Friday, October 2, 2009

Tungkol sa Anak ng Dios

Ang kahulugan ng salitang "evangelio" sa literal ay "mabuting mensahe" o "mabuting balita". Ito ay 77 ulit na ginamit sa Kasulatang Griego (o Bagong Tipan). Sa tuwing gagamitin ang salitang ito sa Bagong Tipan ay nakasentro itong lagi sa iisang pundasyong katotohanan - si Cristo. Ang tinatawag na "evangelio" o "mabuting balita" ay laging PATUNGKOL KAY JESU-CRISTO NA ANAK NG DIOS (Marcos 1:1; Roma 1:3).

Ang sentrong paksa kung gayon at ibinabalita sa "evangelio ng Dios" ay si Jesu-Cristo at ang Kanyang mga gawa at aral. Ang "mabuting balita" ay HINDI tungkol sa isang iglesia, sekta, kulto o relihiyon. Hindi rin ito tungkol sa isang pilosopiya, sistema ng paniniwala, o kalipunan ng mga patakaran.

Ang kasalukuyang nagkokontrahan at napakagulong kalagayan ng mga sekta at samahan at denominasyong pangrelihiyon sa loob ng Cristianismo ay isang masamang balita. Ang nakararami sa mga sekta at samahan at "iglesia" o kapulungang ito ay tunay na mga "social clubs" lamang na nagbibigay kasiyahan sa laman. Sila'y nagkukubli lamang sa damit-relihiyon kaya't nagmumukhang may anyo ng kabanalan.

Ang pinakamabuting serbisyong nagagawa nila ay bigyan ng pansamantalang pangpakalma ang mga inuusig na budhi at kalooban ng kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng mga pangakong ang basehan ay ang pamantayan pa rin ng laman. Ang pagkaalipin sa kabulukan ng kasalanan ay di talagang nalulunasan ng mga sekta't relihiyong ito. Ang kanilang naaabot lamang ay pawang may kinalaman sa panglabas na ugali at asal. Nguni't ang puso na siyang pinagmumulan ng lahat ng masamang pag-iisip, pananalita, at gawa ay patuloy sa paglala nito sa kalagayan ng rebelyon sa Dios at pagmamatigas.

"Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, nguni't ang loob nito'y puno ng mga nahuthot ninyo dahil sa kasakiman at pagsasamantala. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang mga nasa loob ng tasa at ng pinggan, at magiging malinis din ang labas nito.

Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, nguni't sa loob ay puno ng kabulukan at buto ng mga patay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti kayo, nguni't ang totoo, punong-puno kayo ng pagpapaimbabaw at kasamaan." (Mateo 23:25-28, TPV)

Maliwanag na ang panlabas na reforma o pagsasapormal ng kilos ay hindi sapat sa pamantayan ng Panginoon. Ang mga eskriba't Pariseo noong unang panahon ay mga pormal at moral sa kanilang panlabas na pag-uugali nguni't kinondena sila ng Panginoon at itinulad sa libingang pinaganda at pinaputi sa labas, nguni't sa loob pala'y nabubulok na bangkay ang iniingatan. Ang tawag sa kanila ng Panginoon ay "mga mapagpaimbabaw."

Ang "mabuting balita" ay hindi patungkol sa anopamang panlabas na remedyo para linising patuloy ang panlabas habang binabale-wala ang panloob na kalagayan na siyang ugat ng problema. Laging panloob ang ugat ng suliranin ng tao. Anopamang pagmumura ng tao o pagsasalita ng masakit sa kapwa ay resulta ng poot na sa puso nag-uugat.

Anopamang kahalayan sa salita o sa gawa ay laging nag-uugat muna sa mga makalaman na pagnanasa ng puso. Gayon din ang pagnanakaw bago pa ito gawin ay nagsisimula na muna sa pagkainggit at pag-iimbot ng mga bagay na hindi sa iyo. Ang pagsamba din sa diyus-diyusan ay nagmumula muna sa pusong nag-iimbot sa mga bagay ng sanlibutan. Dumarating ang punto na ang mga bagay ng sanlibutang ito ay mas higit pang pinahahalagahan ng tao kaysa sa Dios na lumalang sa kanya at nagkaloob sa kanya ng lahat. Ang kalagayang ito ng tao ay tunay ngang masamang balita.

Malinaw nga na kung pag-uusapan ang tao sa kanyang hiwalay na kalagayan sa Dios na pawang masamang balita ang maririnig natin.

Tanging KAY CRISTO lamang may mabuting balita. Siya nga ang sentro at kabuoan ng mabuting balita. Siya ang evangelio o mabuting balita ng Dios para sa ating lahat.

SINO BA SI JESU-CRISTO?

Una sa lahat, si Jesu-Cristo ang Salita ng Dios (Juan 1:1-14). Siya ay naroon na sa simula bago pa malalang ang lahat ng mga bagay. Siya ay kasama na ng Dios nang pasimula. At Siya noon ay Dios na mula pa sa simula.

Siya kung gayon ang orihinal na Salita ng Dios (Pahayag 19:13). Wala pang Banal na Kasulatan na nasa papel at tinta ay mayron ng Salita ng Dios na kasama ng Dios sa pasimula. Siya'y si Jesu-Cristo!

Nguni't hindi pa Siya napakikilala noon bilang Jesu-Cristo. Siya noon ang Salita sa pasimula. Nang magkakatawang-tao na Siya ay doon pa lang Siya sinimulang ipakilala sa pangalang "Jesus" (Jehovah-Tagapagligtas).

Si Jesu-Cristo kung gayon ang Salita ng Dios sa pinakaganap at sukdulang kahulugan. Pag ang Kasulatan ay tinatawag na salita ng Dios, ito ay sa secondaryong pakahulugan lamang, bilang ito ang nagbibigay sa atin ng simulaing patotoo tungkol sa Salita ng Dios o sa Panginoong Jesu-Cristo.

Halimbawa, kung uminom ka ng isang basong tubig galing sa isang bukal ay maaari mong itanong sa iba mong kasama: "Uminom na ba kayo sa bukal?" Maaari mo pang idagdag, "Masarap at napakalamig ng bukal!"

Hindi naman ang ibig sabihin ng mga salitang iyan na ang kabuoan na ng bukal ang ininom mo. Ang totoo'y isang napakaliit na bahagi ng tubig na galing sa bukal lang ang natikman mo't nainom. Pero maaari mo pa ring sabihing, "Wow, ang sarap ng bukal. Napakalamig ng bukal," na ang tinutukoy mo lang ay ang tubig na na-sample-lan mong inumin galing sa bukal.

Ibig sabihin ang tubig na nasa baso (isang bahagi) ay maaari mong tawagin sa pangalang "bukal" (ang kabuoan), sapagka't ang una ay nagmula at isang bahagi ng huli. (Ang tawag dito ay Synecdoche sa Figure of Speech sa Inggles.)

Ito ay maaari lamang bilang figura, nguni't hindi ito nangangahulugan sa LITERAL na ang isang basong tubig at ang pinanggalingan nitong bukal ay may iisang identity o pagkakakilanlan. Ang isang basong tubig ay hindi ang bukal. At ang bukal ay hindi ang isang basong tubig. Magkaiba pa din ang nanggaling doon sa kanyang pinanggalingan!

Katulad nito ang Kasulatan at si Jesu-Cristo (ang Salita). Ang Biblia ay nasulat galing sa pagkasi ng Espiritu ni Cristo sa mga propeta at banal na tao ng Dios na kinasangkapan sa pagsulat nito. Ang Biblia kung gayon ay galing kay Cristo, gaya ng ating ilustrasyon (ang tubig na galing sa bukal).

Si Cristo ang talagang ganap na Salita ng Dios sa pinakasukdulang kahulugan. Nguni't dahil ang Kasulatan (o ang Biblia) ay galing sa Kanya at Siya ang pinapatotohanan nito ay tinatawag din itong salita ng Dios sa secondaryong pakahulugan.

Nguni't ganap na magkaiba pa din ang Cristo at ang Kasulatan. Ang Cristo ay maaaring tawaging "Dios" (Juan 1:1), nguni't hindi natin puwedeng sabihing "ang Biblia ay Dios din." Ito ay magiging bibliolatriya o isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan.

Maaaring sabihing, "Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan Niya (ng Salita o ni Cristo); at alinman sa lahat ng ginawa ay hindi nagawa kung wala Siya." (Juan 1:3)

Nguni't magiging mali na sabihing, "ang lahat ay ginawa sa pamamagitan ng Kasulatan (o ng Biblia); at alinman sa lahat ng ginawa ay hindi nagawa kung wala ang Kasulatan." Sa katotohanan nga'y wala pa ang Biblia sa papel at tinta ay nalalang na ng Salita (o ni Cristo) ang sangsinukob sa Kanyang kapangyarihan.

Wala pa ang Bibliang nasusulat sa papel at tinta ay naroroon nang dati sa pasimula pa ANG SALITA. Kahit ang Biblia ay hindi masusulat kung hindi dahil sa Kanya at sa pamamagitan Niya. ANG SALITA NG DIOS kung gayon ay si Jesu-Cristo talaga, at ang Biblia naman ang nasusulat na patotoo upang ipakilala Siya sa atin na Siyang talagang SALITA NG DIOS!

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment