Tuesday, June 8, 2010

Ang Katotohanan Tungkol Sa 'Impierno'

Minagaling ng Dios na ang orihinal na mga Kasulatan ay masulat sa wikang Hebreo, Aramaico at Griego. Marami sa mga salitang ginagamit ngayon sa wikang Inggles, Pilipino at iba pang mga wika ay direktang halaw sa tatlong nabanggit na wika na ginamit sa pagsulat ng orihinal na Kasulatan.

Kabilang mga salitang direktang hiniram sa Hebreo ay ang mga sumusunod: Mesias, amen, aleluyah, kerubin, satan[-as], sabbath, faraon, kamel[-yo], atbp. Ito naman ang ilang halimbawa ng mga terminong hiniram sa wikang Griego: Cristo, sinagoga, demonyo, apostol, bautismo, evangelio, atbp.

Napakahalaga sa wastong ikauunawa ng mga salitang ito ang masusing pagsusuri ng kanilang kagamitan ("usage") sa loob mismo ng Banal na Kasulatan. Napakahalaga rin na pag-aralang mabuti ang kontekstong kinaroroonan ng mga terminong ito sa Kasulatan. Laging pinagmumulan ng napakalaking pagkakamali ang pag-aalis ng anumang versiculo o salita sa kanilang kinabibilangang konteksto.

Ang wala sa konteksto ("out-of-context") na pagsitas ng mga versiculo at mga salita sa Kasulatan ay nagreresulta sa maling pagkaunawa at pakahulugan.

Napakahalaga rin ang tugmaan at konsistenteng pagsasalin ("concordant & consistent translation"). Ibig sabihi'y hindi dapat na labo-labo ang pagkakasalin. Ang labo-labong pagsasalin ay nagreresulta sa pagkalito at pagkaligaw ng unawa ng bumabasa.

HALIMBAWA NG LABO-LABONG PAGSASALIN

Sa tradisyunal na mga sekta at denominasyon ng Cristianismo ay laganap ang paniniwala sa kung tawagi'y "walang hanggang impierno". Alam mo ba na ang dogma ng Simbahan tungkol sa 'impierno' ay hindi matatagpuan sa orihinal na Kasulatang Hebreo at Griego (mas kilala sa katawagang 'Matanda at Bagong Tipan')?

1. Sa Kasulatang Hebreo (Matandang Tipan) ay mababasa ang salitang "Sheol". Animnapu't limang (65) beses na ginamit sa 'Matandang Tipan' ang naturang salita. Sa Saling Inggles na King James Version (KJV) ay 31 beses ito na isinaling "hell" (katumbas ng "impierno" sa Tagalog) at 31 beses ding "grave" (= libingan), at 3 beses na "pit" (= hukay).

Sa Tagalog Old Version Bible (TOVB) ay isang paglilipat-baybay ('transliteration') ang ginawa ng mga nagsalin, at ang salitang "Sheol" din ang ginamit nila sa 65 ulit na paglitaw nito. Ang ganitong pagiging konsistente ng TOVB, kumpara sa KJV, ay malaking tulong sa mambabasa pagka't madali nilang makikita ang salitang "Sheol" sa TOVB.

2. Sa Kasulatang Griego naman ay ginamit ang salitang "Hades" ng sampung (10) ulit. Ito ay isinaling 'hell' (= impierno) sa KJV. [Sa ilang 'late manuscripts'ay mababasa rin sa 1 Corinto 15:55 ang "Hades", nguni't wala ito sa mga lumang manuskrito gaya ng p46, Codices B at Aleph at iba pang kahanay nito]. Konsistente rin ang pagkasalin sa TOVB, at "Hades" ang mismong ginamit.

3. Matatagpuan din ng 12 beses ang salitang "Gehenna" sa Kasulatang Griego ('Bagong Tipan'). Ito ay isinalin ding 'hell' (= impierno) sa KJV. Sa pagkakataong ito ay nahatak din ang TOVB ng tradisyunal na pananaw, at 'impierno' rin ang ginamit nitong termino para isalin ang salitang "Gehenna".

4. Sa Kasulatang Griego ay mababasa rin ng isang beses ang salitang "Tartaroo" (2 Pedro 2:4). Ito ay nangangahulugan sa literal na "ibinulid sa Tartaros". Nguni't ito ay isinalin ding 'hell' (= 'impierno') sa KJV at TOVB.

ILANG OBSERBASYON


Dapat na mapansin na ang kaisipang nakapaloob sa tradisyunal na aral tungkol sa "impiyerno" ay hindi matatagpuan sa Kasulatang Hebreo, Aramaico, at Griego.

Ang salitang "Sheol" sa Hebreo ay hindi nangangahulugan kailanman ng "impiyerno". Ito ay mula sa salitang ugat na "shaal" ("humingi"). Sa paggamit ng Kasulatang Hebreo ng "figure of speech" (o tayutay) na "Personification", ang "Sheol" ay itinutulad sa isang dambuhalang napakatakaw na walang kabusugan. Ito ay walang tigil sa paghingi ng mga taong malalamon nito sa kamatayan.

"Ang Sheol at ang kapahamakan ay hindi nasisiyahan kailanman; at ang mga mata ng tao ay hindi nasisiyahan kailan man." (Kawikaan 27:20, TOVB)

Sa pinagaan na Salin ng Magandang Balita Biblia ay ganito ang pagkakasalin: "Ang nasa ng tao ay walang kasiyahan, tulad ng libingan (Sheol), laging naghihintay."

Sa Kawikaan 30:15-16 ay mababasa pa ang ganito: "Ang linta ay may dalawang anak, 'Bigyan mo ako,' ang lagi nilang hiling. May apat na bagay na kailanma'y di masiyahan: Ang libingan (Sheol), ang babaing walang anak, ang lupang tuyo, laging ibig matigmak at ang apoy na naglalagablab." (TPV)

Sa mga versiculong ito ay malinaw na ang Sheol ay tumutukoy sa Libingan (o sa walang kamalayang kalagayan ng mga patay).

Narito ang ilan pang katibayan na ang "Sheol" ay walang iba kundi ang Libingan:
  • "Sapagka't sa kamatayan ay walang alaala sa Iyo; sa Sheol (libingan) ay sinong mangagpapasalamat sa Iyo?" (Awit 6:5) Pansinin na ginamit dito ang tambalang paralelismo (synonymous parallelism). Ang unang pangungusap na bumabanggit sa kamatayan bilang isang kalagayang doo'y di na maaalaala pa ang Dios ay lalong binigyang diin sa ikalawa sa pagsasabing sa Sheol (o libingan) ay sino kaya ang makapagpapasalamat pa sa Dios? Ang tanong na ito ay isang figura rin na humihingi ng sagot na negatibo.
  • "Huwag nawa akong mapahiya, Oh Panginoon; sapagka't ako'y tumawag sa Iyo: mapahiya nawa ang masama, magsitahimik nawa sila sa Sheol (libingan). Matahimik nawa ang mga sinungaling na labi..." (Awit 31:17-18) Malinaw na ang Sheol ay isang kalagayan ng pananahimik at hindi pag-iingay. Ang Sheol kung gayon ay hindi maaaring maging katumbas ng tradisyunal na "impiyerno" na doo'y hindi pananahimik ang kalagayan kundi pagpapalahaw, panaghoy na walang katapusan, at kaguluhang di natatapos ayon sa imahinasyon ng tao.
  • "Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan" (Awit 115:17). "Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayron pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pag-ibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon" - ibig sabihi'y nawala ngayong patay na sila - "ni wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang nagawa sa ilalim ng araw...Anomang masumpungang gawain ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagka't walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa Sheol (libingan), na iyong pinaparunan." (Ecclesiastes 9:5, 6, 10)
Isang malaking pagkakamali kung gayon ang pagpapakahulugan ng Tradisyon na ang Sheol ay tumutukoy sa isang lugar ng walang hanggang pagpapahirap at pagpaparusa - ang tinatawag sa karaniwang 'impierno'. Ang Sheol ay hindi tumutukoy sa isang literal na lugar kundi sa walang kamalayang kalagayan ng mga patay. Kaya nga sinasabi sa Aklat ng Ecclesiastes (o Mangangaral) na habang buhay pa ay dapat nang ganapin ang iyong gawain ng buong lakas at pagsisikap "sapagka't walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa Sheol (libingan), na iyong pinaparunan [pag namatay na]." (Ecclesiastes 9:10)

Kung wala nang gawa sa Sheol (o libingan) ay masasabi bang aktibo pa rin ang patay na naroon na sa kalagayang iyon? Kung wala nang katha sa Sheol ay puwede bang sabihing nagpaplano o may binabalangkas pa rin doon ang patay? Kung wala nang kaalaman sa Sheol ay tama bang sabihin na may kamalayan pa rin ang patay na naron? Kung wala nang karunungan sa Sheol ay wasto bang angkinin na gumagana pa rin at aktibo ang isip ng patay na naron?

Ganito ang sabi ng Panginoong Jesu-Cristo: "Kinakailangan nating gawin ang mga gawa Niyaong nagsugo sa Akin, samantalang araw [ibig sabihi'y habang buhay pa tayo]: dumarating ang gabi [tumutukoy sa panahong patay na tayo], na walang taong makagagawa." (Juan 9:4)

Itinutulad din ng Panginoon ang kamatayan sa pagtulog. Pansinin ang mga salita Niya: "...sinabi Niya sa kanila [sa mga alagad], 'Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't Ako'y paroroon, upang gisingin Ko siya sa pagkakatulog.' Sinabi nga ng mga alagad sa Kaniya, 'Panginoon, kung siya'y natutulog, ay gagaling siya.' Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita Niya ay ang karaniwang pagtulog. Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus, 'Si Lazaro ay patay [na].' " (Juan 11:11-14)

Pansinin na akala ng mga alagad ay "ang karaniwang pagtulog" ang tinutukoy ng Panginoon ng sabihin Niya sa kanila, "Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog". Nguni't sa ano ba patungkol ang mga salitang iyan ng Panginoon? Ayon na rin sa nabanggit na sitas ay "sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay [sa ibang salita'y, sa pagkamatay ni Lazaro]". At upang alisin ang ano pa mang natitirang pagdududa ay malinaw na Niyang sinabi: "Si Lazaro ay patay na".
    Malinaw kung gayon na itinulad ng Panginoon ang kamatayan sa pagtulog. Dalawa ang pangunahing dahilan kung bakit Niya ginawang magkatulad ang kamatayan at pagtulog. Una, sa pagtulog ay walang kamalayan sa nangyayari sa paligid ang isang natutulog, gayon din naman wala na ring kamalayan ang isang namatay. Ikalawa, pag may pagtulog mayron ding paggising, gayon din naman pagkatapos ng kamatayan ay susunod naman ang muling pagkabuhay (o resurrection).

    (Itutuloy)