, na ibinigay sa TAKDANG PASIYA at PAUNANG KAALAMAN ng Dios, kayo" -- tumutukoy sa mga Judio na kausap ni Pedro noong araw ng Pentecostes -- "sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tampalasan ay inyong ipinako sa krus at pinatay" (Gawa 2:23) 

Pansining ang takdang pasiya ng Dios ay naunang binanggit ng apostol bago ang paunang kaalaman ng Dios. Napakahalaga nito sapagka't dito'y ipinakikita na ang pagkapako at pagkamatay ng Panginoong Jesu-Cristo sa krus ay hindi isang aksidente, kundi takdang pasiya mismo ng Dios, gaya ng Kaniyang nilayon at pinlano bago pa itinatag ang sanglibutan!!!

Balikan natin ngayon ang ating naunang katanungan --

HINDI NGA BA NAMATAY SI ADAM 
NANG MISMONG ARAW NA SIYA'Y MAGKASALA?

Para sa kasagutan ay muli nating tingnan ang sinasabi ng Banal na Kasulatan. Matapos magkasala si Adam at si Eva ay mababasa natin: "At nadilat kapuwa ang kanilang mga mata, at kanilang nakilalang sila'y mga hubad; at sila'y tumahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panapi." (Genesis 3:7)


Ito ang pagtatangka ng taong nahulog sa kasalanan na solusyonan ang kaniyang problema sa pamamagitan ng sarili niyang inimbentong pamamaraan.


Ang kanilang naranasang hubad na kalagayan matapos magkasala ay tinangka nilang solusyonan ng sariling damit ng katuwirang ginawa nilang sarili.


Nguni't makasasapat ba ang sarili nilang pamamaraan at sarili nilang mga gawa upang sila'y muling makaharap sa Dios? Makatatakip kaya ang kanilang panaping ginawa sa harap ng Dios na nakasasaliksik maging sa mga saloobin at mga kaisipan ng puso?


"At narinig nila ang tinig ng Panginoong Dios na lumalakad sa halamanan sa kulimlim ng araw: at nagtago ang lalake at ang kaniyang asawa sa harapan ng Panginoong Dios sa pagitan ng mga punong kahoy sa halamanan. At tinawag ng Panginoong Dios ang lalake at sa kaniya'y sinabi, Saan ka naroon?


"At sinabi niya, Narinig ko ang Iyong tinig sa halamanan, at ako'y natakot, sapagka't ako'y hubad; at ako'y nagtago." (Genesis 3:8-10)


Pakiramdam ni Adam ay hubad pa rin siya kahit suot na niya ang panaping gawa ng sariling kamay! Bakit? Ganito ang sabi sa Hebreo 4:13 bilang sagot: "At walang anomang nilalang na hindi nahahayag sa Kaniyang paningin: nguni't ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa harapan ng mga mata Niyaong ating pagsusulitan." Hubad at hayag ang lahat ng nilalang sa paningin ng Dios.


Sa Isaias 59:6 ay mababasa: "Ang kanilang mga bahay gagamba ay hindi magiging mga kasuutan, o magsusuot man sila ng kanilang mga gawa: ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang kilos ng karahasan nasa kanilang mga kamay."


Dito'y itinulad lamang sa 'bahay-gagamba' o mga sapot ang mga gawang nais sana ng taong gamitin upang pagtakpan ang kaniyang kasalanan. Nguni't napakanipis ng mga sapot ng gagamba upang makasapat na gawing kasuutan ng tao. Sapot lang ng gagamba ang katulad ng ipinagmamalaki nating mga gawa sa paningin ng Dios. Paano tayong makaaasa rito upang maging katanggap-tanggap sa paningin Niya?


Hindi kataka-taka na sinabi naman ni propeta Isaias: "Sapagka't kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin." (Isaias 64:6)


Pansinin ang paggamit ni Isaias ng mga panghalip (o pronouns) na "kami", "namin", at "amin". Bagama't isa siyang propeta at lingkod ng Dios ay ibinilang niya ang sarili niya sa paglalarawan sa kalagayan ng tao sa kasalanan. Hindi niya sinabing "silang lahat ay naging parang marumi, atbp.", kundi "kaming lahat" -- kasama ang sarili niya -- "ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi, atbp."


"Gaya ng nasusulat, Walang matuwid, wala, wala kahit isa...Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios" (Roma 3:10, 23).


ANG DAKILANG BIYAYA NG DIOS


Matapos ang bigong pagtatangka ni Adam at ng kaniyang asawa na pagtakpan ang kanilang kasalanan sa harap ng Dios ay ganito ang ginawa ng Dios: "At iginawa ng Panginoong Dios si Adam at ang kaniyang asawa ng mga kasuutang balat at sila'y dinamitan." (Genesis 3:21)


Pinalitan ng Dios ang panaping igos na gawa ng tao ng kasuutang yari sa mga balat na ang Dios mismo ang gumawa! Ang hindi kayang ipagkaloob ng makasalanang tao sa sarili niya ay ang Dios ang nagkaloob sa pamamagitan ng Kaniyang dakilang biyaya!


Sa orihinal na Hebreo ang terminong isinaling "mga kasuutang balat" ay tumutukoy sa mga kasuutan o damit na yari sa mga balat ng hayop. Ihambing ang iba pang paglitaw ng salitang "balat" (gohr) sa mga sumusunod -- Genesis 27:16; Exodo 25:5; 26:14; 35:23; Bilang 31:20.


Namatay ba si Adam nang mismong araw na magkasala siya? Ang sagot ay 'Oo' at 'Hindi'!


'Oo', sapagka't sa lugar niya at ng kaniyang asawa ay nabuwis ang mga buhay ng mga sakripisyong hayop na ang mga balat ay nagsilbing kasuutan nila mula sa mga kamay ng Dios! (Isaias 61:10)

Ang bago nilang mga kasuutang yari sa mga balat ng hayop ang ebidensiya ng kamatayang nangyari nang mismong araw ng kanilang pagkakasala...kamatayang hindi sana nangyari sa mga inosenteng sakripisyo kung hindi dahil sa kanilang agarang pangangailan resulta ng kanilang kasalanan.


Ibig sabihin nito'y may ibang namatay para sila ay mabuhay!


Hindi ba't ang prinsipyong ito ay totoo rin sa atin sa araw-araw nating buhay? May ibang namamatay para tayo mabuhay! May ibang isinasakripisyo ang buhay para madugtongan naman ang buhay natin!


Halimbawa, hindi ba't sa bawat butil ng bigas o trigo na ginagawang kanin o tinapay ay may daan o libong uhay ang kinikitil upang ang bunga ay maibigay sa atin? Mahilig ka ba sa 'fried chicken'? O kaya'y sa 'hamburger' o sa iba pang tulad nito? Huwag mong kalimutang may buhay na nabubuwis at nasasakripisyo para ang laman ng mga nabanggit na buhay ay magawang 'fried chicken' o 'humburger' o 'beef steak' o iba pa na nagsisilbing pagkain na pangdugtong sa buhay mo!!

Huwag nga nating pagtakhan na sa walang kapantay na kapangyarihan at karunungan ng Dios ay sinimulan na Niyang ituro ang prinsipyong ito sa simula pa ng kasaysayan ng tao. Ang iba'y kinakailangang mamatay at maisakripisyo para naman ang iba ay mabuhay!

Ito ang kasagutan sa ating katanungan. Si Adam at ang kaniyang asawa ay namatay nang mismong araw na sila'y magkasala sa pamamagitan ng mga sakripisyong naging kahalili nila sa paningin ng Dios na kanilang pinagkasalaan.


Nguni't sa kabilang banda ay totoo rin na nabuhay pa si Adam hanggang umedad siya ng 930 taon. Nadugtungan pa ang buhay niya dahil sa buhay ng iba na ibinuwis ng Dios sa halip ng buhay ni Adam.


Nguni't maging ang mga hayop na isinakripisyo mula pa roon sa Eden (Genesis 3:21) at ipinagpatuloy na isakripisyo sa panahon ni Abel (4:4) at ng iba pang mananampalataya sa salita ng Dios, lahat ng mga sakripisyong tupa at mga hayop na ito ay malabong anino lamang ng tunay na nasa layunin ng Dios para sa ganap na katugunan sa pangangailangan ng tao: si Jesu-Cristo.


Ito ang ibig sabihin na ang Panginoong Jesu-Cristo ang Cordero na pinatay buhat ng itatag ang sanglibutan (Apocalipsis 13:8). Doon pa man sa paggawa ng Dios ng mga kasuutang balat na ibinihis Niya sa nagkasalang unang tao ay inilalarawan na Niya ang mangyayaring pag-aalay ng buhay ng Kaniyang Anak na si Jesu-Cristo para sa ating mga kasalanan.


Ang Panginoong Jesu-Cristo nga ang Cordero ng Dios na nag-aalis ng kasalanan ng sanglibutan (Juan 1:29)!!!

"Datapuwa't ipinagtatagubilin ng Dios ang Kaniyang pag-ibig sa atin, na nang tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay dahil sa atin." (Roma 5:8)

"Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas" -- Sino-sino? Ang mga relihiyoso ba? o Ang mga banal? o Ang mga miyembro ng 'iglesia' o ganong 'church' o 'fellowship'? o Ang mga matuwid? o Ang masipag sa pag-iikapu at pagka-kawanggawa? MALI LAHAT ang ganyang sagot!!!


Ito ang aktuwal na nakasulat sa Banal na Aklat: "Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangulo sa mga ito" (1 Timoteo 1:15)

Sa liwanag ng kinasihang salita ng Dios at ng Kaniyang walang hanggang pag-ibig na inihayag Niya sa pamamagitan ni Cristo ay panahon na upang ibasura natin ang paniniwala sa dogma ng walang katapusang impierno! Ang doktrinang iyan na niluto ng diablo ay malaking paglibak sa pangalan ng Dios.


MGA MALING PANINIWALA

May mga naniniwala na ang 'dios' ay makapangyarihan gaya ng isang di matitinag na hari, nguni't pinili niyang ibigin at paboran ang ilan lang sa mga paborito niya, habang ang nakararami ay nilampasan niya at itinalaga niyang mapahamak sa walang katapusang impierno. Walang hanggan daw ang kapangyarihan ng 'dios' pero limitado lang ang pag-ibig niya sa mga hinirang (elect). Ito ang tradisyonal na paniniwala ng Augustiniasmo, Calvinismo, at iba pang sistema ng makalamang teolohiya.

Ang nabanggit ang dahilan kaya marami ang naniniwala na ang 'dios' ay malupit, 'biased', may paboritismo, at masahol pa kay Hitler sa pagka-sadista. Ang ganyang 'dios' nga ng Tradisyon ay karapat-dapat itakuwil. Iyan ang 'dios' na niluto sa sindak at pamahiin. Ang 'dios' ng nakararaming mga bulag na Fariseo, mga prayle, mga legalista, at mga moralista. Ang 'dios' ng mga panatiko.

Hindi iyan ang Dios at Ama ng Panginoong Jesu-Cristo na nagkaloob sa atin ng mabuting balita ng Kaniyang biyaya.

May mga naniniwala namang ang 'dios' ay pag-ibig, nguni't ang problema ay limitado naman ang kanyang kapangyarihan. Gusto-gusto niyang iligtas ang sangkatauhan, nguni't wala siyang magawa pag tinanggihan siya ng tao sa paggamit daw ng tao ng malayang kalooban ('free will').

Kaya hahayaan na lang daw ng 'dios' na ito na mabulid ang maraming tao sa walang hanggang impierno sapagka't iyon daw ang gusto ng tao. 'Helpless' ang 'dios' na ito. Talunan ang 'benevolent will' niya ng 'free will' ng tao.

Ito ang 'dios' ng Pelagianismo, Arminianismo, at iba pang ganyang sistema ng paniniwala. Siya ay talo ng mas makapangyarihang 'free will' ng tao. Wala siyang magawa para tutulan ang 'free will' ng tao. Inutil ang ganyang 'dios' at hindi karapat-dapat sa pagsamba at respeto ng sinoman.

Ako ay may tatlong taong gulang na anak. May mga pagkakataong  ang 'free will' ng anak ko ay nagpapasyang gumawa ng mga kapilyuhang makapipinsala sa kaniya. Mga bagay na hindi alam ng musmos kong anak na makasasama sa kanya at maaari pa niyang ikamatay.

Halimbawa ng mga gusto sana niyang gawin ay pagtalon sa mataas na bintana, o pag naliligo sa ilog sa panahon ng outing ay ang kagustuhang lumusong sa malalim na bahagi ng tubig nang solo at walang solbabida!

Gusto niya ring uminom ng mga 'high dose medicine capsules' na nakikita niyang iniinom naming matatanda. Lahat iyan ay nasa 'free will' niyang gawin!

Ngayon pinapayagan ba namin na ang 'free will' niya'y laging masunod kontra sa aming 'parental will'. Aba, hindi aaah!!! Matagal na sana siyang nalumpo, o nabulag, o kaya'y namatay kung hinahayaan naming laging masunod ang 'free will' niya!!!

'Bili mo akong ice cream, Pa!'

Ok, lang yun basta busog siya't may pera. Yes, sa 'free will' niya.

'Pa, gusto ko ubosin buong bottle ng vitamin, sarap eh!'

No, sa 'free will' niya ngayon siyempre. Overdose siya sa vitamin kung hayaan siya sa 'free will' niya. Ang alam lang niya masarap yung vitamin (orange flavor kasi). Pero hindi pa niya unawang lubos na may tamang dosage yun. 1 teaspoon a day lang.

See, mali na ang lahat ng gusto ng 'free will' ay pinapayagan o sinusunod.

"O anong tao sa inyo, ang kung siya'y hingan ng tinapay ng kaniyang anak, ay bato ang ibibigay; o kung siya'y hingan ng isda, ay bibigyan niya ng ahas? Kung kayo nga, bagaman masasama ay marunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit na magbibigay ng mabubuting bagay sa nagsisihingi sa Kaniya?" (Mateo 7:9-11)

Mabubuting bagay lang ang ibinibigay ng Dios. Yung alam Niyang makatutulong at makabubuti sa atin. Marunong din Siyang magsabi ng 'Hindi' kung sa tingin Niya'y hindi makabubuti ang gusto ng ating 'free will'. (tingnan halimbawa ang Exodo 33:20 at ang konteksto)

Maaari Niya tayong hadlaan sa mga mali nating kagustuhan na maaaring makapinsala sa atin (tingnan halimbawa ang istorya ni Jonas (Jonas kapitulo 1-4).

Tingnan din ang istorya ni Saulo na gustong lipulin ang iglesia ng Panginoon, at kung paanong hinadlangan at iniligtas ng Panginoong Jesu-Cristo itong si Saulo sa kaniyang 'free will' na mapangwasak (Gawa 9:1-22).

BALANSENG PANANAW AYON SA SALITA NG DIOS

Ang Dios ang Makapangyarihan sa lahat (Apocalipsis 1:8; Roma 1:20).

Ang Dios ay pag-ibig (1 Juan 4:16).

Parehong totoo ang dalawang nabanggit. Ang pagiging makapangyarihan sa lahat at pagiging pag-ibig ay likas sa Dios, kung paanong ang pagiging banal, matuwid, walang pagkasira, marunong sa lahat, at walang hanggan ay katutubo rin sa esensiya Niya.

Ang mga kakanyahan at mga katangiang ito ng Dios ay iisa gaya ng kung paanong ang liwanag ay iisa. Bagama't totoo na ang iisang liwanag kung padadaanin sa isang prism ay maaaring mahayag bilang iba't ibang kulay ng bahaghari (o rainbow), gayon pa ma'y nananatili itong iisa. Tulad ng liwanag ang Dios ay iisa nguni't sa prism ng Kaniyang salita ay ipinakikilala Siya sa atin sa sari-sari Niyang mga katangian nguni't Siya'y iisa pa ring kataas-taasang Dios!

Wala kung gayong kontrahan ang mga katangian ng iisang Dios kung paanong ang sari-saring kulay ng iisang liwanag na nahahayag sa bahaghari (rainbow) ay walang kontrahan sa isa't isa! Ang asul ay hindi kontra sa pula, hindi rin kontra ang berde sa dilaw, atbp., kundi sila'y nagkakaisang ekspresyon ng bahaghari.

Hindi kung gayon maaaring magkontrahan ang kapangyarihan at pag-ibig ng Dios (at vice versa), pagka't ang mga ito'y parehong walang hanggan kung paanong ang Dios sa Kanyang kalikasan ay walang hanggan.

Sa sistemang Augustinianismo/Calvinismo ay ginawang walang hanggan ang kapangyarihan ng Dios, nguni't limitado naman ang Kaniyang pag-ibig. Ang pananaw na ito ay napakamali at depektibo.

Sa kabilang panig naman ay ang sistemang Pelagianismo/Arminianismo na ginawang walang hanggan ang pag-ibig ng Dios nguni't mahina at talunan naman ng 'free will' ng tao. Ito rin ay paniniwalang napakabaluktot at mali.

Ang tunay na Dios ng mga propeta at mga apostol -- ang Dios ng Banal na Kasulatan -- ay Dios ng walang hanggang pag-ibig at walang hanggang kapangyarihan!!!

Siya ang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan (1 Timoteo 2:3-4), at ito nga'y Kaniyang matagumpay na maisasakatuparan pagka't nasa Kaniya ang sapat na kapangyarihan upang mabigyang kaganapan ang walang sukat na layunin ng Kaniyang pusong nag-uumapaw sa pag-ibig sa bawa't isa sa atin!!!

                                            (Itutuloy)

Friday, July 9, 2010

Ang Katotohanan Tungkol sa 'Impierno' (Ika-2 Bahagi)

Ang tao ay nilalang ng Dios ayon sa Kaniyang wangis at sariling larawan (Genesis 1:26-27). Ang larawang ito sa kaniyang pinaka esensiya ay espirituwal at hindi pisikal (Efeso 4:24; Colosas 3:10), sapagka't "ang Dios ay espiritu" sa Kaniyang kalikasan (Juan 4:24).

Ang detalye ng paglikha ng Dios sa tao ay inilalarawan sa Genesis 2:7: "At nilalang (literal, inanyuan) ng PANGINOONG Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay."

Pansinin na ang tao mismo ay direktang binigyang-anyo ng Panginoong Dios sa alabok ng lupa. Ang salitang isinaling "nilalang" ay "inanyuan" ang literal na kahulugan sa orihinal na Hebreo. Ang Dios ay inilalarawan ng naturang salita gaya ng isang magpapalyok na Siyang nagbigay-anyo sa tao: "Nguni't ngayon, Oh Panginoon, Ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik (luwad), at Ikaw ay Magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng Iyong kamay." (Isaias 64:8)

Ang pisikal na katawan, na yari sa alabok ng lupa, kung gayon ay hindi isang pandagdag lamang na sangkap ng tao. Ang kayarian ng tao, bagama't nakasalig sa espirituwal na sangkap niya na nilalang sa larawan ng Dios, ay hindi maaaring ihiwalay sa kaniyang materyal na kayariang mula sa lupa.

Ito ang dahilan kung bakit sinabi ni Abraham: "Narito, ngayo'y nangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang." (Genesis 18:27) Tulad din nito ang sinabi ni Job: "Ang Iyong mga kamay ang siyang lumalang at nagbigay anyo sa akin sa buong palibot...Iyong alalahanin, isinasamo ko sa Iyo, na ako'y Iyong binigyang anyo na gaya ng putik (luwad); at iuuwi Mo ba ako uli sa pagkaalabok?" (Job 10:8-9) Inihayag din ni David ang ganito: "Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa Kaniya. Sapagka't nalalaman Niya ang ating anyo; Kaniyang inaalaala na tayo'y alabok." (Awit 103:13-14)

KALULUWANG MAY BUHAY

Malinaw sa Genesis 2:7 na ang tao ay binubuo ng dalawang pangunahing sangkap. Ang tao mismo ay mula sa alabok ng lupa (unang sangkap). Pagkatapos ay hiningahan ng Panginoong Dios ang taong hinugis mula sa alabok ng lupa ng hininga ng buhay (ikalawang sangkap), ayon pa rin sa Genesis 2:7. Ang resulta ng pagsasama ng dalawang sangkap na ito - ng alabok at ng hininga ng buhay - ay ito: "at ang tao ay naging kaluluwang may buhay."

Pansinin ang mga sumusunod na napakahalagang katotohanan:

Una sa lahat, bigyang pansin na hindi sinabing 'ang tao ay nagkaroon ng kaluluwang may buhay,' kundi ang nakasulat ay 'ang tao (mismo) ay naging kaluluwang may buhay.' Ang tao kung gayon ay hindi lamang may kaluluwa, kundi siya mismo ay kaluluwa o 'nephesh' sa orihinal na Hebreo. Ibig sabihi'y may buhay at may kamalayang nilalang ('a living and conscious being' sa Inggles).

Ikalawa, pansinin din na hindi sinabing 'ang tao ay naging kaluluwang imortal', kundi ang aktuwal na sinabi ng Biblia ay 'ang tao ay naging kaluluwang may buhay'. Sa Inggles: hindi 'immortal soul' kundi ayon sa Kasulatan ay 'living soul'.

Ikatlo, hindi rin sinabing 'at ang tao ay dati nang kaluluwang may buhay,' kundi ang aktuwal na inihayag ng Kasulatan ay 'at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.' Malinaw kung gayon na ang tao matapos hugisin ng Dios mula sa alabok ay wala pang buhay sa simula. Ang tao ay naging kaluluwang may buhay lamang matapos na hingahan ng Dios ng hininga ng buhay. Ang buhay kung gayon ay direktang kaloob ng biyaya ng Dios sa tao. "Yamang Siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay." (Gawa 17:25)

ANG KABAYARAN NG KASALANAN AY KAMATAYAN

Matapos na lalangin ng Panginoong Dios ang unang tao at mailagay sa inihandang tahanan doon sa Eden ay iniutos Niya sa tao ang ganito: "Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka." (Genesis 2:16-17)

Ano raw ang magiging parusa pagka nilabag ng tao ang utos ng Panginoong Dios? Sinabi ba ng Dios na 'sa araw na ikaw ay kumain niyaon (ng ipinagbabawal na prutas) ay walang pagsalang mabubulid ka sa walang hanggang impiyerno'? Sinabi ba Niya sa unang tao na 'sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang pahihirapan ka ng walang katapusang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno'? May nabanggit ba ang Dios kay Adan na impiyernong walang hanggan o kaya'y purgatoryo?

Ano ang aktuwal na nakasulat sa Banal na Kasulatan? Ulitin nating muli ang pagsipi: "Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka ng may kalayaan: datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka." (Genesis 2:16-17)

Hindi ba't malinaw, ayon na mismo sa mga salita ng Panginoong Dios, na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan - "walang pagsalang mamamatay ka." Malinaw kung gayon na ang dogma at doktrina ng Tradisyon tungkol sa impiyernong walang katapusan ay isang guni-guni lamang na walang anomang batayan sa aktuwal na mga salita ng Dios. Di kataka-taka na sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo sa mga eskriba't Fariseo: "Dahil sa inyong minanang turo (tradisyon), niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Dios." (Mateo 15:6, TPV)


Nguni't maaaring itanong ng iba, ano ba ang ibig sabihin ng Dios ng wikain Niya kay Adan - "sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka"? Ano ba sa pakahulugan ng Dios ang kamatayan?

Hayaan nating ang Panginoong Dios mismo ang magpaliwanag sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang aktuwal na mga salita. Ganito ang naging pahayag ng Dios matapos na magkasala si Adan: "Sapagka't iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punong kahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon; sumpain ang lupa dahil sa iyo; kakain ka sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapagal sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; ang isisibol niyaon sa iyo ay mga tinik at mga dawag; at kakain ka ng pananim sa parang; Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang ikaw ay mauwi sa lupa; sapagka't diyan ka kinuha: sapagka't ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi." (Genesis 3:17-19)

Di ba't malinaw na sa mismong paliwanag ng Panginoong Dios ay pag-uwi sa alabok ang kahulugan ng kamatayan at hindi ang kahirapang walang katapusan sa kung tawagi'y impiyerno ng Tradisyon?

Narito ang iba pang ebidensiya mula sa kinasihang Kasulatan: "Kung Kaniyang ilagak ang Kaniyang puso sa tao, kung Kaniyang pisanin sa Kaniyang sarili ang kaniyang espiritu at ang kaniyang hininga; tanang laman ay mamamatay, at ang tao ay mababalik uli sa alabok." (Job 34:14-15)

"Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo. Ang hininga niya ay pumapanaw, siya'y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay mawawala ang kaniyang pag-iisip." (Awit 146:3-4) Pamuli ang kamatayan sa sitas na ito ay nangangahulugan, hindi ng walang katapusang paghihirap sa impiyerno ng Tradisyon, kundi ng panunumbalik ng tao sa pagkalupa. Pansinin ding sa araw ding yaon - o sa araw ng kamatayan - ay nawawala ang pag-iisip ng taong namamatay. Ang pagkawala na ito ng pag-iisip ay tumutukoy sa pagpasok ng namatay sa kalagayan ng kawalang malay ('unconsciousness').

Sa dahilang ito ay sinabi rin sa itaas: "Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo..." Sa Dios lamang na makapangyarihan sa lahat at Siyang tanging walang kamatayan matatagpuan ang tunay na saklolo! Sa mortal na tao, maging siya ma'y prinsipe o isang pinuno, ay walang tunay na saklolo, pagka't lahat ay namamatay din sa bandang huli. Ang kataas-taasang Dios lamang ang tanging walang kamatayan!

"At ang alabok ay mauuwi sa lupa gaya ng una, at ang diwa (espiritu) ay mababalik sa Dios na nagbigay sa kaniya." (Ecclesiastes 12:7)

ANG PATOTOO NG KASULATANG GRIEGO (O 'BAGONG TIPAN')

Tulad din niyan ang turo ng Panginoong Jesu-Cristo: "Nang panahon ding ngang yaon ay nangaroon ang ilan, na nagsipagsabi sa Kaniya tungkol sa mga Galileo, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa mga hain nila. At Siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Inaakala baga ninyo na ang mga Galileong ito ay higit ang pagkamakasalanan kay sa lahat ng mga Galileo, dahil sa sila'y nangagbata ng mga bagay na ito? Sinasabi Ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan. O yaong labingwalo, na nalagpakan ng moog sa Siloe, at nangamatay, ay inaakala baga ninyo na sila'y lalong salarin kay sa lahat ng taong nangananahan sa Jerusalem? Sinasabi Ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan." (Lucas 13:1-5)

Dalawang trahedya ang binanggit dito ng Panginoon. Una ay ang walang awang pagpatay ('massacre') na ginawa ni Pilato sa mga Galileo ng panahong iyon. Inihalo pa ni Pilato ang kanilang mga dugo sa dugo ng kanilang mga hain.

Ang ikalawang trahedya ay patungkol naman sa labingwalong katao na nalagpakan ng moong sa Siloe at nangamatay. Ayon na rin sa Panginoon ay huwag iisipin ng mga taga-Jerusalem na kaya sinapit ng mga nabanggit ang ganyang kakila-kilabot na kamatayan ay dahil sa kanilang labis na pagkamakasalanan. Malibang kayo'y mangagsisi, dagdag pang sabi ng Panginoon, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.

Malaki nga namang pagkakamali at kapalaluan na isipin natin, pagka may ganyang mga malagim na kamatayan, na kaya sinasapit ng iba ang ganyang paraan ng kamatayan ay dahil sa mas higit ang pagkamakasalanan nila kaysa atin. HINDI, sabi ng Panginoon, malibang kayo'y magsisi ay ganyang uri ng kamatayan din ang inyong sasapitin. Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23).

"Muli ngang sinabi Niya sa kanila, Yayaon Ako, at Ako'y inyong hahanapin, at mangamamatay kayo sa inyong kasalanan: sa Aking paroroonan, ay hindi kayo mangakaparoroon...Sinabi Ko nga sa inyo, na kayo'y mangamamatay sa inyong mga kasalanan: sapagka't malibang kayo'y magsisampalataya na Ako nga ang Cristo, ay mangamamatay kayo sa inyong mga kasalanan." (Juan 8:21, 24) Malinaw na kasalanan ang sanhi ng kamatayan ng tao. Gayon pa ma'y isang malaking pagkakamali naman na dagdagan ninoman ang salita ng Dios, at sabihing 'impiernong walang katapusan ang kaparusahan sa kasalanan'.

"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan..." (Roma 6:23) Pansinin na hindi rito sinabi ng apostol Pablo, 'sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kahirapan sa impiyernong walang katapusan,' kundi ang aktuwal niyang isinulat ay "sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan," gaya rin ng sinabi ng Dios doon sa Genesis kay Adan.

Kung kamatayan ang malinaw na sinasabi ng salita ng Dios na kabayaran ng kasalanan ay bakit sinasabi naman ng Tradisyon at ng mga sekta na  impiernong walang katapusan ang kabayaran? Saan ba nanggaling ang ideyang ito? May impierno ba talagang walang katapusan? Saan nanggaling ang katuruang ito tungkol sa walang hanggang impierno?

(Itutuloy)

Tuesday, June 8, 2010

Ang Katotohanan Tungkol Sa 'Impierno'

Minagaling ng Dios na ang orihinal na mga Kasulatan ay masulat sa wikang Hebreo, Aramaico at Griego. Marami sa mga salitang ginagamit ngayon sa wikang Inggles, Pilipino at iba pang mga wika ay direktang halaw sa tatlong nabanggit na wika na ginamit sa pagsulat ng orihinal na Kasulatan.

Kabilang mga salitang direktang hiniram sa Hebreo ay ang mga sumusunod: Mesias, amen, aleluyah, kerubin, satan[-as], sabbath, faraon, kamel[-yo], atbp. Ito naman ang ilang halimbawa ng mga terminong hiniram sa wikang Griego: Cristo, sinagoga, demonyo, apostol, bautismo, evangelio, atbp.

Napakahalaga sa wastong ikauunawa ng mga salitang ito ang masusing pagsusuri ng kanilang kagamitan ("usage") sa loob mismo ng Banal na Kasulatan. Napakahalaga rin na pag-aralang mabuti ang kontekstong kinaroroonan ng mga terminong ito sa Kasulatan. Laging pinagmumulan ng napakalaking pagkakamali ang pag-aalis ng anumang versiculo o salita sa kanilang kinabibilangang konteksto.

Ang wala sa konteksto ("out-of-context") na pagsitas ng mga versiculo at mga salita sa Kasulatan ay nagreresulta sa maling pagkaunawa at pakahulugan.

Napakahalaga rin ang tugmaan at konsistenteng pagsasalin ("concordant & consistent translation"). Ibig sabihi'y hindi dapat na labo-labo ang pagkakasalin. Ang labo-labong pagsasalin ay nagreresulta sa pagkalito at pagkaligaw ng unawa ng bumabasa.

HALIMBAWA NG LABO-LABONG PAGSASALIN

Sa tradisyunal na mga sekta at denominasyon ng Cristianismo ay laganap ang paniniwala sa kung tawagi'y "walang hanggang impierno". Alam mo ba na ang dogma ng Simbahan tungkol sa 'impierno' ay hindi matatagpuan sa orihinal na Kasulatang Hebreo at Griego (mas kilala sa katawagang 'Matanda at Bagong Tipan')?

1. Sa Kasulatang Hebreo (Matandang Tipan) ay mababasa ang salitang "Sheol". Animnapu't limang (65) beses na ginamit sa 'Matandang Tipan' ang naturang salita. Sa Saling Inggles na King James Version (KJV) ay 31 beses ito na isinaling "hell" (katumbas ng "impierno" sa Tagalog) at 31 beses ding "grave" (= libingan), at 3 beses na "pit" (= hukay).

Sa Tagalog Old Version Bible (TOVB) ay isang paglilipat-baybay ('transliteration') ang ginawa ng mga nagsalin, at ang salitang "Sheol" din ang ginamit nila sa 65 ulit na paglitaw nito. Ang ganitong pagiging konsistente ng TOVB, kumpara sa KJV, ay malaking tulong sa mambabasa pagka't madali nilang makikita ang salitang "Sheol" sa TOVB.

2. Sa Kasulatang Griego naman ay ginamit ang salitang "Hades" ng sampung (10) ulit. Ito ay isinaling 'hell' (= impierno) sa KJV. [Sa ilang 'late manuscripts'ay mababasa rin sa 1 Corinto 15:55 ang "Hades", nguni't wala ito sa mga lumang manuskrito gaya ng p46, Codices B at Aleph at iba pang kahanay nito]. Konsistente rin ang pagkasalin sa TOVB, at "Hades" ang mismong ginamit.

3. Matatagpuan din ng 12 beses ang salitang "Gehenna" sa Kasulatang Griego ('Bagong Tipan'). Ito ay isinalin ding 'hell' (= impierno) sa KJV. Sa pagkakataong ito ay nahatak din ang TOVB ng tradisyunal na pananaw, at 'impierno' rin ang ginamit nitong termino para isalin ang salitang "Gehenna".

4. Sa Kasulatang Griego ay mababasa rin ng isang beses ang salitang "Tartaroo" (2 Pedro 2:4). Ito ay nangangahulugan sa literal na "ibinulid sa Tartaros". Nguni't ito ay isinalin ding 'hell' (= 'impierno') sa KJV at TOVB.

ILANG OBSERBASYON


Dapat na mapansin na ang kaisipang nakapaloob sa tradisyunal na aral tungkol sa "impiyerno" ay hindi matatagpuan sa Kasulatang Hebreo, Aramaico, at Griego.

Ang salitang "Sheol" sa Hebreo ay hindi nangangahulugan kailanman ng "impiyerno". Ito ay mula sa salitang ugat na "shaal" ("humingi"). Sa paggamit ng Kasulatang Hebreo ng "figure of speech" (o tayutay) na "Personification", ang "Sheol" ay itinutulad sa isang dambuhalang napakatakaw na walang kabusugan. Ito ay walang tigil sa paghingi ng mga taong malalamon nito sa kamatayan.

"Ang Sheol at ang kapahamakan ay hindi nasisiyahan kailanman; at ang mga mata ng tao ay hindi nasisiyahan kailan man." (Kawikaan 27:20, TOVB)

Sa pinagaan na Salin ng Magandang Balita Biblia ay ganito ang pagkakasalin: "Ang nasa ng tao ay walang kasiyahan, tulad ng libingan (Sheol), laging naghihintay."

Sa Kawikaan 30:15-16 ay mababasa pa ang ganito: "Ang linta ay may dalawang anak, 'Bigyan mo ako,' ang lagi nilang hiling. May apat na bagay na kailanma'y di masiyahan: Ang libingan (Sheol), ang babaing walang anak, ang lupang tuyo, laging ibig matigmak at ang apoy na naglalagablab." (TPV)

Sa mga versiculong ito ay malinaw na ang Sheol ay tumutukoy sa Libingan (o sa walang kamalayang kalagayan ng mga patay).

Narito ang ilan pang katibayan na ang "Sheol" ay walang iba kundi ang Libingan:
  • "Sapagka't sa kamatayan ay walang alaala sa Iyo; sa Sheol (libingan) ay sinong mangagpapasalamat sa Iyo?" (Awit 6:5) Pansinin na ginamit dito ang tambalang paralelismo (synonymous parallelism). Ang unang pangungusap na bumabanggit sa kamatayan bilang isang kalagayang doo'y di na maaalaala pa ang Dios ay lalong binigyang diin sa ikalawa sa pagsasabing sa Sheol (o libingan) ay sino kaya ang makapagpapasalamat pa sa Dios? Ang tanong na ito ay isang figura rin na humihingi ng sagot na negatibo.
  • "Huwag nawa akong mapahiya, Oh Panginoon; sapagka't ako'y tumawag sa Iyo: mapahiya nawa ang masama, magsitahimik nawa sila sa Sheol (libingan). Matahimik nawa ang mga sinungaling na labi..." (Awit 31:17-18) Malinaw na ang Sheol ay isang kalagayan ng pananahimik at hindi pag-iingay. Ang Sheol kung gayon ay hindi maaaring maging katumbas ng tradisyunal na "impiyerno" na doo'y hindi pananahimik ang kalagayan kundi pagpapalahaw, panaghoy na walang katapusan, at kaguluhang di natatapos ayon sa imahinasyon ng tao.
  • "Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan" (Awit 115:17). "Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayron pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pag-ibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon" - ibig sabihi'y nawala ngayong patay na sila - "ni wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang nagawa sa ilalim ng araw...Anomang masumpungang gawain ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagka't walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa Sheol (libingan), na iyong pinaparunan." (Ecclesiastes 9:5, 6, 10)
Isang malaking pagkakamali kung gayon ang pagpapakahulugan ng Tradisyon na ang Sheol ay tumutukoy sa isang lugar ng walang hanggang pagpapahirap at pagpaparusa - ang tinatawag sa karaniwang 'impierno'. Ang Sheol ay hindi tumutukoy sa isang literal na lugar kundi sa walang kamalayang kalagayan ng mga patay. Kaya nga sinasabi sa Aklat ng Ecclesiastes (o Mangangaral) na habang buhay pa ay dapat nang ganapin ang iyong gawain ng buong lakas at pagsisikap "sapagka't walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa Sheol (libingan), na iyong pinaparunan [pag namatay na]." (Ecclesiastes 9:10)

Kung wala nang gawa sa Sheol (o libingan) ay masasabi bang aktibo pa rin ang patay na naroon na sa kalagayang iyon? Kung wala nang katha sa Sheol ay puwede bang sabihing nagpaplano o may binabalangkas pa rin doon ang patay? Kung wala nang kaalaman sa Sheol ay tama bang sabihin na may kamalayan pa rin ang patay na naron? Kung wala nang karunungan sa Sheol ay wasto bang angkinin na gumagana pa rin at aktibo ang isip ng patay na naron?

Ganito ang sabi ng Panginoong Jesu-Cristo: "Kinakailangan nating gawin ang mga gawa Niyaong nagsugo sa Akin, samantalang araw [ibig sabihi'y habang buhay pa tayo]: dumarating ang gabi [tumutukoy sa panahong patay na tayo], na walang taong makagagawa." (Juan 9:4)

Itinutulad din ng Panginoon ang kamatayan sa pagtulog. Pansinin ang mga salita Niya: "...sinabi Niya sa kanila [sa mga alagad], 'Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't Ako'y paroroon, upang gisingin Ko siya sa pagkakatulog.' Sinabi nga ng mga alagad sa Kaniya, 'Panginoon, kung siya'y natutulog, ay gagaling siya.' Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita Niya ay ang karaniwang pagtulog. Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus, 'Si Lazaro ay patay [na].' " (Juan 11:11-14)

Pansinin na akala ng mga alagad ay "ang karaniwang pagtulog" ang tinutukoy ng Panginoon ng sabihin Niya sa kanila, "Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog". Nguni't sa ano ba patungkol ang mga salitang iyan ng Panginoon? Ayon na rin sa nabanggit na sitas ay "sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay [sa ibang salita'y, sa pagkamatay ni Lazaro]". At upang alisin ang ano pa mang natitirang pagdududa ay malinaw na Niyang sinabi: "Si Lazaro ay patay na".
    Malinaw kung gayon na itinulad ng Panginoon ang kamatayan sa pagtulog. Dalawa ang pangunahing dahilan kung bakit Niya ginawang magkatulad ang kamatayan at pagtulog. Una, sa pagtulog ay walang kamalayan sa nangyayari sa paligid ang isang natutulog, gayon din naman wala na ring kamalayan ang isang namatay. Ikalawa, pag may pagtulog mayron ding paggising, gayon din naman pagkatapos ng kamatayan ay susunod naman ang muling pagkabuhay (o resurrection).

    (Itutuloy)

    Wednesday, May 12, 2010

    Ang Biblia (Ikatlong Bahagi)

    May mga nagsasabi na nakasisira raw ng ulo o nakapagiging baliw ang pagbabasa ng Biblia o Banal na Kasulatan. Nguni't bakit ka naman maniniwala kaagad sa tsismis na iyan? Ang maniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili!

    Madali lang mapatunayan kung totoo bang nakasisira ng ulo ang pagbabasa ng Biblia. Una'y ang ipagtanong mo sa ospital ng mga baliw kung mayroon ba silang pasyente roong nabaliw dahil sa pagbabasa ng Biblia. Sige subukan mong gawin ang ganyang objektibong pagtatanong para malaman mo kung ano ang totoo. Mahirap kasi ang naniniwala lang sa mga haka-haka't maling akala.

    May maririnig kang nabaliw dahil sa iniwan ng kasintahan. Ang iba'y dahil sa nawalan ng trabaho o kaya'y dumanas ng matinding kabiguan. Mayroon pang nabaliw dahil sa namatayan ng isang mahal sa buhay. Pero mayron ka na bang aktuwal na nakitang nabaliw dahil sa pagbabasa ng Biblia?

    Sa Ikalawang Sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo ay mababasa ang ganito: "At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga Banal na Kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus." (2 Timoteo 3:15)

    Pansinin na, ayon sa talatang ito, ang mga Banal na Kasulatan sa halip na nakapagpapabaliw o nakapagpapabobo, ay NAKAPAGPAPADUNONG pa nga SA IKALILIGTAS sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus!

    Sa Awit 1:1-3 ay mababasa pa ang ganito: "Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak. Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng PANGINOON; at sa kautusan Niya ay nagbubulay-bulay siya araw at gabi. At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta; at anomang kaniyang gawin ay giginhawa."

    Dito naman ay inilalarawan ang taong matuwid. Bukod sa ang ganyang tao ay hindi lumalakad sa payo ng masama, ay sinasabi ring ang KANIYANG KASIYAHAN AY NASA KAUTUSAN NG PANGINOON at SA KAUTUSAN NIYA AY NAGBUBULAY-BULAY SIYA ARAW AT GABI. Ang ganitong tao, sa halip na sabihing siya'y malas at baliw, ay tunay na MAPALAD.

    Ang tao ring ito ay inihahambing sa isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng mga agos ng tubig. Ibig sabihi'y lahat ng kaniyang pangangailangan ay tinutustosan ng Panginoon, gaya ng kung paanong ang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng agos ng tubig ay hindi matutuyot kahit na panahon ng tag-init dahil may sapat itong supply ng tubig araw man o gabi.

    Gaya ng punongkahoy na nagbubunga sa kapanahunan ay gayon din ang taong matuwid ay magtataglay ng bunga ng Espiritu sa takdang panahon (Galacia 5:22-23) at anoman ang kaniyang gawin ay giginhawa o magiging matagumpay!

    Malinaw na ang ganyang tao ay pinagpala. Isang malaking kasinungalingan at panlilinlang ng diablo na sabihing nakababaliw ang pagbabasa ng Biblia!

    BAKIT IBINIGAY NG DIOS ANG BANAL NA KASULATAN?

    Para sirain ang ulo natin! Ooops! Maling sagot iyan.

    Bakit nga ba? Iyan ay upang baguhin ang ating maling pananaw at paniniwala. Iyan ay upang baguhin ang ating buhay, pag-uugali, at karakter!

    "Mapalad silang sakdal sa lakad, na nagsisilakad sa kautusan ng PANGINOON. Mapalad silang nangag-iingat ng Kaniyang mga patotoo, na nagsisihanap sa Kaniya ng buong puso." (Awit 119:1-2)

    Ang kautusan ay ibinibigay hindi lamang upang mapakinggan, kundi upang ito'y sundin at isagawa. Gawin nating halimbawa ang isang doktor na nagbigay ng mga reseta't tagubilin sa kaniyang pasyente. Pagkaraan ng isang buwan ay bumalik ang pasyente na hindi pa rin gumagaling sa kaniyang sakit. Sa halip ay lalo pa itong lumala!

    Ano kaya ang dahilan? Ang utos ng doktor ay tatlong beses sa isang araw dapat inumin ang gamot na reseta. Ang ginawa ng pasyente ay isang beses na pag-inom lamang sa isang linggo. Ang tagubilin ng doktor ay itigil ang paninigarilyo at ang pag-inom ng alak. Lalo pang dinoble ng pasyente ang dalas ng paninigarilyo at paglalasing. Kataka-taka bang siya'y lalo pang lumala sa halip na gumaling?

    Ang mga reseta't tagubilin ng doktor ay ibinigay hindi upang pakinggan lang at pagkatapos ay balewalain, kundi upang sundin at isagawa ang mga ito. Gayon din ang kautusan at mga salita ng Dios ay ibinigay upang sundin at ating ipamuhay.

    Ganito ang sabi ng Panginoong Jesu-Cristo: "Tinatawag ninyo akong Guro, at Panginoon: at mabuti ang inyong sinasabi; sapagka't ako nga. Kung ako nga, na Panginoon at Guro, ay naghugas ng inyong mga paa, kayo naman ay nararapat ding mangaghugasan ng mga paa ng isa't isa. Sapagka't kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo...kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay MAPAPALAD kung inyong mga gawin." (Juan 13:13-17)

    Pansinin na hindi sapat na malaman lang natin ang aral at turo ng Panginoon. "Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, kayo ay mapapalad kung inyong mga gawin."

    Ang mapakinggan at malaman natin ang aral at turo ng Panginoon ay HINDI nagpapaging mapalad sa atin. Magiging tunay na mapalad lamang tayo kung pagkatapos na ang mga ito'y ating mapakinggan at malaman ay ating ISAGAWA ang mga ito!

    Ang Biblia kung gayon ay ibinigay ng Panginoon sa atin hindi upang ito'y mapakinggan at malaman lang kundi upang baguhin ng lubusan ang ating buhay, pag-uugali at pagkatao!

    KONKLUSYON

    May mga nagbabasa ng Biblia upang gumaling sila sa pakikipagdebate. Mayroon namang iba na ang layunin ay magkaroon sila ng kapangyarihan. Ang iba naman ay pagyaman at pagkakaroon ng maraming pera ang motibo sa pagbabasa ng Kasulatan. Mayroon pang iba na ginagawang agimat ang Biblia para sila'y makakuha ng paghanga ng kapuwa tao.

    Ang ganitong mga layon sa pagbabasa ng Biblia ay pawang makasarili at liko. Walang pagpapala ng Dios sa ganyang uri ng masasamang motibo. Dapat nga sigurong masiraan na ng ulo o mabaliw ang mga taong ginagamit ang Biblia para sa makalaman at makasariling hangarin!

    Nais mo bang tunay na maging mapalad sa harap ng Dios? May isang paraan lang! Iyan ay kung babasahin mo't pag-aaralan ang Biblia - ang salita ng Dios - sa layong makilala ang Panginoon sa iyong buhay at upang Siya'y sundin, ibigin at paglingkuran!

    "Mapalad silang sakdal sa lakad, na nagsisilakad sa kautusan ng PANGINOON. Mapalad silang nangag-iingat ng Kaniyang mga patotoo, na nagsisihanap sa Kaniya ng buong puso." (Awit 119:1-2)

    Monday, March 15, 2010

    Ang Biblia (Ika-2 Bahagi)

    Ang Banal na Kasulatan ay hindi ibinigay ng Dios sa tao upang ang tao ay magkaroon lang ng mga impormasyon tungkol sa relihiyon, o mga patakarang nauukol sa mabuting pag-uugali, o para sa pagtatayo ng ganito't ganong sekta at organisasyon.

    Ang Kasulatan sa kabuuan nito ay may isang sentrong patotoo. Ganito ang sabi ng Panginoong Jesu-Cristo sa mga Judio nang unang siglo: "Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagPAPATOTOO TUNGKOL SA AKIN...

    "Huwag ninyong isiping Ako ang sa inyo'y magsusumbong sa Ama: may isang magsusumbong sa inyo, samakatuwid baga'y si Moises, yaong pinaglagakan ninyo ng inyong pag-asa. Sapagka't kung kayo'y nagsisisampalataya kay Moises, ay magsisisampalataya kayo sa Akin; sapagka't TUNGKOL SA AKIN siya'y sumulat.

    "Nguni't kung hindi kayo nagsisipaniwala s kaniyang mga sulat, ay paanong magsisisampalataya kayo sa Aking mga salita." (Juan 5:39, 45-47, TOVB)

    Maliwanag kung gayon na ang mga Kasulatan, pati na rin ang mga sinulat ni Moises (ang mga aklat ng Genesis, Exodo, Levitico, Mga Bilang, at Deuteronomio)ay pawang TUNGKOL SA PANGINOONG JESU-CRISTO nangasulat.

    Hindi tungkol sa isang sekta, o denominasyon, o relihiyon, o mga seremonya, o mga relihiyosong tuntunin ang Banal na Kasulatan. Ang sentrong patotoo ng Kasulatan ay TUNGKOL SA ISANG PERSONA. Ito'y pawang TUNGKOL KAY JESU-CRISTO.

    SI CRISTO JESUS LAMANG ANG NAG-IISANG PUNDASYON

    Ang kabiguan na maunawaan ang katotohanan na SI JESU-CRISTO ANG SENTRONG PAKSA ng Kasulatan ang ugat ng lahat ng sektarianismo, fanatisismo, at ng iba pang kamaliang tulad niyan.

    Ganito ang sabi ni apostol Pablo sa isa sa kaniyang mga sulat: "At kung ang aming evangelio ay natatalukbungan pa, ay may talukbong sa mga napapahamak: na binulag ng dios ng panahong ito [=Satanas] ang mga pag-iisip ng mga hindi nagsisisampalataya, upang sa kanila'y huwag sumilang ang kaliwanagan ng evangelio ng kaluwalhatian ni Cristo, na Siyang larawan ng Dios.

    Sapagka't hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus na Panginoon, at kami ay gaya ng inyong mga alipin dahil kay Cristo." (2 Corinto 4:3-5)

    Pansinin na: (1) Ang pagkakaroon ng talukbong sa isipan ang dahilan kung bakit ang evangelio ay hindi nauunawaan nang wasto nila na mga napapahamak. (2) Ang dios ng panahong kasalukuyan -- si Satanas -- ang bumubulag sa isip ng tao upang huwag sumilang sa kanila ang liwanag ng evangelio. (3) Nagagawa lamang ni Satanas ang pagbulag doon sa mga hindi nananampalataya sa evangelio.

    Pansinin din: (4) na HINDI ipinangangaral ni apostol Pablo at ng kaniyang mga kapuwa lingkod ang kanilang mga sarili. (5) Sa halip ay SI CRISTO JESUS MISMO ANG KANILANG AKTUWAL NA IPINANGANGARAL.

    "At ako mga kapatid, nang pumariyan sa inyo, ay hindi ako napariyan na may kagalingan sa pananalita o sa karunungan, na nagbabalita sa inyo ng PATOTOO NG DIOS. Sapagka't aking pinasiyahang walang maalamang anoman sa gitna ninyo, MALIBAN NA SI JESU-CRISTO, at SIYA NA NAPAKO SA KRUS." (1 Cor.2:1-2)

    Tandaan na ang wastong pangangaral ng evangelio ay nakasentro lamang sa Panginoong Jesu-Cristo. Huwad at bulaan ang sinomang ministro, pari, pastor, "preacher", atbp., na ang sentrong mensahe ay ang KANILANG SAMAHAN, SIMBAHAN, "FELLOWSHIP", IGLESIA, SEKTA, DENOMINASYON, "CHURCH", at iba pang tulad nito.

    Naliligaw din ng landas ang mga mangangaral at taong ang sentro ng kanilang pangangaral ay MGA PANLABAS NA RITUWAL, BAUTISMO SA TUBIG, SEREMONYA, ALITUNTUNIN, PANGHIHINGI NG IKAPU AT "OFFERINGS", MGA PROYEKTO NG PAGTATAYO NG MGA TEMPLO AT GUSALING WALANG BUHAY, at iba pang tulad nito.

    "Sapagka't sinoman ay hindi makapaglalagay ng ibang PINAGSASALIGAN (O pundasyon), kundi ang nalalagay na, NA ITO'Y SI CRISTO JESUS." (1 Cor.3:11)

    HINDI LAHAT NG GUMAGAMIT NG KASULATAN AY SA DIOS

    Sa Mateo kapitulo 4:1-11 ay mababasa ang naganap na pagtukso ni Satanas sa Panginoong Jesu-Cristo. Isinagawa ni Satanas ang pagtukso sa Panginoon matapos na Siya (ang Panginoon) ay makapag-ayuno ng apat na pung araw at apat na pung gabi, at "sa wakas ay nagutom Siya." (4:1-2)

    "At ang manunukso ay dumating, at nagsabi sa Kaniya, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay ipag-utos Mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay." (4:3)

    Sinalag ng Panginoong Jesus ang ofensibang ito ng diablo, sa pagsagot nang ganito: "NASUSULAT, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Dios." (4:4)

    Ang mga salitang sinitas ng Panginoon ay galing sa Kasulatang Hebreo (Deuteronomio 8:3), na mas kilala sa katawagang "Matandang Tipan." Ang paggamit ng Panginoon ng salita ng Dios, na siyang tabak ng Espiritu ay gumapi sa unang pag-atake ng Kaaway.

    Di nagtagal at isinagawa naman ng Kaaway ang ikalawa niyang pag-atake. "Nang magkagayo'y dinala Siya ng diablo sa bayang banal; at inilagay Siya sa taluktok ng templo, at sa Kaniya'y sinabi, Kung Ikaw ang Anak ng Dios, ay magpatihulog Ka; sapagka't NASUSULAT, Siya'y magbibilin sa Kaniyang mga anghel tungkol sa Iyo: at aalalayan Ka ng kanilang mga kamay, baka matisod Ka ng Iyong paa sa isang bato." (4:5-6)

    Pansinin, giliw na mambabasa, na sa ikalawang pag-atake ng diablo ay ginamit niya ang Kasulatan ("NASUSULAT, Siya'y magbibilin sa Kaniyang mga anghel, atbp."). Marunong din palang sumitas ang diablo galing sa Biblia!

    "At hindi kataka-taka: sapagka't si Satanas man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan"! (2 Cor.11:14)

    Dapat na magsilbing babala ito sa atin na hindi lahat ng gumagamit ng Biblia ay sa Dios nang kaagad. Si Satanas ay marunong ding sumitas sa Kasulatan nguni't ito'y ginagawa Niya, hindi para papurihan ang Dios, kundi upang isulong ang mga pansariling layon at makasariling hangarin.

    KINAKALAKAL ANG SALITA NG DIOS

    Sa Mateo 2:4-6 ay mababasa ang pagsangguning ginawa ni haring Herodes sa mga pangulong saserdote (pari) at mga eskriba ng bayan, upang alamin ang lugar na panganganakan sa Cristong "Hari ng mga Judio." Kaagad namang naibigay ng mga pari at mga eskriba ang tamang impormasyon base sa nalalaman nila sa Kasulatan (2:5-6).

    Nguni't pansining ang gayong kaalaman sa Kasulatan ay hindi nakapaglapit sa kanila (o maging kay Herodes man) sa Dios. Ang tamang impormasyon na kanilang nalaman sa Kasulatan ay nanatili lamang sa kanilang ulo ("intellectual" o "head knowledge"), at hindi pumasok sa kanilang puso ("spiritual" o "heart knowledge") kaya't nanatili silang mga bulag at kaaway ng Panginoon.

    "...Ang kaalaman ay nagpapalalo, nguni't ang pag-ibig ay nagpapatibay. Kung ang sinoman ay nag-aakala na siya'y may nalalamang anoman, ay wala pang nalalaman gaya ng nararapat niyang maalaman; datapuwa't kung ang sinoman ay umiibig sa Dios, ay kilala Niya ang gayon." (1 Cor.8:1-3)

    Kahanay din nila ang "karamihan" na binabanggit ni apostol Pablo sa kaniyang sulat: "Sapagka't hindi kami gaya ng KARAMIHAN NA KINAKALAKAL ANG SALITA NG DIOS, kundi sa pagtatapat, at gaya ng mula sa Dios, sa harapan ng Dios ay nagsasalita kami (para) kay Cristo." (2 Cor.2:17) (pakitingnan din ang 2 Pedro 2:1-3)

    Pansinin na, ayon sa apostol: (1) Karamihan, maging noong kapanahunan nila, ay KINAKALAKAL o ginagawang isang NEGOSYO ang salita ng Dios. (2) Gayunma'y hindi kabilang sa karamihang nabanggit si apostol Pablo at ang kaniyang mga kamanggagawa. (3) Kung ang karamihan ay kasakiman at pagkamakasarili ang motibo sa paggamit sa salita ng Dios, sa kabaliktaran naman ay nariyan sila Pablo na kay Cristo ay naglilingkod sa harap ng Dios nang may katapatan.

    Malinaw kung gayon na hindi sapat ang pagkakaroon ng intelektuwal na kaalaman sa salita ng Dios o sa Biblia. Ang Biblia sa kaniyang sarili ay hindi dapat na maging siyang pinakadulo ng paghahanap natin ng katotohanan.

    Ang Biblia, gaya ng mapa ng isang kayamanan, ay dapat na magturo at maghatid sa atin kay Cristo Jesus. Ang Panginoong Jesu-Cristo naman ang Daan natin patungo sa Dios Ama (Juan 14:6-7).

    "Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas; na Siyang may ibig na ang LAHAT ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan. Sapagka't may ISANG DIOS at may ISANG TAGAPAMAGITAN sa Dios at sa mga tao, ANG TAONG SI CRISTO JESUS, na ibinigay ang Kaniyang sarili na pangtubos sa LAHAT; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan." (1 Timoteo 2:3-6)

    (Itutuloy)