Friday, June 3, 2011

Si Yahweh Ang Aking Pastol (Ika-2 Bahagi)

"Dumarating si Yahweh na Makapangyarihan
Taglay ang gantimpala sa mga hinirang;
at tulad ng pastol,
Yaong kawan Niya ay kakalingain,
Sa sariling bisig
Yaong mga tupa'y Kanyang titipunin;
Sa Kanyang kandungan ay pagyayamanin,
At papatnubayan ang tupang may supling." (Isaias 40:10-11, TPV)

Ang isa sa pangunahing pangangailangan ng kawan ng mga tupa ay ang pagkalinga. Ang pastol ay isa na itinalaga sa napakahirap na tungkulin at gawaing ito na pangalagaan at protektahan ang mga tupa. Layunin ng pastol na laging tugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga tupa.

Sa Awit kapitulo 23 ay inihayag ang ilan sa mga ginagawa ng Panginoon, gaya ng pastol, upang punuan ang lahat ng mga pangangailangan ni David bilang siya namang tupa ng Panginoon. Ang pagkalingang ito ay karanasan hindi lamang ni David kundi maging ng lahat ng may ganap na pananalig sa Panginoon.

ANG PANGANGAILANGAN NG PAGKAIN AT NG INUMIN

"Si Yahweh ang aking Pastol, hindi ako magkukulang. Ako'y pinahihimlay sa mainam na pastulan, at inaakay Niya ako sa tahimik na batisan." (Awit 23:1-2)

Inilalarawan dito ni David ang isang malawak at luntiang pastulan na rito'y malayang nakapanginginain ang mga tupa sa ganap na ikabubusog at ikasisiya ng kanilang mga puso.

Ito ay isang "mainam na pastulan" na hindi lamang kinaroroonan ng saganang pagkain, kundi lugar din ng kapahingahan para sa mga tupa na kung saan sila'y makahihimlay ng ligtas, panatag at payapa.

Maaaring sa ibang mga lugar sa mundo ay mayron ng tagtuyot at tagsalat at wala nang halos makain, nguni't sa lugar na ito ng mabuting Pastol na "lihim na dako ng Kataastaasan" (91:1) ay walang kasalatan at wala ring tagtuyot pagka't ang Panginoon ang mismong kumakalinga rito sa lahat ng mga araw ng bawa't taon:

"Umuulan sa lupain, ganito Mo kinalinga, Umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa; Patuloy na umaagos ang bigay Mong mga batis, Sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig; Ganito ang ginawa Mo na hindi Mo ikinait.

"Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana, Ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa; Sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa, Kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.

"Nag-aani nang marami sa tulong Mong ginagawa, At saanman magpunta Ka'y masaganang-masagana.

"Ang pastula'y punong-puno ng matabang mga kawan, Naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan; Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan, At hitik na hitik mandin ang trigo sa kapatagan; Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!" (65:9-13, TPV)

Ang malinis at tahimik na inumang batis ay isa rin sa pangunahing pangangailangan ng mga tupa. Likas kasing takot ang tupa sa tubig na maingay at maagos. Kaya't ang pastol ang umaakay sa tupa patungo roon sa bahagi ng batis na tahimik at walang marahas na pag-agos upang ang tupa ay makainom ng panatag, walang balisa at walang takot.

Hindi ba't inilalarawan sa figura at metaporang ito ang katotohanan na nalalamang lubos ng Panginoon ang lahat nating mga kinatatakutan at ikinababalisa? Ang lahat nating mga kabagabagan ay nababatid Niyang lahat kaya't sinabi Niya:

"...huwag kayong mabagabag tungkol sa pagkain [at inumin] na kailangan ninyo upang mabuhay, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit?

"Masdan ninyo ang mga ibon: hindi sila naghahasik ni nag-aani o kaya'y nagtitipon sa bangan. Gayunman, pinakakain sila ng inyong Amang nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makapagpapahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

"At bakit kayo nababagabag tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano sumisibol ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagpapagal ni humahabi man. Nguni't ito ang sasabihin ko sa inyo: maging si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasing-ganda ng isa sa mga bulaklak na ito, bagamat napakariringal ng mga damit niya.

"Kung ang mga damo sa kabukiran, na buhay ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, ay dinaramtan ng Diyos, kayo pa kaya? Kay liit ng pananalig ninyo sa Kanya! Kaya't huwag kayong mabalisa tungkol sa kakanin, iinumin, o daramtin. Sapagka't ang mga bagay na ito ang kinahuhumalingan ng mga taong wala pang pananalig sa Diyos.

"Alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Ngunit pagsumakitan ninyo nang higit sa lahat ang pagharian kayo ng Diyos at mamuhay nang ayon sa Kanyang kalooban, at ipagkakaloob Niya ang lahat ng kailangan ninyo.

"Kaya, huwag ninyong ikabahala ang para sa araw ng bukas; saka na ninyo harapin kapag ito'y dumating. Sapat na sa bawat araw ang kanyang mga suliranin." (Mateo 6:25-34, TPV)

HIGIT PA SA PAGKAIN AT INUMIN

Gaya ng pastol, nalalaman ng Panginoon ang lahat ng mga pangangailangan ng Kaniyang mga tupa. Ngunit higit pa sa pangangailangan sa pagkain at inumin ay napakalaki ng pangangailangan nating makilala ang Panginoon mismo.

"Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon at ng asno ang nag-aalaga sa kanya, Ngunit hindi ako nakilala ng Israel; hindi ako naunawaan ng Aking bayan. Bansang makasalanan, bayang mahilig sa kasamaan, Itinakwil mo si Yahweh, Dinusta mo ang Banal ng Israel at Siya'y iyong tinalikdan!" (Isaias 1:3-4)

Madalas na intresado lamang tayo sa mga kaloob ng Panginoon, ngunit wala tayong pagnanais na makilala Siya na nagkakaloob ng lahat. Hinahanap lamang natin ang Kanyang mga regalo, nguni't wala tayong hangaring hanapin at kilalanin Siya na nagreregalo!

Mabuti pa ang baka at ang asno na nakakikilala sa kanilang panginoon at tagapag-alaga, nguni't tayo, gaya ng mapaghimagsik na bayan ng Israel noong una, ay wala ring pagkilala at pagtanaw ng utang-na-loob sa Panginoon na lumikha sa atin, nagkakaloob ng ating buhay, hininga, at ng lahat ng mga bagay.

"Tayong lahat na gaya ng mga tupa ay naligaw; tayo ay tumungo bawa't isa sa kaniyang sariling daan; at ipinasan sa Kaniya ng Panginoon ang kasamaan nating lahat." (53:6, TOVB)

Sinabi ng Panginoong Jesu-Cristo: "Ako ang mabuting Pastol. Iniaalay ng mabuting Pastol ang Kanyang buhay para sa mga tupa." (Juan 10:11, TOVB)

Ganito naman ang paliwanag ni apostol Pedro patungkol sa ginawa ng Panginoong Jesu-Cristo para sa atin: "Sa Kanyang pagkamatay sa krus, dinala Niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tuluyan na nating iwan ang pagkakasala at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo'y gumaling sa pamamagitan ng Kanyang mga sugat. Sapagka't nagkawatak-watak kayo gaya ng mga tupang naligaw, ngunit tinipon kayong muli ng Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa." (1 Pedro 2:24-25, TPV)

Kilala mo ba ang Panginoong Dios na lumikha sa iyo at nagbibigay sa iyo ng buhay, kalakasan, hininga, pagkilos, at maging ng iyong pagkatao?

Hinahanap mo ba Siya, gaya ng mga Judio noong una, dahil lamang sa ikaw ay nakakain ng kaloob Niyang tinapay at nabusog ka (Juan 6:26-27)? Hinahanap mo ba Siyang totoo? O interasado ka lamang sa maaari mong makuha sa Kaniya?

Mahalaga ba sa iyo ang Panginoon na nagkakaloob ng lahat? O mas mahalaga sa iyo ang mga kaloob Niyang natatanggap mo? Siya ba na pinagmumulan ng mga regalo ang mahalaga sa paningin mo? O sa mga regalo lang nakatuon ang puso mo?

Saan ka nakatingin? Sa kamay ba Niya na nagkakaloob sa iyo ng lahat? O sa mga kaloob na hawak Niya? Saan ka nakatingin ngayon, kaibigan? Saan naroon ang puso mo?

"Walang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan." (Mateo 6:24, TPV)

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment